24 February 2009

MAG-ISANG TUMUTOMA

(Halaw kay Li Po)


Tumutungga ng alak at nagsosolo
sa hardin ng bulaklak. Itinaas ko
ang tangang baso upang tagayan
ang buwan. Sa ganito, walang lamangan

ang aming damayan. Ang aking mukha
at ang repleksiyon niyang kulay-
pilak na luha, kapwa mahinahon ngayon,
nakita kong inaalon

sa loob ng kopita. Sapagkat pihikan
ang buwan pagdating sa inuman
at ang aking anino ay di naman
palakibo masyado, sa pagkakataong

ganito, ano ang ibang magagawa ko
kundi bumuntung-hininga. Palibhasa
kailangan itodo ang pagsasaya;
kumbaga, dapat makuntento

sa mga bagay na ordinaryo.
Salamat na rin at sila'y naririto,
ang buwan at ang aking anino. Kumanta
ako ng kanta habang sumesegunda

ang buwan sa 'king harana. Umindak
ako at hindi naman napahiya
sa pagpapaunlak ng aninong kapareha. Buti
na rin at naisip ko silang kaibiganin

bago tuluyang masenglot. Maya-maya
'pag sobra na ang tama,
maghihiwalay kami at lahat ay malilimot
buhat sa alaala. Pero dahil sila'y

hindi nagtatanim ng galit, at sa pakikisama'y
walang makahihigit,
magkita-kita sana kami ulit
sa lilim ng susuray-suray na langit.