22 January 2009

BENEDIKSYON

(Halaw kay Rev. Joseph Lowery
20 Enero 2009)


O Panginoon ng pagal naming panahon,
O Panginoon ng luhang kaytagal naming inipon,
Ikaw na gabay magpahanggang ngayon,
Ikaw na makapangyarihang liwanag ng dantaon,
nawa’y akayin kami sa wastong daan
upang sa aming pagtungo ay di malayo
sa takda mong tagpuan. Upang di malango at maliyo
sa alak ng kamunduhan. Tuwina kami ay patnubayan,
nagkakaisa at tapat sa Iyo, at tapat sa lupaing binasbasan
ng aming dugo. Tulungan mo kami,
O Panginoon, upang magmula ngayon
ay walang sinumang maghahasa
ng sandata sa kaniyang kapwa;
at ang mekanikal na makinaryang pandigma
ay maging traktorang pambungkal ng lupa;
at ang bawat nilalang, bata o matanda,
ay makapagpapahinga sa tabi ng punong payapa,
walang pangamba o nakaambang panganib
sa halip ay nakaabang sa katarungang dumadaloy
na parang tubig, habang nag-aapoy
ang kawastuhang makapangyarihan.
Panginoon, sa ngalan ng aming ninuno
at lahat ng nagpagod
para sa layuning ito, at sa lugod
ng bagong simula, nawa’y sumaamin ang iyong biyaya
hanggang dumating ang panahon

na sinumang itim ang balat
ay ligtas makapaglalakad
sa kaniyang daan pauwi;

na sinumang kayumanggi
ay may layang mamili
kung nais niyang manatili;

na sinumang dilaw
ay magkaroon ng layaw
upang magtimpi;

na sinumang pula
ay makaapula
sa pamimighati

na sinumang puti
ay mapaglimi
ang wasto sa mali.

Sa aming nag-aalay ng gawa
para sa hustisya at awa,
ang Iyong pag-ibig ay ipaunawa.
Siyanawa.

19 January 2009

ALAS DIYES NANG GABI

-

on the wall he slashes…
a single worded poem
comprised of four letters.

Paul Simon. A Poem
on the Underground Wall


Ang langit ay nakataob
na mangkok, mabigat
na nakadagan
sa buong lungsod

ngayong alas-diyes nang gabi.
Lalong sumisidhi
ang hapdi ng Disyembre
ganitong walang dyaket

na suot ang kaluluwa,
at ang sikmura ay ginigisa
ng mapait na gutom
at pag-iisa. Sa lilim

ng diskuwentadong ganyak
ng gusaling pinupulikat
isang musmos, kuyom
sa magkabilang palad

ang tungkos ng bulaklak
na kanina pa,
kaninang-kanina pa,
naubos ang halimuyak,

ang ngayo'y nagsasaboy
ng halakhak
sa moradong bangketa.
Ang gayak niyang kamiseta

ay kasingnipis ng luha.
Napanis na
sa kaniyang dila
ang lasa

ng huling agahan
habang sa nagdedeliryong lansangan
ay walang madalumat na dasal
o pangaral

kung paano napaparami mag-isa
ang mga tinapay at isda.
Isinandal ng bata
ang kaniyang mukha

sa salaming umaapaw
sa palamuti. Sanggol
na nakangiti, naliligiran
ng mga laruan

at bulaklak na basahan
ang naroon sa panig
na tila walang pighati.
Sa kabilang panig, nakatingin

ang bata. Nakatingin
nang taimtim,
nang walang babala,
lumapit ang bantay

anyong naghahanap
ng away. Saka siya itinaboy
palayo, malayo
sa mga taong mababango

ang baong laway at buto.
Sa halip na tumalima,
tutop ng palad ang bunganga
at sapo ng kamay

ang idinahak na plema’t laway,
ipinahid
ng paslit
ang likidong

malagkit
sa ibabaw ng salamin.
Saka siya natawa, tila
noon lang niya nadama

ang ga-langit-sa-lawak
na tuwa, samantala
sa kaniyang paa
tumatahak nang tahimik

ang patak-patak na pula,
maliliit at sariwa.
Alas diyes
nang gabi.

Lalong sumisidhi
ang hapdi ng Disyembre.

