30 April 2009

ANG MAGNANAKAW

(Mula kay Guillermo V. Sison)


May binibining naligaw sa 'king tabi
ngayong gabi. Patuloy siyang tumataghoy
sa aking panaginip, mistulang hindi
maipagpalibang pag-ibig. Narinig
ko ang kanyang hakbang, kahit ang paglapit
ay napakaingat, napakagaan. At
katulad ng bihasang mangungulimbat,
walang-pasabing nagnakaw siya ng halik
'pagdaka'y iniwan lang akong tulala
at sabik: akala ko’y masusundan pa
ng isa. Saka ng marami pang isa.
Dahil iniisip kong kilala ko siya,
bumangon ako para tipunin lahat
ang hiblang iniwan niya sa aking balat.
Sana pala'y nakuntento na lang ako
sa pagtulog, at hindi na pinilit pang
tumayo upang ituloy ang pagsuyo,
siya na bigla ring naglaho, isang kurap
sa napakababaw na pangarap. Wala
na. Walang bakas ang magpapagunita
sa napakaikli naming pagsasama;
Madilim sa dakong bintana. At dito,
sa loob ng lumalawak na kuwarto,
lubhang lumalalim ang pangungulila.

29 April 2009

PANTASYA

(Mula kay Louise Gluck)


Meron akong ikukuwento: bawat araw
ay may namamatay. At 'yan ay simula pa lang.
Bawat araw, sa punerarya, may nadadagdag
na bagong biyuda. Nakaupo siya
nang nakahalukipkip ang mga kamay, iniisip
kung paano na ang buhay.

At sa libing,
siya'y nangangamba kung paano titipirin
ang ibubuhos na luha, o baka
dahil wala man lang maihulog
kahit na isang patak na uhog.
May ilang lalapit sa kaniya,
magpapayo kung ano ang gagawin,
na ang ibig sabihin
pagsambit ng maikling panalangin,
o pagsasaboy ng alikabok at abuloy
sa hukay.

Matapos niyon, ang lahat ay kasamang tutuloy
sa kaniyang bahay,
lahat ng karamay niya sa paglalamay;
habang siya, nakaupo, tuwid na tuwid,
at sila ay isa-isang lumalapit,
ang iba, upang abutin ang kaniyang palad,
ang iba, upang siya'y mayakap.
Kailangang lagi siyang may nakahandang salita
na ibubulong sa bawat isa,
pasalamatan sila, pasalamatan
silang lahat na nagpunta

samantalang sa loob-loob niya,
kung pupuwede lang sana magsilayas
ang lahat ng bisita
dahil gusto niyang bumalik mag-isa
sa sementeryo, o
sa maputlang silid ng ospital.
Maaaring ilusyon itong hindi magtatagal,
alam niya. Ngunit ito lang ang kaniyang pag-asa,
ang makahakbang pauwi sa nakaraan,
kahit katiting na hakbang na di naman
kailangang umabot sa araw ng kanilang kasal
o pabalik
sa gabi ng unang halik.

26 April 2009

AWIT NG PAMAMAALAM

(Mula kay Tu Fu)


Umid
na tumatawid
sa gabi
ang mga salitang

di natin masabi.
Walang sumusungaw
sa ating labi
maliban sa ngiti

na dumarating
nang atubili.
Lumigwak na
ang huling patak

ng alak.
Sumulak na
ang luksa
sa kandilang

di mapigilan
ang pagluha –-
batid nila
ang panglaw

na hatid
ng madaling-araw
papalapit nang papalapit
nang papalapit.

HINDI KITA KAYANG IBIGIN

(Halaw kay Pablo Neruda)


Hindi kita kayang ibigin
gaya ng isang hiyas na mamahalin
o tulad ng lumiliyab na sampaguita
sa gabing sakdal-dilim. Iniibig kita
gaya ng kung paano dapat magmahal
nang lihim, sa pagitan ng kaluluwa

at anino. Iniibig kita
gaya ng isang hardinero,
nagdidilig sa halamang di pa tumutubo,
naghihintay sa pagkinang
ng bulaklak na pausbong pa lang.
Salamat na rin

sa isinaboy mong paglingap sa akin
at isang halimuyak ang kumakalat
ngayon sa lupa, gumagayak sa aking katawan
nang payapang-payapa. Iniibig kita
nang di ko nalalaman ang paano at kailan,
o kung saan nagbubuhat ang saan.

