05 January 2009

ANG TAONG DAPAT PAMARISAN

(Halaw kay W. H. Auden)


Siya ang taong dapat pamarisan, ayon sa kawanihan.
Walang tinanggap na reklamong pormal
o asunto. Ang ulat hinggil sa asal ay nagtatanghal
sa kaniyang pagiging santo. Lahat ng ginawa niya
ay para sa kapwa. Paborito kahit ng among tsekwa.
Maliban noong trinangkaso at araw ng retiro
laging handang mag-obertaym at masipag sa trabaho.
Hindi siya eskirol at mahinahon ang pananaw,
kasapi ng unyon at nagbabayad ng butaw.
Kung susuriin kung paano makisama, palagay
sa kaniya ang mga kumpare’t kakilala.
Umiinom paminsan-minsan at paminsan-minsan ding
nagpapainom. Kahit mga peryodista’y kumbinsido
sa araw-araw niyang pagbabasa ng diyaryo.
Maliban sa balita, inuusisa niya ang patalastas,
o kung ano ang bago at susunod na palabas
mapa-teatro o konsyerto. Maatraso man ang hulog
sa seguro, iniisip ng ahente, nalito lang siguro
ng silip sa kalendaryo. Sabi ng nagpapautang
alam niya ang bentahe ng pagbili nang hulugan.
Marami na ang naipundar niyang kasangkapan,
radyo, stereo, pridyider, kotseng second hand.
Madalas may matalas na opinyon sa pambansang usapin
kabilang siyang pumirma sa petisyon upang patalsikin
ang pamilyar na mukhang nagtatalumpati sa tv.
Sa isip lang kung murahin niya ang hinalal na peste.
Kasal siya. May dalawang anak. At tuwing suweldo
nadadagdagan ang kanilang deposito sa bangko.

Siya ba’y naging malaya? Siya kaya’y nasiyahan?
Ang tanong na ganito ay malaking kabalbalan.
Heto siya, tingnan mo: walang-imik, walang reklamo,
nakangiting nakapikit, waring kuntentong-kuntento.