28 March 2009

PAGTAHAK SA GUNITA

- i. Kumbakit sa gunita ay namumulaklak ang araw tuwing Linggo nang umaga. Mura kong puso ay mapintog na lobo habang ang oras ay tuwid na nakaupo sa loob ng simbahan. Mahigpit na nakabuhol sa pulso ang tagpo ng kamusmusan. Malinis at plantsado ang bihis ng Novaliches. Ikinakahol ng kinakabag na ispiker ang basag niyang paanyaya sa sinuman sa aming nagnanais mabasbasan, isang biyak na biyaya o pala-palapag mang pagpapala para sa kaloobang tila hindi nauubusan at walang katapusan ang pinapasang tag-ulan. Naririto: kami: at kung pahihintulutang muli, tutuntunin namin ang nalagot na pusod pauwi sa Mahal Na Ina ng Palagiang Awa. Naririto: itinatanghal ng aming dalit ang abang pagsamo para sa pagkakamit ng katubusan: para sa hilera ng may-sakit na matayog pa sa langit ang tinitingalang himala; para sa mag-asawang nagpapagpag ng hinala sa gabing di pag-uwi ng panganay na dalaga; para sa kaklaseng si Elsa na walang palya kung mangamkam ng medalya sa eskuwela. Naririto: kaming hindi na sikreto sa bawat isa ang ibinubulsang kalbaryo at dusa: kaming butil-butil na rosaryo ang koronang pawis sa mga noong lubhang pinakikinis ng pag-aantanda. Pawis itong humahalo madalas sa langhap ng ipinapahid naming pomada upang dumulas ang gusot ng naalimpungatang umaga; sa sangsang ng sampagitang nalalanta, nakabiting kasama ang mga pithayang naantala; sa amoy ng mantikang umaanta sa paulit-ulit naming paggamit upang magkalasa ang idinidighay na pangarap at pag-asa. Naririto: bumibikig sa bunganga ng templo ang Babel ng bukambibig naming hibik at pakisuyo habang kapiling naming naglalako ng panata at panalangin sa hangin ang sumasagitsit na anas ng fishball-prito at bagoong-gisado; ang taimtim na paghingi ng pansin ng naglalako ng popcorn, masebong pinipig crunch at drumstick, milagrosong banig ng sweeptstake at dibidendaso, tag-trenta sentimos kada baso ng pinaghalo-halong uhaw, laway at buko. Naririto: ang anyo ng aming sanduguan: ang katibayan ng kasunduan sa pagitan ng mga peregrino at bagamundo, sa pagitan naming pawang estrangherong naliligaw sa simpleng pagparoon at pagparito, pagpasok- paglabas sa puwang ng kanya-kanya naming pagkatao. Naririto at naririto kami: isinasandal pangsumandali ang nalinsad na pakpak sa mesi-mesitang dambana ng estampita at agimat, sa mitsa ng kandilang magkakaiba ang kulay at sukat, sa ugat-ugat na pampaampat sa mga sugat at lamat ng pagkabahala, nariritong lahat at palagi naming dala-dala tuwing Linggo nang umaga. ii. Sa ganitong paraan isinaayos ang bagay-bagay: Pagkatapos iraos ang mahabang oras ng paghihilamos ng lingguhan naming lisya’t kasalanan, nagaganap ang ganap na katubusan habang tinataboy kami ng lansangan palayo ng simbahan. Dito, sa lupa, ang paraisong-takda para sa bata: de-hatak na trak gawa sa kuping lata; kapis na sirkerong magilas ang ikid sa palo-tsina at baras na sinulid; manok na yumuyugyog sa bawat higit ng halungkag na itlog yari sa plastik; bagong pinturang balahibo ng itik, dilaw, berde, blue at tintang kulay-putik. Ganitong Linggo at tapos na ang misa, bago umuwi’y malamang bumisita sa nakagawiang ruta ng bituka: Dory’s na walang-paris ang crispy pata; Pusang Bola-bola, astang pambobola sa amin ni kuya; Puto at kutsinta, tikoy at okoy sa kalye ng Susano; Sarsi’ng mahalumigmig at pan de coco sa malamig na Lagrimas at Toledo. At kung hindi masyadong nag-aapura at may kaunting sobra sa subing barya, suot nami’y sinusurot na orkestra hagad ang kabag pagtunghay kina Chichay at Amay, Dolphy at Nida. Nang maratay si Tatay at pumait ang aming laway sa paghalughog ng tugon sa orasyon, naudlot ang pagparito’t pagparoon sa kalsada mo na pawang tagatipon ng tuwang nagkalat sa murang gunita; Nang tibagin upang gawing talipapa ang Goldmine, at palagi nang nagmumura ang tumpok ng nabubulok na basura sa galising matris ng ‘yong eskinita; Nang bakbakin ang kulay-pulang baldosa kapalit ng marmol, at di mapigilan ang biglang-dami ng mall at pamilihan sa tabi ng pinagara mong simbahan; tila lobong humulagpos sa ‘king tangan, dagling umilanglang sa kung saan-saan ang masasayang saglit ng kabataan.