Iniibig kita nang walang pag-aatubili,
walang halong pagkukunwari
at lalong di mapagmalaki.
Iniibig kita sapagkat wala akong alam
na ibang dahilan
maliban sa: Ang “ikaw” at ang “ako”
ay sabay nating pinaglalaho

at ang iyong palad
ay nagiging palad ko
tuwing dinarama mo
ang pintig ng aking puso;
at ang iyong mga mata
‘pag nakikita kong pumikit,
pakinggan mo
at nagsisimula na 'kong humilik.

HALAW KAY PAUL LAURENCE DUNBAR

-


Noon


Tureteng-turete
sa anak ng hari
itong ating
makatang pobreng-pobre.
Anumang diskarte
at tsetse-buretse,
lahat, mangyari,
ay nagkandaletse-letse
dahil di siya kauri
at lalong di kursunada
nitong prinsesa
nating mata-pobre.
Pawang bale-wala
ang inalay niyang tula.

Noong gabing iyon,
dahil olats ang ambisyon
at parang binabad sa lason
ang pusong batang-bata,
isang sulat
ang kaniyang kinatha,
ang tintang gamit
ay luha. Pagdilat
ng umaga,
di na siya humihinga.


Ngayon


Tulad niya, sa kasalukuyan:
isang paraluman, walang pulot
na dulot, wala kahit
minatamis na gulaman,
ang kumutya
sa pagsamo ng binata.
Ang pusong batang-bata
parang binabad sa luha.

At waring inaalihan
ng lumalasong kalungkutan
habang nakakulong sa kuwarto --
ang umaalulong na kabiguan
ay kaniyang isinaberso
upang kung di makompromiso
at medyo palarin,
ibebenta niya siguro
sa 'sang mamahaling magasin.

HALAW KAY RAINER MARIA RILKE

-

Ikaw na hindi napadpad sa aking mga yakap,
ikaw na nawala na lang bigla bago pa magsimula,
ikaw na aking iniibig, ni hindi ko nalaman ang mga himig
na sa iyo’y nagpapakilig; ni hindi tayo napaglapit
ng mga sandaling umaawit.
Ngayon, ang mga larawang matagal nang nasa akin --
ang mga sikretong tanawing nagpapaiyak
sa damdamin; mga siyudad, tulay, at kastilyo,
ang mga kalsadang di mo alam kung saan patungo,
ang lupaing malalamyos
na pinili yatang tirhan ng mga diyos – lahat ng ito
ay naririto, nabubuhay lahat sa aking puso
upang ipaalala ang tunay na kahulugan
ng iyong pangalan, ikaw na
hinding-hindi ko mahahawakan.

Ikaw ang lahat ng hardin
na nabibisita lamang ng aking tingin;
o ang isang maliit na bahay sa probinsiya, may maaliwalas
na asoteya, at bintanang laging bukas –
at naroroon kang nakatanaw,
at kamuntik na humakbang palabas
upang salubungin ako sa aking landas,
kundi ka lamang nawala nang walang pasabi.
O minsan sa mga tindahan, nababanaag kitang dumaraan
sa harap ng salamin, ngunit hindi
pa man natatauhan
ang nawiwindang kong tingin,
ay naglalaho
ka rin nang walang habilin.
Malay mo naman, iisang ibon lamang
ang nag-iwan ng abiso para sa ating tagpuan.
Sa iyo, habang
ang katanghalian
ay namamasyal pa lang sa liwasan.
Sa akin, habang habol ng pagmamadali
ang gabing sabik na sabik nang umuwi.

22 April 2009

ANG WAKAS AT ANG SIMULA

(Mula kay Wislawa Szymborska)


Tuwing may matatapos na giyera,
may isang naglilimas ng basura
dahil hindi naaayos mag-isa
ang mga bagay na nasira. Sa gilid

ng daan, may isang nagsasalansan
sa mga naiwang guho
upang ang karitelang
may lulan-lulang katawan
ay di mabalaho. Sa kulapol ng burak

at abo ay may tumatahak,
gayundin sa kumpol ng bubog,
sa mga sofang nawakwak,
sa mga karpet na may pulang mantsa.

