19 December 2008

GANITONG WALANG KURYENTE

Hindi ko pa rin maunawaan
kumbakit ikinatutuwa
ng kapatid kong bunso
ang mga pagkakataong ganito.

Wala kaming imikan pareho
sa masikip na sala.
Hitik sa tinik ang katahimikang
nakatirik sa pagitan

ng aking pagmamasid
habang ang aking kapatid,
sa kanyang apat na taong
pagtataka sa daigdig

ay tuwang-tuwa palagi
kapag nakalatag ang gabi
lalo't walang kuryente.
Sa sumasayaw-sayaw

na liwanag sa dingding
binubuhay niya ang mga halimaw
o malignong marahil baon niya
hanggang pagtulog. Malusog

ang kaniyang tuwa sa mga hugis
na siya lamang ang nakakikilala.
Subalit kapag ginalaw ko
ang sinag ng kandila, alam

na alam kong kakawala
ang palahaw niyang
lagi't lagi'y gumugunaw
sa aking pamamanglaw.

Kaya nga't ewan ko
kumbakit kadalasan pa,
sa ganitong pagkakataong
nawawala ang hinahon

sa aking kalansay,
sadya ko namang pinapatay
ang apoy na lumalandas
sa mitsang di pumupungas

at tila Diyos na walang awang
pagmamasdan ang kapatid
habang sinasaid ang luhang
lulunod sa kaniyang pag-idlip.

Minsan tuloy iniisip ko,
ito na nga ang dahilan siguro,
kumbakit sa apat na taong
pagtataka ng aking kapatid

na walang kalaban-laban
sa kaniyang daigdig,
ayaw na ayaw niyang ako
ang kaniyang nakakalaro.