26 February 2009

MASUSULAT KO ANG PINAKAMALUNGKOT NA TALUDTOD

(Mula kay Pablo Neruda; Tonight I Can Write the Saddest Lines)


Masusulat ko ang pinakamalungkot
na taludtod sa mga gabing ganito.
Masusulat ko, halimbawa: "Ang gabi
ay durog at ang bitui'y nangangatog

sa malayo". Ang hangin ay lumiligid
sa langit at umaawit. Ngayong gabi,
isusulat ko ang pinakamalungkot
na taludtod. Minahal ko siya, at minsan

niya rin akong minahal. Sa mga gabing
kaybagal, binihag siya ng aking bisig.
Hinahagkan ko siya nang paulit-ulit
sa lilim ng walang-katapusang langit.

Minahal niya ako, at siya man ay minsan
ko ring minahal. Sino ang di iibig
sa kaniyang matang malalim at tahimik.
Isusulat ko ang pinakamalungkot

na taludtod ngayong gabi. Batid ko nang
hindi na siya sa akin. Napipiho kong
lubos na siyang naglaho. Naririnig ko
ang lawak ng gabi. Lalong lumalawak

ngayong wala siya sa tabi. Pumapatak
ang tula sa kaluluwa, tila hamog
sa pastulan. Hindi siya napag-ingatan
ng aking pag-ibig; at para ano pa.

Gabi'y pinsala at ako'y nag-iisa.
Ito na lamang. Habang may umaawit
doon sa kalayuan, sa kalayuan.
Sa kaniyang pagkawala, nangungulila

ang kaluluwa. At saanman ibaling
ang mga mata ko't damdamin, tunay nang
nawala siya sa piling. Pinapuputla
ng gabing tulad nito ang mga punong

di naman nagbago. Kami ang nagbago.
Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko,
pero minahal ko siya nang todo. Dala
ng hangin ang dalangin kong tumatapik

sa kaniyang pandinig. Kapiling ng iba.
Siya'y kapiling na ng iba, tulad dati
nang siya'y akin lang nang walang pasubali,
ang kaniyang tinig at katawang malantik,

ang kaniyang halik at walang-hanggang titig.
Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko,
pero maaaring ang alaala niya'y
di pa nalalagot. Napakaikli ng

pag-ibig, napakahaba ng paglimot.
At sa ganitong sandaling pumipintig
ang gunita ng mga gabing bihag siya
ng aking bisig; sa tuwing nag-iisa,

di ako matahimik. Kahit ito na
ang huling lungkot na ipagkakaloob
niya sa akin. At ito ang huling tula
na maisusulat ko para sa kaniya.

24 February 2009

MAG-ISANG TUMUTOMA

(Halaw kay Li Po)


Tumutungga ng alak at nagsosolo
sa hardin ng bulaklak. Itinaas ko
ang tangang baso upang tagayan
ang buwan. Sa ganito, walang lamangan

ang aming damayan. Ang aking mukha
at ang repleksiyon niyang kulay-
pilak na luha, kapwa mahinahon ngayon,
nakita kong inaalon

sa loob ng kopita. Sapagkat pihikan
ang buwan pagdating sa inuman
at ang aking anino ay di naman
palakibo masyado, sa pagkakataong

ganito, ano ang ibang magagawa ko
kundi bumuntung-hininga. Palibhasa
kailangan itodo ang pagsasaya;
kumbaga, dapat makuntento

sa mga bagay na ordinaryo.
Salamat na rin at sila'y naririto,
ang buwan at ang aking anino. Kumanta
ako ng kanta habang sumesegunda

ang buwan sa 'king harana. Umindak
ako at hindi naman napahiya
sa pagpapaunlak ng aninong kapareha. Buti
na rin at naisip ko silang kaibiganin

bago tuluyang masenglot. Maya-maya
'pag sobra na ang tama,
maghihiwalay kami at lahat ay malilimot
buhat sa alaala. Pero dahil sila'y

hindi nagtatanim ng galit, at sa pakikisama'y
walang makahihigit,
magkita-kita sana kami ulit
sa lilim ng susuray-suray na langit.

KUNG SA ALAK AY TOTOONG GALIT ANG LANGIT

(Mula sa A Vindication; Li Po)


Kung sa alak
ay totoong galit ang langit, bakit
ang inuming matapang
magiting na arkanghel ang kapangalan;
kung ang alak ay di pinagpapala ng lupa,
bakit sumusuwabe ang lasa
gumagrabe ang tama
habang tumatagal sa luwad na banga.
Kumbaga, dahil ang alak ay kapwa
kinakalinga ng langit at lupa,
dapat galante rin at taas-noo
ang lahat ng manginginom at lasenggo.
Tagapaghagod ng kalooban,
tulad ng pilosopong nagpapayo,
ang lambanog na iniinom nang puro.
Nagpapadulas ng dila, nagpapatalas ng talino,
tulad ng pakikinig sa isang henyo,
ang bawat tungga ng markang demonyo.
Sapagkat ang pilosopo at henyo
ay lasenggo namang pareho,
para saan, kung gayon,
ang langit at impiyerno.
Ang matiwasay na buhay
ay makakamtan sa tatlong tagay;
kung sobra-sobra pa dito
mabubunyag na ang sikreto
kahit pa ng buong uniberso ---
Ito ang gantimpalang di mapapasaiyo
habang pilit ka nang pilit
mamuhay nang matino.