May isang nagbubuhat ng poste
at nagkukumpuni ng kisame,
may nagbabalik ng pinto sa hamba
at muling nagpapakintab
sa mga lumabong bintana.

Walang anumang gulo, walang umuupo
upang magpalitrato. Bibilang ng taon
ang ganito, panigurado,
habang ang mga may-sukbit na kamera
ay naroon naman sa ibang giyera.

Ang mga tulay ay kailangang tumibay,
pati na rin ang riles ng tren,
wala nang hihiram sa mga kamiseta
na aksidenteng napahiran ng grasa.

May isang nagkukuwento
sa nagdaang napakagulo
sariwa pa sa kaniya
ang lahat ng ito, habang naglalampaso.
Samantalang may isang nakikinig,
di mapigil ang panginginig,
habang tumatango-tango
ang ulong litong-lito.

Meron namang nagkukunwa
na may ibang ginagawa,
dahil wala silang alam,
wala silang pakialam.

Oras-oras kailangang may tumabas
sa argumentong kinakalawang
upang sunugin sa tambakan.

Sinumang nakauunawa
sa mga pinagsasasabi ko
ay dapat magbigay-daan
sa di nakaiintindi masyado.
Pati sa kanilang may alam
nang kaunti, at sa kanilang
talaga namang inosente.

Samantala may isang dapat humiga
sa ibabaw ng lupa
upang tuluyang ikubli
ang bawat bunga at sanhi;
At sa kaniyang bibig
ay may maglalagay
ng isang tangkay ng palay,
at mananatili siyang nakatunghay
sa langit na walang kulay.

21 April 2009

PAGHIHINTAY NG PASKO

-

Gapos ng lamig ang looban.
Kumukulambo ang baho
sa ginagalis na matris

ng putikan. Sa isang kahon,
umaapaw ang luha't sipon
sa palahaw ng mga batang

walang inabutan
sa balatong hapunan
ng boksingerong ubod-yaman.

18 April 2009

KALUNGKUTAN

(Halaw kay Rainer Maria Rilke)


Ang di matawid-tawid na pagkakalayo,
ang di maibulsa-bulsang siphayo,
ganyan ang kalungkutan

na bumibisitang parang ulan.
Iniiwan nila ang dagat, tinatahak
ang hagdan paakyat

sa ulap. Oras di na mabuhat
ang bigat, bumabalik sila sa lupa
sa anyo ng patak-patak na luha.

Ang ulan ay patak-patak
na kalungkutan, namamasyal
nang nakayapak

sa lansangang walang laman,
tumatapik sa atip, sumisigid
sa silid nitong dalawang katawang

walang maapuhap
kundi nakangangang agwat
sa pagitan ng isa't isa;

kung itong dalawang nilalang
na pawang suklam
na saklam sa bawat isa

ay wala nang masabi
sa oras na magkatabi
at ang kani-kanilang antok

ay ayaw kumatok --
'pag ganoon, ang lungkot
ay umaapaw na parang ilog.

HALAW KAY WILLIAM CARLOS WILLIAMS

-

Para akong natutuwa
tuwing nag-iisa. Ang hangin
ay palaging sariwa
at ang langit ay nakabestida
nang higit pang makulay
kaysa bahaghari. Tumutunghay
ang mga dahong patay
tuwing ako'y naglalakad
pauwi. At pagyapak sa harap
ng pinto, sumasalubong ang yakap
ng nag-aabang na bunso. Problema,
kinakalawang ang seradura.
Di ko na mapihit ang seradura
papasok sa silid nitong puso.

Tuyo na ba ang aking awa
at ngayon ay lumulutong
tulad ng dahong lumulutang
pababa sa lupa? Bakit
kung kailan tumatanda
ay saka pa nadadapa,
habang sa kaluluwa ay nakaukit
ang lumalalim na hiwa?
Paano nga ba, paano nga ba,
paano ipagtatapat sa kanila
ganitong ang pag-ibig
ay dahan-dahang humuhulagpos,
at ang bisig ay iba na,
pihong iba na ang ibig kayapos.