16 January 2009

TAG-ARAW NANG UNA TAYONG MAGKITA

Tag-araw nang una tayong magkita.
Sabi ko, ang pag-ibig ay mainit
lalo na’t hinahaplos ng palad mo
ang patpatin kong hita. Ganyan tayo

sa mata ng lupa. Sa 'ting gunita,
namumusyaw ang mga alaalang
ayaw pumanaw: mukha ng asawang
nakabaon sa kabaong ng puso;

atubiling ngiti ng mga batang
ayaw sumilip sa sugatang araw;
puntod na walang pangalan o ilaw.
Kinilatis natin ang bawat gabi,

sinisid ang ikinukubling perlas
ng malalambot nating labi. Ikaw,
kahit may asawa, minahal kita.
Bawal subalit sinong magtataka

gayong nagpupuyos ang pagnanasa,
tila baling silahis ng umaga,
nakalagak sa murang pag-unawa
at pagningas ng ating pagkabata.

UNANG ULAN

Inaanod na naman ng ulan
ang maninipis nating tawanan
sa di gaanong nahilamusang
lansangan. Malamig ang paligid

at balabal mo ang aking bisig.
Naghahanap tayo ng kanlungan
sa pagas na kasiyahan, tila
musmos, umuukit ng araw sa

lilim ng umaawit na unos.
At sabihin mang namamalat lang
sa ating suwail na pandinig
ang pagsuway ng mga magulang

upang sa bawat pag-uwi’y tiyak
na lalagda ang pingot o kurot
sa basa nating suot, di ito
ang mahalaga. Ang mahalaga’y

magkasama tayo, binabanghay
ang mga tampuhang di matapos
at saka susuko sa paglagos
ng baga mula sa ating haplos.

Ah! Kung batid lamang nila pati
pagliyab ng ating palad, ngiti,
at hininga, mauunawaan
nila kumbakit tayo ganito:

Laging naghahanap ng kanlungan
sa pagas na kasiyahan, tila
musmos, umuukit ng araw sa
lilim ng umaawit na unos.

HALAW SA KOKINSHU

1.
Pag-ibig ko sa iyo’y
walang patutunguhan
ni nais patunayan.
Ibig ko lang malaman
kung meron ‘tong hangganan.



2.
Pagtataka

Ang langit bang malawak,
walang laman at nanginginig,
posible kayang magpagunita
sa naunsyami nating pag-ibig.

Di ko aaminin, pero maaari
o baka hindi.

Ngunit bakit kaya
kailangan kong tumingala palagi
sa langit

tuwing ang 'yong alaala
ay gumagambala
sa aking pananahimik.

MGA BAGAY NA MAHIRAP MANGYARI

(Halaw sa Man’yoshu)


Malabong isipin
na ang hinahabi ko ngayong kalibugan
posibleng suklian mo rin
ng kontra-kalibugan.

At mas malamang mangyari
na iyong isaisantabi
ang mga damdaming
ngayo’y di ko masabi-sabi.

Ah, hindi ito importante.
Anu’t anuman

nais pa rin kitang anyayahang sumilip
sa hardin ng aking isip

nang sa gayo’y maialay sa iyo
ang di maunawaang kalungkutang
namumulaklak

ngayon sa kalooban.

ANG DAPAT GAWIN

Bukas, kusa kong ikakandado
ang aking puso at iwawaglit
sa kung saan ang susi. Hayaang
tuklapin ng limot ang gunita
ng magdamag nating masasaya.
Maraming ulit natin tinangkang
gawin ito, ngunit bumabalik
tayo nang wala sa isip, tila
ulilang sumisiksik sa yakap
ng nagtakwil na ina. Gayunman
wala na ang sinumpaan nating
pagmamahal. Lipas na ang araw
ng ating pagkukunwa. Ay, anong
pagtakas ang magagawa ngayon?
Pagbagahin ang halik. Magtalik
nang magtalik. Ito na ang huling
pagkakataon. Sa ibang gabi,
‘pag nag-init pa ang ating singit ---
Naku, anong sumpa na ng langit!

PANGAMBA

Ang mukha mo ay malamig
na ataul sa ‘king dibdib.
Malaon nang baon. Di ko
nais hukayin kaylanman.