19 February 2009

PASINTABI

-

Pasintabi
ngunit sadyang di ko mawari
kumbakit sa kabila ng iyong gandang
di hamak na matatag pa
sa marilag na akasya,
ito lang ang kaya kong ukitin:
isang pipilay-pilay,
kalibugang patpatin.

Pasintabi
ngunit di ko masabi-sabi.
Karagatang umaapaw
sa mamahaling pabango
ang patak ng pawis mo; pero
pagbuka ng bunganga ko,
amoy-bulok at mabaho:
di maikubli ng hininga
ang naaagnas kong pagnanasa.

EPHEMERON

(Salamat sa The Night Will Never Stay
ni Eleanor Farjeon)


Ang damdaming nais kong iparating
sa iyo ngayon
baka mawalan ng bisa
kung ipagpapaliban pa
sa ibang panahon.

Dahil pag-ibig ko’y di magtatagal,
tulad rin ng magdamag
na kaydaling mapagal;
tulad ng isang biyahero
na walang himpilan;

kung kaya’t ibaon mo man
sa abuhin niyang balat
ang mga bituing (ika nga’y)
parang aspileng umaandap;
habiin mo man ang pinakamatibay
na kadena mula sa ulap;
at gamiting kandado
ang buwang mistulang pilat
mula sa madilim,
malalim na malalim na sugat;

ang magdamag, tulad
ng aking pag-ibig, ay di magtatagal;
tulad ng himig na gumagaralgal
ay malamang mapaos; tulad ng kalungkutan
ay malamang mapagod.

VIA MALIGAYA

-

Halinhinan ang dilim at liwanag
gumagapang, nabubura
ang mukha ng kapwa-pasahero,
tulad ng mga tangkay ng taglagas,
isa-isang napipigtas
tuwing sasapit ang Enero.
Umaatungal ang hangin
habang ang sinasakyang dyip
ay isang higanteng ataul, malamlam
na sumusubo sa nag-uumulol
na katahimikan;
maputlang guni-guning
bumubulusok sa kawalang-hanggan.

Nabubulok na ang mga salita; ang dila
naluluoy na tila
tuyong dahon; ang diwa
nakahimlay na nang mahinahon.
Samantala, tinutugis namin
ang puting ilaw
pauwi.
Gusto ko tuloy isipin sandali
lahat ng ito’y pansamantala lang
walang hinaharap,
ni mabangong kasalukuyan
kundi nakaraang paparating pa lamang.

TALINGHAGA NG MGA BATANG FIELDS AVE.

(1990)


“Bawal ang mga bata dito”
hiyaw ng karatulang nakamata
sa inyong panghatinggabing pagliliwaliw
sa sagradong lunan ng paraiso
nagimbal ang mga moralista’t bagong-sibol
sa lilim ng pag-aayuno ng inyong laman
ngunit wala silang nagawa
liban sa tumanga’t mapahindik
isinaisantabi lamang ang pipi ninyong paghibik
sabay sa kalansing ng mga sensilyong
pilit isinusuksok ng manhid na kamay
sa pagitan ng gulanit niyong katinuan
at babasaging katawan
habang patuloy ang kindat ng pangarap
at pagsayaw ng mga multo sa ulap

IWASAN ANG BABAENG MAGANDA

(Mula kay Meng Chiao; Impromptu)


Iwasan ang babaeng maganda
gaya ng paglayo sa labaha
lalo pa't bagong-hasa. Humihiwa
sa palad ang mahigpit na hawak
sa kutsilyo, subalit tingin ko
malayo yatang mas delikado
ang kaibig-ibig na dalagang
tiyak paluluhain ka lang
pagdating sa dulo. Sa madaling

sabi, ang peligro ng biyahe
ay wala sa haba, pare;
gulong ay pupuwedeng mabalaho
kahit sampung dangkal lamang
ang layo. Kumbaga,
ang tinik ng pag-ibig
ay lagpas sa dalas at dahas ng talik --
sugat na ubod nang hapdi
ang maaaring habilin ng gabing maikli.

HALAW SA MAN'YOSHU

-

Ngayong Gabi # 1

Humanda ka
at ngayong gabi
ipapasok ko

ang aking sarili
sa iyong panaginip.
Tila magnanakaw

o di inaasahang panauhin,
ibabalabal ko
ang malapad kong braso

sa iyong balikat.
Ibubulong nang paulit-
ulit, tulad ng dampi

ng isanlibong halik
sa iyong maliliit na tenga
ang mga panalanging

ikaw at ikaw lamang
ang nais kong makaunawa.
Ngayong gabi

walang sinumang
makakakita, ni
mag-uusisa sa atin.

