22 April 2009

ANG WAKAS AT ANG SIMULA

(Mula kay Wislawa Szymborska)


Tuwing may matatapos na giyera,
may isang naglilimas ng basura
dahil hindi naaayos mag-isa
ang mga bagay na nasira. Sa gilid

ng daan, may isang nagsasalansan
sa mga naiwang guho
upang ang karitelang
may lulan-lulang katawan
ay di mabalaho. Sa kulapol ng burak

at abo ay may tumatahak,
gayundin sa kumpol ng bubog,
sa mga sofang nawakwak,
sa mga karpet na may pulang mantsa.

May isang nagbubuhat ng poste
at nagkukumpuni ng kisame,
may nagbabalik ng pinto sa hamba
at muling nagpapakintab
sa mga lumabong bintana.

Walang anumang gulo, walang umuupo
upang magpalitrato. Bibilang ng taon
ang ganito, panigurado,
habang ang mga may-sukbit na kamera
ay naroon naman sa ibang giyera.

Ang mga tulay ay kailangang tumibay,
pati na rin ang riles ng tren,
wala nang hihiram sa mga kamiseta
na aksidenteng napahiran ng grasa.

May isang nagkukuwento
sa nagdaang napakagulo
sariwa pa sa kaniya
ang lahat ng ito, habang naglalampaso.
Samantalang may isang nakikinig,
di mapigil ang panginginig,
habang tumatango-tango
ang ulong litong-lito.

Meron namang nagkukunwa
na may ibang ginagawa,
dahil wala silang alam,
wala silang pakialam.

Oras-oras kailangang may tumabas
sa argumentong kinakalawang
upang sunugin sa tambakan.

Sinumang nakauunawa
sa mga pinagsasasabi ko
ay dapat magbigay-daan
sa di nakaiintindi masyado.
Pati sa kanilang may alam
nang kaunti, at sa kanilang
talaga namang inosente.

Samantala may isang dapat humiga
sa ibabaw ng lupa
upang tuluyang ikubli
ang bawat bunga at sanhi;
At sa kaniyang bibig
ay may maglalagay
ng isang tangkay ng palay,
at mananatili siyang nakatunghay
sa langit na walang kulay.