Takot lang akong makita
ang inaagnas mong ngiti
at tuloy magunita pa
ang bunga ng ating nasa,

nabulok at simbaho ng
pag-ibig sa isa’t isa.

05 January 2009

ANG TAONG DAPAT PAMARISAN

(Halaw kay W. H. Auden)


Siya ang taong dapat pamarisan, ayon sa kawanihan.
Walang tinanggap na reklamong pormal
o asunto. Ang ulat hinggil sa asal ay nagtatanghal
sa kaniyang pagiging santo. Lahat ng ginawa niya
ay para sa kapwa. Paborito kahit ng among tsekwa.
Maliban noong trinangkaso at araw ng retiro
laging handang mag-obertaym at masipag sa trabaho.
Hindi siya eskirol at mahinahon ang pananaw,
kasapi ng unyon at nagbabayad ng butaw.
Kung susuriin kung paano makisama, palagay
sa kaniya ang mga kumpare’t kakilala.
Umiinom paminsan-minsan at paminsan-minsan ding
nagpapainom. Kahit mga peryodista’y kumbinsido
sa araw-araw niyang pagbabasa ng diyaryo.
Maliban sa balita, inuusisa niya ang patalastas,
o kung ano ang bago at susunod na palabas
mapa-teatro o konsyerto. Maatraso man ang hulog
sa seguro, iniisip ng ahente, nalito lang siguro
ng silip sa kalendaryo. Sabi ng nagpapautang
alam niya ang bentahe ng pagbili nang hulugan.
Marami na ang naipundar niyang kasangkapan,
radyo, stereo, pridyider, kotseng second hand.
Madalas may matalas na opinyon sa pambansang usapin
kabilang siyang pumirma sa petisyon upang patalsikin
ang pamilyar na mukhang nagtatalumpati sa tv.
Sa isip lang kung murahin niya ang hinalal na peste.
Kasal siya. May dalawang anak. At tuwing suweldo
nadadagdagan ang kanilang deposito sa bangko.

Siya ba’y naging malaya? Siya kaya’y nasiyahan?
Ang tanong na ganito ay malaking kabalbalan.
Heto siya, tingnan mo: walang-imik, walang reklamo,
nakangiting nakapikit, waring kuntentong-kuntento.

MANGINGISDA NG LONGOS

(Kalayaan, Laguna)


Ang gatla sa noo ng lawa
ay sinlalim ng gatla
sa hininga ng mangingisda
samantalang sinasagwan nila
ang umaatungal na alon.

Malumbay ang paglilimayon
ng kanilang buto. Ang multo
sa nilulumot nilang puso
ay walang inusal na dasal,
kahit hibik ng almusal,

pambusal man lang
sa magdamag na pagtitika
ng kanilang bituka.
At kaming nakamasid lamang
sa malayo, kasuyo

ang ilang anak ng mangingisda,
ay mistulang naglalayag rin
sa mahabang laot
ng lungkot at balisa, samantala
patuloy naming pinapandaw

ang bawat pintig ng panglaw
dito sa dalampasigan.
Isang kasama
ang sumambit ng tula
subalit ang mga bata ay tulala,

tila walang narinig, sa halip
nakabaklad ang kanilang titig
sa umaalimbukay na dibdib
ng Sierra Madre. Maligalig
na lang akong tumanaw sa tubig.

Pagtimbuwang ng buwan, dumaong
ang mga mangingisdang malalansa
ang baong panaginip. Tumulak
ang mga karitong walang laman
kundi putik. Ang lahat ay napatda

nang mula sa tumana, tumahak
sa hangin, magaspang
tulad ng buhangin,
ang daing ng inang naghahanap
sa kaniyang nawawalang anak.

ANG BABAENG TAKSIL SA ASAWA

(Mula sa The Faithless Wife
ni Federico Garcia Lorca)


At magkasama kami sa tabing-sapa.
Buong akala ko’y dalaga, hindi niya
pinagtapat na mayroon siyang asawa.
Noon ay gabi ni Santiago. Muntik na
akong makompromiso. Mga parola
ay kulimlim nang humikab sa ibayo,
mga kuliglig na lamang ang taimtim
na lumiliyab sa malayo. Malayong-
malayo sa malay ng mga anino,
pinisil ko ang dibdib niyang nahihimbing
wari’y makahiyang naalimpungatan,
umalsa ang mapintog na kagandahan
sa mga palad kong bihasa. Sa tenga,
sedang nilalaslas ng sampung labaha
ang kaniyang bagong-almirol na bestida.
Mga punong walang pilak na peluka
ay lalong matipuno sa gabing iyon;
kahol ng aso’y naglilimayon, lampas
sa mga antigong talampas at talon.