11 April 2009

HALAW KAY WISLAWA SZYMBORSKA

-

Tunay kaya itong tunay na pag-ibig.
Ito ba'y seryoso o normal?
At tumatagal?
Ano ang silbi sa daigdig
ng dalawang taong nagmamahal
kung hihinga lang rin sila
sa mundong hiwalay sa iba?

Tingnan mo kung paano nila itanghal
ang isa't isa sa pedestal.
At sa dinami-dami
ng ibang pupuwedeng mapili,
bakit sa bawat isa pa nabighani?
Sapat ba ang gayon upang maniwala
na lahat ay itinadhana –
at para sa anong gantimpala?
Wala.
At nang suminag ang liwanag
buhat sa wala,
bakit sila ang tinanglawan
at hindi ang iba?
Ito ba’y kawalan ng katarungan?
Oo naman.
O ito ba ay pagpapalabo
o pagtatapon sa lababo
ng mga mali at wasto? Oo
at Oo sa pagkakataong pareho.

Tingnan mo silang di maitatwa ang tuwa.
Di ba maaaring magkunwa ng kabiguan
alang-alang man lang
sa magulang at kaibigan?
At pakinggan silang humahalakhak –
iya'y isang malinaw na paglibak.
At ang mga salitang binibitiwan,
ang kanilang lihim na pagdiriwang –
Lahat ng iyan ay masamang balak
para sa sangkatauhan!

Ano ang mangyayari sa mundo
kung tao’y susunod sa kanilang ehemplo?
Ano ang sinasabi ng obispo sa templo?
Ano ang pakaiingatan? Ano ang kalilimutan?
Sino ang tatalima sa takdang makaluma?

Kung gagamitin ang isip
dapat palampasin nang tahimik,
parang isang iskandalo,
masinop na itinatago,
ang tunay na pag-ibig.
Tutal ipinapanganak naman
ang mga taong matino
kahit walang pag-ibig.
Pero ang buong mundo ay di mapupuno
dahil maingat kung dumating
ang tunay na pag-ibig.

Hayaan silang magpalagay
na pawang kalokohan ang gayong bagay-bagay,
silang di pa nakatatagpo
ng tunay na pag-ibig.

Sa ganito nilang pananalig,
ang buong daigdig
ay mabubuhay, mamamatay
nang matiwasay at tahimik .

09 April 2009

ANG BAYAN

(Mula kay Pablo Neruda)


Nakikilala ko ang taong iyon
dalawandaang taon na
mula nang una kong makita;
naglalakbay ngunit di sakay
ng kabayo o karomata,
sa halip ay nakaapak sa lupa,
tinatawid mag-isa
ang mga tahimik na kalsada.
Walang bitbit na kalasag o espada,
palakol lamang, martilyo at pala
at sa kaniyang balikat,
isang butas na lambat.
Dahil di itinuturing na kaaway
ang kaniyang kapwa,
ang kaniyang pakikihamok
ay sa tubig at lupa;
sa trigo
upang maging tinapay sa hurno,
sa punong higante
upang may tablang malagari,
sa dingding na bato
upang may paglagyan ng pinto,
sa buhangin
upang tisa ay isa-isang pagtibayin,
sa karagatan
na hugutan ng yaman.

Nakikilala ko siya at di siya mabubura
sa aking isipan.

Nalansag na ang mga karwahe,
giniba na ng giyera
ang mga pader at hamba,
ang siyudad ay sandakot na alabok,
ang mga damit ay naging alikabok.
Para sa akin, siya lamang ang nanatili.
Nabuhay siya kapiling ng buhangin
gayong noon, ang bawat naroon
ay tila mabubuhay nang habampanahon
maliban sa kaniya.

Nakikilala ko siya bilang kapamilya,
minsan ay hawig ng aking ama
o ng isang malayong kamag-anak,
minsan ay hindi naman talaga,
hindi sinuman sa kanilang
hindi pinalad makauwi
sa tahanang walang palamuti,
dahil nilamon ng tubig o lupa,
o nabuwalan ng malaking puno
o nilapa sa daan
ng makinang namumuwalan,
o maaaring siya rin ang malumbay
na tagalagay ng pako sa ataul,
walang luhang alay
sa kaniyang hanggang sa dulo
ay wala pa ring pangalan.
Siya na pinapanood lamang
buhat sa malayo,
waring langgam na di makita sa gilid ng punso,
kung kaya nang di na gumalaw ang paa
at sa sobrang pagod ay nangisay ang pobre:
wala man lang nagpaikot ng sobre
at sa puwestong kaniyang binakante
ibang paa agad ang humalili.

