18 December 2008

KAY NIKITA

-

Ma'nong sumikip ang ating silid
at ang dating malalayo,
pira-pirasong sulok ng daigdig,
ngayon ay maaari nang tahiin

ng iyong paang munti. Kasingkinis,
kasinlambot ng talampakang
nagsisimula pa lamang anurin
sa wala pang pangalan, wala

pang sigwang kumpas ng kapalaran
ang iyong damdamin;
ang iyong kaluluwa, umaagos
na tila purong buhangin.

Sumasabay sa hakbang mo ang pagbaybay
palayo sa akin. Walang ingat
ang pagtuklas, ni katiyakan
ang pagtunton. Mahusay

kung gayon. Dahil sa pagbagtas
sa mundo, ang mapang landas
ay blangko. Ang mga paang walang sapin
ang siyang higit nakapapansin

sa mga lingid na kurba at uka
ng maligasgas na lupa.
Ang mga aspaltong umaalimuom,
ang mga kalsadang basa,

tiyak may basbas ng talinong babaon
sa pandamang walang baon
ni manipis na tsinelas.
Ang iyong paghakbang, gaya ng paglurok

sa rurok ng walang-hanggan,
ay pagbisita sa mga eskinitang
laon nang giniba ng nagdaan
ang mga posteng palatandaan.

Sa ganitong pagpapalagay,
malalaman mong gabay
ang paglimot sa bagay-bagay
na iyo nang natutunan;

na habang ika’y gumagaygay
at natitisod
sa iba't ibang gunita at lunan,
kumbakit tila bumabalik

ka lamang nang bumabalik
sa nilisang panahon at daigdig
kahit pa alam mong susugat ito
at susugat sa iyo nang paulit-ulit.