Sa likod ng talahib at amorseko,
sa lupang inuunan ng kaniyang ulo
humukay ako ng mababaw na hugis-
puso. Kinalag ko ang aking kurbata.
Siya ang maliit na butones ng blusa.
Ako ang pistola’t bandolera. Langis
na mamahalin o kristal na malinis
kailanma’y di mawawangis sa kinis
ng kutis niyang noon ko lang nakilatis;
mga hita niya’y isdang nagitla, kapwa
nanginginig sa lamig at nagbabaga.
Noong gabing iyon, sakay ng kabayong
walang renda at estribo, nilakbay ko
ang pinakamaiinam na kalsada.
Sapagkat ako ay lalaki, hindi ko
maaaring ikuwento ang bagay-bagay
na kaniyang sinabi. Pag-uunawaang
malalim ang nagpinid sa aming lihim.
Nakikipaglaro sa liryo ang hangin
at ako, lantay ng halik at buhangin
nang akayin ko siya palayo sa sapa.

Dahil ako ay tunay na maginoo,
pinagkalooban ko siya ng regalo
basket na malaki na yari sa satin
ngunit di ko siya magagawang ibigin
‘pagkat gayong mayroon palang asawa
sinabi niyang siya'y dalaga, isang gabi
at magkasama kami sa tabing-sapa.

GABI SA LOS BAÑOS

Ang gabi sa Los Baños ay mapait
na paglagok ng serbesa. Gumuguhit
sa isip ang malalagim na saglit
ng ating pagsasama, tila labaha
mula sa matatalim mong salita.
Kanina, habang ang hangin
ay humihilam sa mata, hinugot ko
ang tulang namumulaklak sa dila,
batid kong di ito kumikilala
ng panginoon o alila. Ngunit,
o ngunit nang ito’y subukan kong
ialay sa makinis mong dambana,
naluoy ang mga talulot
sa aking palad, at walang nalabi
kundi buntung-hiningang
pasakalye sa bawat luhang nababasag
sa ating paanan.

Muli’t muli,
nakabakod ang maraming bubog
sa ating harapan.

PAGHAHANAP NG LIWANAG

-

Humihingal ang gastadong bentilador
sa lango kong pandinig. Bumabalatay
ang bangayan ng balisang kapitbahay
dito sa binabalisawsaw na silid.


Maingat ang una kong hakbang, masinop
ang bawat pagtantiya sa kupaling papag
ng entresuwelong hindi ko maapuhap
ganitong di malurok ang mga lihim

na ikinukubli ng kagampang dilim
at walang koloreteng bitwin sa pisngi
ang gabing nagmamadali. Pakiwari’y
lintang nakakapit sa binti ang dumi

buhat sa umaalimuom na putik
samantala’y mapait kong nilulunok
itong singaw ng pusaling lumulusob
sa kaluluwang ayaw tablan ng antok.

Tinungo ko ang maganit na bintana
at marahan itong pinihit pabukas.
Mula sa labas, amoy karneng naagnas
ang hanging naglalamay. Ihing maputla

ang sinag ng buwang solong nakatanghod
sa eskaparate ng buhay sa lungsod –
sa katre, payat ang amaing ulyaning
mag-isang nagpupuyat; humpak ang balat

ng kapatid na ang tanging dinarasal
bago matulog ay almusal; tigagal
ang titig ng pusang gutom sa mapanghing
karton. Dali-dalian kong ipininid

ang pagal na mata sa gimbal na silid
habang marahang-marahang tinutuklap
sa gunita ang langib ng paghihirap
na muli’t muling nagnanaknak sa utak.

Umiinit itong hanging sumisingit
sa umiingit na sahig, tabla’t yero.
Sugatan ang katahimikan, tulad ng
maiitim na hininga sa estero.