HINDI KO NA MARINIG

(Mula kay Jose Garcia Villa)


Hindi ko na marinig ang tinig
ng pag-ibig. Tumigil ang pintig
sa kaniyang dibdib. Ibo'y atubiling

umawit kung gabi. Bumabalik
nang tahimik ang bawat salitang
sinasabi. Kulay ay umaalpas

sa mga rosas na bagong-pitas.
Apoy na pinagdiringas, agad
ring kumukupas. Wala nang habiling

dala ang hangin, habang ang oras
ay kapwa sinungaling. Naumid
ang mga kampana at mag-isa kong

nakatunganga. Puso ko'y walang gana.
Panginoon ko! ako pala'y patay na.

27 March 2009

ALAM KO ANG ISANDAANG PARAAN NG PAGLISAN

(Mula sa I Know a Hundred Ways to Die;
Edna St. Vincent Millay)


Alam ko ang isandaang
paraan ng paglisan.
Natutukso akong subukan
kahit isa man lang minsan.

Kung walang nakatingin
ay gusto kong magpaararo
sa tren na walang tigil
sa pagparoon at pagparito;

-- 'nga lang, malamang
masinghalan ako at mamura
ng mga pasaherong huli na
ng pasok sa opisina.

Kung ayaw sumumpong
ng karuwagan sa tubig
ibig kong tumalon
sa umaalulong na Pasig;

-- kaso ayokong maatraso,
ayokong maabala,
ang mga batang abala
sa pamumulot ng basura.

Kung walang pumapansin
at nakababagot sa bahay
pupuwede kong inumin
ang asido ni nanay;

-- naku, 'pag nabuko
ay siguradong perhuwisyo,
sumbat na masasambit
sa akin ay ganito:

"Di ka man lang nagtira
kahit kalahating litro.
Ay, ano'ng gagamitin ko
panlinis ng inidoro?"

ANONG KULAM ANG 'YONG ALAM

(Halaw sa The Philosopher;
Edna St. Vincent Millay)


Anong kulam ang 'yong alam
at daig ko pa'ng kulang-kulang?
Sa gabi at umaga'y
di napagkakatulog,
gayong dilat ang mata'y
bakit binabangungot?

Anong sumpa ang kinabisa
na gumagambala sa pag-iisa?
Larawan mo sa unan
ay basa at lukot,
parating inaasam
sana’y wala kang suot.

Sa dinami-dami ng aking nakilala
masunurin, mapera
at di 'sing-bungangera;
ilang manyika ang iyong ikinahon,
ilang karayom ang iyong ibinaon,
gaano kabisa ang taglay mong gayuma
at paano ko nasikmurang umibig
sa hawig ni Dabiana?

At bakit kung mahalin ka
ay sadyang sobra-sobra?
Bakit sa kahibangang ito
sadyang wala akong pangontra?
Dito sa aming baryo
'ika ng mga albularyo:
malakas na bigwas, hindi tawas,
ang lunas sa tulad kong bobo,
bobo, bobo.

12 March 2009

ANG PAG-IBIG AY NAGLAHO

(Halaw sa Ashes of Life; Edna St. Vincent Millay)



Ang pag-ibig ay naglaho at nag-iisa ako
at bawat araw ay parang ayaw nang magbago;
kumakain ako kung kumakalam ang sikmura,
natutulog kung walang magawa -- upang sana
sa aking paggising, balot na ang dilim.

Ah! Ngunit mas malimit ayaw sumapit ng antok.
Ang oras ay naririnig ko buhat dito, kumakatok
na parang luku-luko. Sana'y umaga nang muli
upang muli at muli at muli at muli
parating na ang dapithapong nagmamadali.

