18 December 2008

TABLA-TABLA

(Halaw sa If You Forget Me
ni Pablo Neruda)



Mangyari, malaon mo nang nakilala
itong humihilab na pangungulila
sa aking mga salita. Halimbawa
ganitong nakatitig sa manibalang

na buwan, at minamasdan ang paggapang
ng lamat sa kulay-palara niyang balat
samantalang bumabaybay ang anino
ng nakalungayngay na puno sa harap

ng aking bintana, o di naman kaya
tuwing dinarama sa palad ang lambong
ng abong lulutang-lutang sa panggatong --
Lahat ng ito ay nagpapagunita

sa akin sa iyo. Tila lahat-lahat
ay kumakalat -- mapabakal, liwanag
at halimuyak: mistulang bangkang puti,
malamyos akong inaanod pauwi

sa iyong tabi. Ngunit baka-sakali,
sa isip mo ay unti-unting sumagi
na ayaw mo na sa akin, umasa kang
hindi na rin kita siguro mahal pa.

Sa sandaling bigla mo akong limutin
huwag mo na akong hanapin saanman,
tiyak nalimot ko na ang ‘yong pangalan.
Kung sa sarili ay ipagpapalagay

na tunay na nakaiinip maghintay
sa pagpapalit-kulay ng aking buhay,
kung pati isip ay makumbinsing walang
problema kung basta na lang akong iwan

dito sa magaspang mong dalampasigan —
Ah tatandaan mo, sa sandaling iyon
ikakampay ko ang aking mga braso
palayo sa iyo. Pero kung sa bawat

oras, kung sa bawat araw na lumipas
ay maalala mong sadyang naihugis
na pala itong tadhanang nagbibigkis
sa ating dalawa, may kung anong tamis

ang kagyat dadampi’t di maitatatwa.
Ang bawat sandali’y magiging kapana-
panabik. Tulad ng nanunuksong halik,
masimbuyo ang dahan-dahang paglapit.

Ang dating apoy ay muling magdiringas.
Liliyab itong wari bang sa dibdib ko’y
walang anumang namatay ni kumupas.
Mahal ko, malaon mo nang nakilala

itong humihilab na pangungulila
sa sugat-sugat kong salita. Kumbakit,
sa tuwing ako’y iniibig mo, di ko
magawang hindi rin umibig sa iyo.