Ngunit maging ang ibang paang pumalit
ay tulad rin ng kaniya, gayundin ang kamay,
kung tutuusin ay parang di siya nawalay:
At nang akala nila ay dumating na
ang kaniyang katapusan,
siya na gaya rin ng mga naunang dumaan,
hayun at nagbubungkal muli ng lupa,
nagtatabas ng tela,
walang suot na kamiseta,
hayun muli siya at naglaho, tulad dati,
pumaparoon, pumaparito,
ngunit dahil walang sariling hukay
o nitso, walang pangalang nakaukit
sa batong pinakinis ng kaniyang palad,
walang nakaaalam kung ano’ng isusulat,
kung kelan siya namatay,
kung kelan pinanganak
at kahit ipanganak muli siya at mamatay,
tiyak walang magtataas ng kilay.

Walang dudang wala siyang habilin.
Walang alaala, ni baka o bandilang gusgusin;
siya na kung kasama ang madla
ay malamang di mo makikilala,
ang madlang sadyang katulad niya,
walang sariling mukha.
Mula sa ibabaw, sila'y kakulay ng luwad,
o namumusyaw ring tulad ng katad,
minsa’y kasing-dilaw ng trigo,
kasing-berde ng mga lumot sa balwarte,
kakulay sila ng mga isda
kung pumapalaot ang bangka,
o ng mga kabayo sa tiwangwang na parang:
Paano mo maaalala
silang humahalo sa lupa?

Saanman mapadpad, namumukadkad
ang lahat ng kaniyang hawakan:
ang batong tinibag ng hubad na palad
ay nagiging gusali,
hinahawan ng kaniyang kamay
ang malalambot na tinapay,
ang makina ay pinaaandar,
ang kabayanan ay ipinupundar sa mga liblib na lugar,
at pinatutubo niya ang mga bulaklak,
napupuno ng bulaklak
ang mga liwasan at palengke
sa pagitan ng panaderya
at daungan ng kalapati.

Mabubura sa alaala
siyang nagmasa ng harina,
siyang naglakbay nang malayo upang tibagin ang bato,
siyang humukay ng guwang
upang makalagos ang hangin
at makaahon ang buhangin.
At nang ang lahat ay naitayo na
siya naman ang nawala,
ibinigay niya ang kaniyang buhay, iyon lang naman.
At sa ibang lugar naman pumunta
upang isangla ang lakas,
hanggang sa wakas,
ay di na humihinga,
gumugulong tulad ng bato
pababa sa sapa.

Akong lubos na nakakikilala,
nakita ko kung paano siya nawala
hanggang walang matira
liban sa kaniyang pamana:
mga kalsadang hindi niya malalakaran,
mga tahanang hindi niya matitirhan.

At hinanap ko siya, hinintay.

Hanggang makita kong bumangon siya sa hukay

Nakikilala ko siya
kasama ng iba.
At sa aking pagwawari ay hindi maaari
na wala siyang pinatunguhan,
na sadyang walang kabuluhan
ang mabuhay sa ganoong paraan.

Naniniwala akong ang ginoong ito
ay dapat iluklok sa trono,
may putong na korona sa ulo,
kumpleto sa adorno.
Naniniwala akong
kung sino ang yumari
siya dapat ang magmay-ari.
At ang tagamasa ng harina
ay dapat magtamasa.

At dapat tanglawan ang mga nasa minahan!

At wala nang mang-aalipin sa kaniyang kapwa!

Walang sinumang basta mawawala!

Ang bawat ginoo ay dapat itanghal na hari.

Dapat may korona ang lahat ng babae.

Bawat kamay, may guwantes na tapeta.

At ang bunga ng umaga ay dapat manahin
nilang mga walang pangalang
madaling alalahanin.