Ang pag-ibig ay naglaho at nag-iisa ako
at nalimot ko na ang mga bagay na dapat butingtingin.
Mapaganito't mapaganya'y pareho lang sa akin;
Lahat ay tila wala nang kabuluhan.
Di ko matapos ang bawat maumpisahan.

Ang pag-ibig ay naglaho at nag-iisa ako -- pero
laging narito ang mga kapitbahay na istorbo,
nanghihiram ng kung anu-anong hindi na ibabalik.
Kung kaya't bukas ulit at bukas ulit
ay mananatili, hanggang bukas ulit at bukas ulit,
itong kalyeng masikip, itong tahanang maliit.


02 March 2009

NATUTULOG SA DAMUHAN

(Mula kay Arthur Rimbaud; Asleep in the Valley)


Humahalakhak ang ilog sa gilid ng lambak;
mula sa ilog, sinasalo ng talahib
ang bubog na pilak; mula sa bundok,
humuhulas ang patak-patak na araw,
alahas na malinaw na malinaw.

Isang sundalong binatilyo, walang suot
na sumbrero, ang natutulog nang solo.
Nakaunat ang katawan sa pumpon ng damo.
Nakaunan ang ulo sa kumpol ng pako.

Sa kaniyang berdeng higaan, umaapaw
ang liwanag. Sa kaniyang ibabaw,
matamlay ang ulap.
May kumot na bandera ang kaniyang paa.

At nakangiti na parang bata
sa gitna ng lagnat na nagpupuyos:
siya'y himbing na himbing.
Iduyan siya't yakapin

'pagkat siya'y giniginaw.

Walang halimuyak ang makapagpupukaw
sa ilong na walang kagalaw-galaw.
Siya'y himbing na himbing sa ilalim ng araw.
Sa dibdib niya, isang kamay ang namamahinga.

Sa tagiliran, dalawang pulang butas ang nakanganga.


HIPO

-

Si lolo na gigolo
noong panahon ng Amer'kano
sa akin ay nagpayo

ng payong-binatilyo. Dahil seryoso
sa kaniyang pagkukuro
na gawaing baliko

itong gawaing panghihipo,
bago matulog, ang bilin niya'y ito:
"Apo, gawaing baliko

itong gawaing panghihipo". 'Ka niya, ang kati
sa impeksyon ang uwi
'pag kinamot parati, bagay kaya nasabi ko dati

na magtitimpi ako palagi. Pero kanina
katabi kita
habang nagkakape, sumasampal ang buga

ng iyong bunganga
sa aking mukha.
Dahil di ko magawa

tingnan nang matama
at nang higit pa sa bahagya
ang iyong mata,

samakatuwid, tumawid
ang aking titig
pababa sa iyong baba, sa mabalahibong leeg,

sa nakatindig
mong dibdib. Ang dibdib
mong lubhang nagpapasikip

sa paulit-ulit na pag-ahon,
paglusong
ng aking buntung-

hininga. Ah,
ang dibdib mong lalong umaalsa
sa likod ng asul na blusa.

At dahil kapwa natin batid
na ang ganitong saglit
ay baka di na maulit

(kumbaga'y sino ang papipigil
sa ganitong panggigigil?)
bigla, tila nabigla kong pinisil

ang palad mo. Tumayo
ang aking balahibo.
Nanlamig ako

sa aking inasal.
Masama pala'ng kulang
sa pagtitimpi't dasal.

At ngayong nahimasmasan
huli na nang maintindihan
ang puno't dahilan

ng sukdulan mong imbyerna.
Kaya pasensiya na
at sori talaga:

tampalasan ma't walanghiya,
ito lang ang kasalanang muli't muli'y kaya
ng puson kong mahina.

ANG SILID

-

Sa silid na ito'y tayo lang
ang magkatipan. Atin lagi
ang panahon. Walang gambala
sa ating pag-uusap, maging

ito'y puro lang kabastusan,
kapwa tayo naglalaway diyan!
At walang dapat abalahin
na ibang bagay, pagbabantay

ng tindahan o paghuhugas
man ng kinainan. Ang silid
nating ito'y sagrado. Walang
maruming tengang nakikinig

o pilyong matang nakamasid.
Tayo lamang ang buhay dito,
walang aalma sakali bang
ang pag-utot ko'y todo-todo.