PAG-IBIG AY DI LAHAT-LAHAT

(Mula sa Love is Not All
ni Edna St. Vincent Millay)


Pag-ibig ay di lahat-lahat:
di alak o mainit na ulam
hindi kumot sa pagtulog
o bubong kung umuulan.
Hindi salbabidang panagip

sa sinumang nalulunod
nang paulit-ulit ang pag-ibig.
Di ito hangin sa bagang hikain,
ni dugo ay kaya nitong linisin,
ni pilay ay kaya nitong hilutin.

Ngunit bakit hanggang ngayon
ay kayrami kong kakilala
mas pipiliting huwag huminga
kaysa piliing mangulila. Ako,
sakaling datnan ng sandali

saklot ng sakit at hapding matindi,
sa oras ng pangangailangan
maaaring ipagbili ko
ang pag-ibig mo para sa katahimikan
o ipagpalit ang alaala ng gabing ito

para sa isang hapunan. Maaari.
Sa tingin ko’y hindi mangyayari.

Halaw kay e.e.cummings

Dahil hindi palaging ganito;
ngayon ay sasabihin ko sa iyo
na kung ang mga labi mo,

na labis kong iniibig,
ay dumampi sa ibang labi,
samantalang mahigpit

na kuyom ng mga daliri
ang kaniyang puso,
tulad ng ngayon ay sa akin

sa di malayong araw na parating;
kung ang iyong buhok ay tatahan
sa mukha ng iba nang tigib sa katahimikang

matagal ko nang nakilala, o
ang malalim na ungol
ng matabil mong dila

ay biglang mautal ‘pag nasa harap na niya;

Sakaling magkaganito,
sasabihin ko sa iyo ngayon
na kung sakaling magkaganito –

ikaw na bahagi na ng aking puso
mangyari'y abutan lamang ako ng abiso;
at siya’y aking haharapin

at ang kaniyang kamay
ay mahigpit kong pipisilin,
at sasabihin,

Tanggapin mo ang lahat ng ligayang ito
buhat sa akin. At ang aking tingin
ay ibabaling ko palayo,

at maririnig ko ang isang uwak
umaawit nang sakdal-saklap
doon sa napakalayo.

KUNG ILANG LABI ANG NAHAGKAN NG AKING LABI

(Mula sa What Lips My Lips Have Kissed,
and Where, and Why ni Edna St. Vincent Millay)


Kung ilang labi ang nahagkan ng aking labi
at kung kailan o bakit ay di ko mawari,
o kung kaninong bisig ang aking inunan
habang naghihintay sa umagang

walang suot na pangalan. Tuwing gabi,
ang mga multo’y lulan palagi
ng ulan. Pumapatak sila sa aking unan,
tumatahak sa buntung-hininga

at nag-uusisa ng kasagutan. Ang katahimikan
ay labahang kumikinang sa kalooban
ganitong ang mga sandali ay balisa
at ang paghihintay ay bilasa

at ang puno ay nag-iisa
ngayong taglamig. Pati ang ibon
sa himpapawid. Pati ang mga sanga
na mas tulala kaysa noong una.

Pasensiya kung di ko maiisa-isa ngayon
ang mga pag-ibig na pumarito’t pumaroon.
Minsan kong narinig ang awit
ng tag-init; at batid kong hindi na –

hinding-hindi na – ito mauulit.

ALAS DIYES NANG UMAGA

(Mula sa The Suicide
ni Federico Garcia Lorca)


Nakalimot ang binata
ngayong alas diyes nang umaga.

Ang kaniyang puso’y nabubulunan
sa bali-baling pakpak at bulaklak

na basahan. Nais mang makaalala
ay panis na ang mga salita sa dila.

Manipis na abo ay pumatak
sa kamay na payak. At yapak

sa malumbay na balkonahe
tinitigan niya ang malumbay na tore

natigilan sa pagtakbo ang malumbay
na relo, testigong nakatunghay

sa malumbay na pagkatuliro.
At sa higaang walang adorno

aninaw ang kaniyang anino
nakahimlay nang tuwid at panatag

ngayong alas diyes nang umaga,
binasag

ng binata
ang salamin

ng bintana. Sa mapanglaw na kuwarto,
muli, umapaw ang mga anino.