Nakikilala ko ang taong ito
at kung may magagawa ako,
habang ang mata
ay di pa tuluyang nahuhugot sa ulo,
habang ang bibig
ay di pa natutuyuan ng tinig,
hahalughugin ko ang bawat sementeryo,
at hawak ang kaniyang braso
na di pa naman gaanong nagiging abo,
sasabihin ko:

“Ang lahat ay maglalaho
at ikaw lang ang mananatili,

pinagliliyab mo ang buhay,

ikaw ang magpapanday
ng mga bagay na mapapasaiyo".

Kaya walang dapat mabahala
gayong tila nag-iisa ako
ay marami pa ring kasama;
at ako ay magsasalita
gamit ang tinig ng iba.

Sa akin ay may nagbabasa
na pawang sarado ang mata.
Ngunit silang pinagpaparangalan
nitong aking tula,
sila ang tunay na nakakaunawa,
at patuloy silang ipapanganak,
at patuloy silang dadami
sa panahong hinaharap.

06 April 2009

HALAW KAY BERTOLT BRECHT

-

Sino ang nagtatag ng siyudad ng Tebes?
Sa libro mawawari ang ngalan ng mga hari.
Sila ba, mangyari, ang nagbanat ng buto
upang isalansan ang mabibigat na bato?

Ang matatag na pader ng tanyag na Babilonia
na makailang ulit nilaspag ng giyera,
upang iahon ang gumuhong palasyo
sino ang dumanas ng mga perhuwisyo?

Saan tumira ang mga karpintero
nang itayo ang Lima, lungsod ng ginto?
Saan nagretiro ang Tsinong kantero
nang gabing ipinakilala ang Pader

na Dakila? At ang mga bayang sinakop ng Roma
pawang niluluwalhati ng arkong magagara.
Ilang piyon ang sumang-ayong tumustos
sa kapritso ng kanilang bagong taga-utos?

Ang Bisantina, pinagkapupuri sa kanta,
puro hari lang ba ang doo'y nakatira?
Ang Atlantis na maalamat, nang lamunin
ng dagat, di kaya lalong malalim

ang iyak ng mga napahamak na alipin?
Sinakop ng batang Alejandro ang India.
Mag-isa lang siya?
Ginapi ni Cesar ang mamamayan ng Gallia.

Wala ba siyang kusinerong kasama?
Si Felipe ng Espanya, nang lumubog
ang armada, naging bantog
ang matagal na pananangis.

Siya lang ba ang nakadama ng hapis?
Pinagwagihan ni Federico
ang Digmaan ng Pitong Taon,
wala na bang ibang naroroon?

Itinatala ng bawat talata
ang kanilang tagumpay. Sino ang nagsaing
para sa kanilang piging?
Bawat sampung taon

may taong dinadakila.
Sino ang tagapagmulta kung gayon?
Napakaraming balita.
Napakaraming tanong.

HALAW KAY NICOLÁS GUILLÉN

-

Parang di ako makapaniwala,
ako, si Juan na kahapon lamang
ay talagang namang walang-wala,
ay naging si Juan ngayon
na biglang nagkaroon;
tipong sa dinami-dami
ng aking pag-aari,
maaari kong masabi
na meron na 'kong sinasabi.
Tinitingnan ko ang aking sarili
sa salamin, tinatapik-tapik
ang mukha, paulit-ulit
na itinatanong
kung paanong nagkagayon.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
kung bigla akong umuwi
sa pinanggalingang probinsiya,
di na kailangan ang titulong may pirma,
batid agad ng mga naiwang kakilala
ang karapatan kong magmalaki
komo ako na ang nagmamay-ari
ng lahat-lahat
na ipinagdamot sa akin dati.

