05 January 2009

PAGHAHANAP NG LIWANAG

-

Humihingal ang gastadong bentilador
sa lango kong pandinig. Bumabalatay
ang bangayan ng balisang kapitbahay
dito sa binabalisawsaw na silid.


Maingat ang una kong hakbang, masinop
ang bawat pagtantiya sa kupaling papag
ng entresuwelong hindi ko maapuhap
ganitong di malurok ang mga lihim

na ikinukubli ng kagampang dilim
at walang koloreteng bitwin sa pisngi
ang gabing nagmamadali. Pakiwari’y
lintang nakakapit sa binti ang dumi

buhat sa umaalimuom na putik
samantala’y mapait kong nilulunok
itong singaw ng pusaling lumulusob
sa kaluluwang ayaw tablan ng antok.

Tinungo ko ang maganit na bintana
at marahan itong pinihit pabukas.
Mula sa labas, amoy karneng naagnas
ang hanging naglalamay. Ihing maputla

ang sinag ng buwang solong nakatanghod
sa eskaparate ng buhay sa lungsod –
sa katre, payat ang amaing ulyaning
mag-isang nagpupuyat; humpak ang balat

ng kapatid na ang tanging dinarasal
bago matulog ay almusal; tigagal
ang titig ng pusang gutom sa mapanghing
karton. Dali-dalian kong ipininid

ang pagal na mata sa gimbal na silid
habang marahang-marahang tinutuklap
sa gunita ang langib ng paghihirap
na muli’t muling nagnanaknak sa utak.

Umiinit itong hanging sumisingit
sa umiingit na sahig, tabla’t yero.
Sugatan ang katahimikan, tulad ng
maiitim na hininga sa estero.