19 January 2009

ALAS DIYES NANG GABI

-

on the wall he slashes…
a single worded poem
comprised of four letters.

Paul Simon. A Poem
on the Underground Wall


Ang langit ay nakataob
na mangkok, mabigat
na nakadagan
sa buong lungsod

ngayong alas-diyes nang gabi.
Lalong sumisidhi
ang hapdi ng Disyembre
ganitong walang dyaket

na suot ang kaluluwa,
at ang sikmura ay ginigisa
ng mapait na gutom
at pag-iisa. Sa lilim

ng diskuwentadong ganyak
ng gusaling pinupulikat
isang musmos, kuyom
sa magkabilang palad

ang tungkos ng bulaklak
na kanina pa,
kaninang-kanina pa,
naubos ang halimuyak,

ang ngayo'y nagsasaboy
ng halakhak
sa moradong bangketa.
Ang gayak niyang kamiseta

ay kasingnipis ng luha.
Napanis na
sa kaniyang dila
ang lasa

ng huling agahan
habang sa nagdedeliryong lansangan
ay walang madalumat na dasal
o pangaral

kung paano napaparami mag-isa
ang mga tinapay at isda.
Isinandal ng bata
ang kaniyang mukha

sa salaming umaapaw
sa palamuti. Sanggol
na nakangiti, naliligiran
ng mga laruan

at bulaklak na basahan
ang naroon sa panig
na tila walang pighati.
Sa kabilang panig, nakatingin

ang bata. Nakatingin
nang taimtim,
nang walang babala,
lumapit ang bantay

anyong naghahanap
ng away. Saka siya itinaboy
palayo, malayo
sa mga taong mababango

ang baong laway at buto.
Sa halip na tumalima,
tutop ng palad ang bunganga
at sapo ng kamay

ang idinahak na plema’t laway,
ipinahid
ng paslit
ang likidong

malagkit
sa ibabaw ng salamin.
Saka siya natawa, tila
noon lang niya nadama

ang ga-langit-sa-lawak
na tuwa, samantala
sa kaniyang paa
tumatahak nang tahimik

ang patak-patak na pula,
maliliit at sariwa.
Alas diyes
nang gabi.

Lalong sumisidhi
ang hapdi ng Disyembre.