05 January 2009

ANG BABAENG TAKSIL SA ASAWA

(Mula sa The Faithless Wife
ni Federico Garcia Lorca)


At magkasama kami sa tabing-sapa.
Buong akala ko’y dalaga, hindi niya
pinagtapat na mayroon siyang asawa.
Noon ay gabi ni Santiago. Muntik na
akong makompromiso. Mga parola
ay kulimlim nang humikab sa ibayo,
mga kuliglig na lamang ang taimtim
na lumiliyab sa malayo. Malayong-
malayo sa malay ng mga anino,
pinisil ko ang dibdib niyang nahihimbing
wari’y makahiyang naalimpungatan,
umalsa ang mapintog na kagandahan
sa mga palad kong bihasa. Sa tenga,
sedang nilalaslas ng sampung labaha
ang kaniyang bagong-almirol na bestida.
Mga punong walang pilak na peluka
ay lalong matipuno sa gabing iyon;
kahol ng aso’y naglilimayon, lampas
sa mga antigong talampas at talon.

Sa likod ng talahib at amorseko,
sa lupang inuunan ng kaniyang ulo
humukay ako ng mababaw na hugis-
puso. Kinalag ko ang aking kurbata.
Siya ang maliit na butones ng blusa.
Ako ang pistola’t bandolera. Langis
na mamahalin o kristal na malinis
kailanma’y di mawawangis sa kinis
ng kutis niyang noon ko lang nakilatis;
mga hita niya’y isdang nagitla, kapwa
nanginginig sa lamig at nagbabaga.
Noong gabing iyon, sakay ng kabayong
walang renda at estribo, nilakbay ko
ang pinakamaiinam na kalsada.
Sapagkat ako ay lalaki, hindi ko
maaaring ikuwento ang bagay-bagay
na kaniyang sinabi. Pag-uunawaang
malalim ang nagpinid sa aming lihim.
Nakikipaglaro sa liryo ang hangin
at ako, lantay ng halik at buhangin
nang akayin ko siya palayo sa sapa.

Dahil ako ay tunay na maginoo,
pinagkalooban ko siya ng regalo
basket na malaki na yari sa satin
ngunit di ko siya magagawang ibigin
‘pagkat gayong mayroon palang asawa
sinabi niyang siya'y dalaga, isang gabi
at magkasama kami sa tabing-sapa.