16 January 2009

UNANG ULAN

Inaanod na naman ng ulan
ang maninipis nating tawanan
sa di gaanong nahilamusang
lansangan. Malamig ang paligid

at balabal mo ang aking bisig.
Naghahanap tayo ng kanlungan
sa pagas na kasiyahan, tila
musmos, umuukit ng araw sa

lilim ng umaawit na unos.
At sabihin mang namamalat lang
sa ating suwail na pandinig
ang pagsuway ng mga magulang

upang sa bawat pag-uwi’y tiyak
na lalagda ang pingot o kurot
sa basa nating suot, di ito
ang mahalaga. Ang mahalaga’y

magkasama tayo, binabanghay
ang mga tampuhang di matapos
at saka susuko sa paglagos
ng baga mula sa ating haplos.

Ah! Kung batid lamang nila pati
pagliyab ng ating palad, ngiti,
at hininga, mauunawaan
nila kumbakit tayo ganito:

Laging naghahanap ng kanlungan
sa pagas na kasiyahan, tila
musmos, umuukit ng araw sa
lilim ng umaawit na unos.