Aangkinin kita
sa amoy-rosas na silid
ng iyong panaginip ---

mangyari ang pinto
papasok dito
sana’y di mo maisipang ipinid.



Ngayong Gabi #2

Tuwing gabi
ibinuburda ko
sa manipis na balat ng katahimikan
ang madilim na larawan
ng aking pagnanasa:

Na sana

nakaupo ako
sa iyong tabi --- hinahabi
ang mga pangungusap
na tayo lang ang nakaiintindi
samantala’y minamasahe
ng aking hintuturo’t hinlalaki
ang malambot na kurba
ng mabilog mong binti.

Kung kaya tuwing gabi,

tinatangka kong pumasok sa silid
ng iyong panaginip,
kinakatok nang paulit-ulit
ang maalikabok na pintuang
tanod na naghihiwalay sa pagsisiping
ng ating isip.

Subalit

tila wala ka roong naririnig.
Maaaring sadya kang nagtataklob
ng makapal na kumot,
sinasalag ng paglimot
ang mga alaala
ng maririing halik

habang ang aking tinig
nalulunod sa pag-ihit

ng malalim mong hilik.

13 February 2009

HUWAG MO ISIPING AKO AY TAPAT SA SUMPA

(Halaw kay Edna St. Vincent Millay)


Huwag mo isiping ako'y tapat sa sumpa!
Ako’y likas na taksil noon pa mang simula
at ang tanging kinikilala kong panata

ay ang panatang patuloy na umibig
at ang panatang patuloy na magtaksil.
At malamang iniwan na kita kundi dahil

sa walang-kaparis mong kagandahan;
kundi dahil ikaw ang pamatid-uhaw
sa aking tuyong lalamunan;

kundi dahil ikaw ang mainit na sabaw
sa kumakalam na sikmura; kundi dahil
sa ikaw ay ikaw ay iniwan na kita –

bago ka pa man makahalata
ay iniwan na kita. Hahanap ako ng iba
sa paraang kita'y hinanap

sa nagdaang nalimot ko na.
Ngunit ikaw, malamyos na tulad ng hangin,
pumapaling ang ihip sa kung saan-saan ;

ikaw na ang gayak na gayuma
ay tulad ng alon sa buhangin, pinangangatog
ng tilamsik na bubog ang kasu-kasuan

ikaw na walang pag-aalintana
sakaling puso ko ba’y mahinahon
o pagala-gala – lalagi ako sa iyong piling.

Ikaw na kapwa ko sinungaling
at pinakahindi totoo, tuwing nagtataksil
ako -- ano’t iniibig pa kita lalo.

PIGHATI

(Halaw kay Edna St. Vincent Millay)


Mga anak, dinggin ang inyong ina:
dahil ang tatay niyo'y patay na,
mula sa kaniyang lumang abrigo
tinahi ko para sa inyo
ang bagong amer'kana; munting korto

nama'y pinagbuhusan ng panahon
mula sa umurong niyang pantalon.
At dahil sa bulsa'y naalala niya
ihabilin ang tumpok ng susi't barya:
Danilo, sa iyo ang sensilyo

upang may pang-impok sa bangko;
Si Ana ang magtatabi sa naiwang susi;
kalansing na libangan
sa gabing walang laman.
At dapat ipagpatuloy ang buhay,

dapat limutin silang nangamatay.
Dapat ipagpatuloy ang buhay
kahit pa sabihing nawalay na
silang totoong napamahal na
sa atin. Kaya ang almusal ay namnamin

nang maigi, habang mainit ay ubusin
ang tinapay at kape;
at dapat ipagpatuloy ang buhay --
kumbakit ito pinipilit,
di ko rin ngayon maisip.

TUNAY NA KAIBIG-IBIG ANG AKING KATAWAN

(Mula kay e.e. cummings)


Tunay na kaibig-ibig ang aking katawan
lalo't ito’y nakadikit sa iyong katawan. Kapani-panibago
ang ganito, ang mga ugat ay banayad at ang kalamnan
ay plastado. Iniibig ko rin
ang iyong katawan at lahat ng kaya nitong gawin
Iniibig ko ang kaniyang birtud
Iniibig ko tuwing hinahagod ang iyong gulugod,
ang iyong mga buto, ang pag-aalboroto
ng matatag mong harapan
na muli at muli at muli kong hahagkan
Iniibig ko tuwing hinahagkan ang mga ito
at ikaw, Iniibig ko, habang ginagalugad
ng aking palad ang hibla-hiblang kawad
sa likod na mabalbon, at kung anuman ang naroon
sa tuktok ng lamang nakabuka… at umiibig mong mga mata,

at siguro iniibig kong lalo kapag ganito

sa ilalim mo, ako, medyo kapani-panibago