06 April 2009

HALAW KAY NICOLÁS GUILLÉN

-

Parang di ako makapaniwala,
ako, si Juan na kahapon lamang
ay talagang namang walang-wala,
ay naging si Juan ngayon
na biglang nagkaroon;
tipong sa dinami-dami
ng aking pag-aari,
maaari kong masabi
na meron na 'kong sinasabi.
Tinitingnan ko ang aking sarili
sa salamin, tinatapik-tapik
ang mukha, paulit-ulit
na itinatanong
kung paanong nagkagayon.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
kung bigla akong umuwi
sa pinanggalingang probinsiya,
di na kailangan ang titulong may pirma,
batid agad ng mga naiwang kakilala
ang karapatan kong magmalaki
komo ako na ang nagmamay-ari
ng lahat-lahat
na ipinagdamot sa akin dati.

Maaari kong sabihing
sa pangalan ko nakapangalan
ang malalawak na taniman,
ang patag na siyudad
at matatag na kabundukan;
ang brigada ng mga sundalo,
ngayon at kailanman,
ay sa akin na rin, at sa iyo,
sa atin nang pareho
pati ang silahis ng araw,
pati ang bituin sa malayo,
mga bulaklak na pawang dumurugo.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
ako na isang tagabungkal ng lupa,
o isang trabahador sa pabrika,
o isang taong karaniwan lamang,
(halimbawa lang naman)
kung ako ay pupunta sa bangko
hindi ko kailangan pang maghugas
ng lalamunan at dila
para lamang makapagbulalas
ng magagalang na parirala
sa wikang ingles. Imbes,
kakausapin ko ang manedyer
nang di siya tinatawag na “sir”,
ituturing ko siyang aking “kumpadre”,
walang yabang at simpleng-simple.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
ako, na kahit hindi tisoy,
ay nagkaroon ng layang kumain ng chopsuey
saanmang de-aircon na bistro
nang di pinagsasarhan ng pinto;
at kung nakatayo sa bulwagan
ng isang magarang otel,
di ako ipagtatabuyan
dahil wala nang bakante
kahit isang silid na maliit lang
ang aking kailangan,
hindi iyong en grande
na wari mo’y tirahan ng higante,
basta’t hindi ako ipagtatabuyan
dahil wala nang bakante.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
at di na ako mababagansya,
di na pagdadamutan ng hustisya,
o darakpin nang walang asunto,
di na bubugbugin at itatago
sa mababaho nilang presinto;
walang kakamkam sa lupa kong inaararo;
walang magtataboy sa akin
sa kalsadang sementado.

Meron na 'kong sinasabi,
at dahil ang lupa ay akin nang pag-aari,
akin na rin maging ang karagatan.
Di ko kaiinggitan
ang kanilang bahay-bakasyunan,
di hahangaring puntahan
ang kanilang pribadong languyan.
Masaya na akong titigan
ang lawak ng dalampasigan.
Haplos ng buhangin sa likuran,
tilamsik ng tubig sa aking tabi:
ang dagat na libre, sa madaling sabi.

Meron na 'kong sinasabi, kunwari,
at natutunan ko nang sumulat
at bumasa, at magbilang,
at bumigkas ng tula,
ang mag-isip at tumawa.
Meron na 'kong sinasabi
at ngayon ay masasabi kong
meron akong trabaho
at lahat ng ipinampapalaman sa tiyan
ay aking pinagpapawisan.
Meron na 'kong sinasabi
at buong-buo ko nang nabawi
ang lahat nang dati-rati
ay ako, at ako naman talaga,
ang tunay na may-ari.