09 April 2009

ANG BAYAN

(Mula kay Pablo Neruda)


Nakikilala ko ang taong iyon
dalawandaang taon na
mula nang una kong makita;
naglalakbay ngunit di sakay
ng kabayo o karomata,
sa halip ay nakaapak sa lupa,
tinatawid mag-isa
ang mga tahimik na kalsada.
Walang bitbit na kalasag o espada,
palakol lamang, martilyo at pala
at sa kaniyang balikat,
isang butas na lambat.
Dahil di itinuturing na kaaway
ang kaniyang kapwa,
ang kaniyang pakikihamok
ay sa tubig at lupa;
sa trigo
upang maging tinapay sa hurno,
sa punong higante
upang may tablang malagari,
sa dingding na bato
upang may paglagyan ng pinto,
sa buhangin
upang tisa ay isa-isang pagtibayin,
sa karagatan
na hugutan ng yaman.

Nakikilala ko siya at di siya mabubura
sa aking isipan.

Nalansag na ang mga karwahe,
giniba na ng giyera
ang mga pader at hamba,
ang siyudad ay sandakot na alabok,
ang mga damit ay naging alikabok.
Para sa akin, siya lamang ang nanatili.
Nabuhay siya kapiling ng buhangin
gayong noon, ang bawat naroon
ay tila mabubuhay nang habampanahon
maliban sa kaniya.

Nakikilala ko siya bilang kapamilya,
minsan ay hawig ng aking ama
o ng isang malayong kamag-anak,
minsan ay hindi naman talaga,
hindi sinuman sa kanilang
hindi pinalad makauwi
sa tahanang walang palamuti,
dahil nilamon ng tubig o lupa,
o nabuwalan ng malaking puno
o nilapa sa daan
ng makinang namumuwalan,
o maaaring siya rin ang malumbay
na tagalagay ng pako sa ataul,
walang luhang alay
sa kaniyang hanggang sa dulo
ay wala pa ring pangalan.
Siya na pinapanood lamang
buhat sa malayo,
waring langgam na di makita sa gilid ng punso,
kung kaya nang di na gumalaw ang paa
at sa sobrang pagod ay nangisay ang pobre:
wala man lang nagpaikot ng sobre
at sa puwestong kaniyang binakante
ibang paa agad ang humalili.

Ngunit maging ang ibang paang pumalit
ay tulad rin ng kaniya, gayundin ang kamay,
kung tutuusin ay parang di siya nawalay:
At nang akala nila ay dumating na
ang kaniyang katapusan,
siya na gaya rin ng mga naunang dumaan,
hayun at nagbubungkal muli ng lupa,
nagtatabas ng tela,
walang suot na kamiseta,
hayun muli siya at naglaho, tulad dati,
pumaparoon, pumaparito,
ngunit dahil walang sariling hukay
o nitso, walang pangalang nakaukit
sa batong pinakinis ng kaniyang palad,
walang nakaaalam kung ano’ng isusulat,
kung kelan siya namatay,
kung kelan pinanganak
at kahit ipanganak muli siya at mamatay,
tiyak walang magtataas ng kilay.

Walang dudang wala siyang habilin.
Walang alaala, ni baka o bandilang gusgusin;
siya na kung kasama ang madla
ay malamang di mo makikilala,
ang madlang sadyang katulad niya,
walang sariling mukha.
Mula sa ibabaw, sila'y kakulay ng luwad,
o namumusyaw ring tulad ng katad,
minsa’y kasing-dilaw ng trigo,
kasing-berde ng mga lumot sa balwarte,
kakulay sila ng mga isda
kung pumapalaot ang bangka,
o ng mga kabayo sa tiwangwang na parang:
Paano mo maaalala
silang humahalo sa lupa?

Saanman mapadpad, namumukadkad
ang lahat ng kaniyang hawakan:
ang batong tinibag ng hubad na palad
ay nagiging gusali,
hinahawan ng kaniyang kamay
ang malalambot na tinapay,
ang makina ay pinaaandar,
ang kabayanan ay ipinupundar sa mga liblib na lugar,
at pinatutubo niya ang mga bulaklak,
napupuno ng bulaklak
ang mga liwasan at palengke
sa pagitan ng panaderya
at daungan ng kalapati.

Mabubura sa alaala
siyang nagmasa ng harina,
siyang naglakbay nang malayo upang tibagin ang bato,
siyang humukay ng guwang
upang makalagos ang hangin
at makaahon ang buhangin.
At nang ang lahat ay naitayo na
siya naman ang nawala,
ibinigay niya ang kaniyang buhay, iyon lang naman.
At sa ibang lugar naman pumunta
upang isangla ang lakas,
hanggang sa wakas,
ay di na humihinga,
gumugulong tulad ng bato
pababa sa sapa.

Akong lubos na nakakikilala,
nakita ko kung paano siya nawala
hanggang walang matira
liban sa kaniyang pamana:
mga kalsadang hindi niya malalakaran,
mga tahanang hindi niya matitirhan.

At hinanap ko siya, hinintay.

Hanggang makita kong bumangon siya sa hukay

Nakikilala ko siya
kasama ng iba.
At sa aking pagwawari ay hindi maaari
na wala siyang pinatunguhan,
na sadyang walang kabuluhan
ang mabuhay sa ganoong paraan.

Naniniwala akong ang ginoong ito
ay dapat iluklok sa trono,
may putong na korona sa ulo,
kumpleto sa adorno.
Naniniwala akong
kung sino ang yumari
siya dapat ang magmay-ari.
At ang tagamasa ng harina
ay dapat magtamasa.

At dapat tanglawan ang mga nasa minahan!

At wala nang mang-aalipin sa kaniyang kapwa!

Walang sinumang basta mawawala!

Ang bawat ginoo ay dapat itanghal na hari.

Dapat may korona ang lahat ng babae.

Bawat kamay, may guwantes na tapeta.

At ang bunga ng umaga ay dapat manahin
nilang mga walang pangalang
madaling alalahanin.

Nakikilala ko ang taong ito
at kung may magagawa ako,
habang ang mata
ay di pa tuluyang nahuhugot sa ulo,
habang ang bibig
ay di pa natutuyuan ng tinig,
hahalughugin ko ang bawat sementeryo,
at hawak ang kaniyang braso
na di pa naman gaanong nagiging abo,
sasabihin ko:

“Ang lahat ay maglalaho
at ikaw lang ang mananatili,

pinagliliyab mo ang buhay,

ikaw ang magpapanday
ng mga bagay na mapapasaiyo".

Kaya walang dapat mabahala
gayong tila nag-iisa ako
ay marami pa ring kasama;
at ako ay magsasalita
gamit ang tinig ng iba.

Sa akin ay may nagbabasa
na pawang sarado ang mata.
Ngunit silang pinagpaparangalan
nitong aking tula,
sila ang tunay na nakakaunawa,
at patuloy silang ipapanganak,
at patuloy silang dadami
sa panahong hinaharap.