Maaari kong sabihing
sa pangalan ko nakapangalan
ang malalawak na taniman,
ang patag na siyudad
at matatag na kabundukan;
ang brigada ng mga sundalo,
ngayon at kailanman,
ay sa akin na rin, at sa iyo,
sa atin nang pareho
pati ang silahis ng araw,
pati ang bituin sa malayo,
mga bulaklak na pawang dumurugo.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
ako na isang tagabungkal ng lupa,
o isang trabahador sa pabrika,
o isang taong karaniwan lamang,
(halimbawa lang naman)
kung ako ay pupunta sa bangko
hindi ko kailangan pang maghugas
ng lalamunan at dila
para lamang makapagbulalas
ng magagalang na parirala
sa wikang ingles. Imbes,
kakausapin ko ang manedyer
nang di siya tinatawag na “sir”,
ituturing ko siyang aking “kumpadre”,
walang yabang at simpleng-simple.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
ako, na kahit hindi tisoy,
ay nagkaroon ng layang kumain ng chopsuey
saanmang de-aircon na bistro
nang di pinagsasarhan ng pinto;
at kung nakatayo sa bulwagan
ng isang magarang otel,
di ako ipagtatabuyan
dahil wala nang bakante
kahit isang silid na maliit lang
ang aking kailangan,
hindi iyong en grande
na wari mo’y tirahan ng higante,
basta’t hindi ako ipagtatabuyan
dahil wala nang bakante.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
at di na ako mababagansya,
di na pagdadamutan ng hustisya,
o darakpin nang walang asunto,
di na bubugbugin at itatago
sa mababaho nilang presinto;
walang kakamkam sa lupa kong inaararo;
walang magtataboy sa akin
sa kalsadang sementado.

Meron na 'kong sinasabi,
at dahil ang lupa ay akin nang pag-aari,
akin na rin maging ang karagatan.
Di ko kaiinggitan
ang kanilang bahay-bakasyunan,
di hahangaring puntahan
ang kanilang pribadong languyan.
Masaya na akong titigan
ang lawak ng dalampasigan.
Haplos ng buhangin sa likuran,
tilamsik ng tubig sa aking tabi:
ang dagat na libre, sa madaling sabi.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
at natutunan ko nang sumulat
at bumasa, at magbilang,
at bumigkas ng tula,
ang mag-isip at tumawa.
Meron na 'kong sinasabi
at ngayon ay masasabi kong
meron akong trabaho
at lahat ng ipinampapalaman sa tiyan
ay aking pinagpapawisan.
Meron na 'kong sinasabi
at buong-buo ko nang nabawi
ang lahat nang dati-rati
ay ako, at ako naman talaga,
ang tunay na may-ari.

04 April 2009

SI TATAY

-

Nagsisimula nang maupos
tulad ng dahong naghuhunos
ng kulay
ang tuyot at marupok

na katawan ni Tatay.
Sa kaniyang balat, nakalimbag
ang magaspang na larawan
ng lupang bitak-bitak.

Labingwalong tag-init
ang matalas na pumunit
sa huli naming pagkikita
noon – upang aking tuparin

sa madudulas na landasing
binagtas rin
ng paa niyang di naturuang
magsuot ng sapatos

ang tungkos ng tungkuling
iniutos
ng matalim kong panahon.
At sa aking pagbabalik ngayon,

pakiwari ko’y pinudpod na
ng pilantod na usad ng taon
ang magilas na alamat
ng kaniyang pagkabata.

Saang pahina kaya ng kahapon
tumapon ang maraming gunita:
Mga sandali ng pakikitunggali
sa buwayang iniluluwa

ng lawa; Takipsilim ng pagpapastol
sa mahinhing tumana
ng Isabela;
Gabing himbing ang pagnanasa

habang lihim na nagsasanay
sumulat at bumasa.
Sa mga mata ni Tatay
tila ngayon nakalathala

ang maganit na bintana
sa madilim na sala
na tanging siya lamang noon
ang nakapagbubukas-

nakapagsasara.
Labingwalong tag-init
ang matalas na pumunit
sa nagdaang hinding-hindi na

maibabalik. At sa muling pagdapyo
ng malabay niyang kamay
sa aking noo, iniisip kaya niya
sa pagkakataong ito ay ano?

Tahimik na minamasdan
ang paniningil ng panahon
sa mata niyang hantungan
ng antigong dapithapon,

kumbakit sa guni-guni
ay walang pagsisisi,
ni panghihinayang
sa mga oras na sinayang

kung ang kaisa-isa mang
anak ni Tatay,
na di niya sinuway
sa anumang layaw at away,

ay maaga natutong humulagpos
sa bawat haplos at palo
ng amang tuwi-tuwina’y sutil
at matigas ang ulo lalo.