11 April 2009

HALAW KAY WISLAWA SZYMBORSKA

-

Tunay kaya itong tunay na pag-ibig.
Ito ba'y seryoso o normal?
At tumatagal?
Ano ang silbi sa daigdig
ng dalawang taong nagmamahal
kung hihinga lang rin sila
sa mundong hiwalay sa iba?

Tingnan mo kung paano nila itanghal
ang isa't isa sa pedestal.
At sa dinami-dami
ng ibang pupuwedeng mapili,
bakit sa bawat isa pa nabighani?
Sapat ba ang gayon upang maniwala
na lahat ay itinadhana –
at para sa anong gantimpala?
Wala.
At nang suminag ang liwanag
buhat sa wala,
bakit sila ang tinanglawan
at hindi ang iba?
Ito ba’y kawalan ng katarungan?
Oo naman.
O ito ba ay pagpapalabo
o pagtatapon sa lababo
ng mga mali at wasto? Oo
at Oo sa pagkakataong pareho.

Tingnan mo silang di maitatwa ang tuwa.
Di ba maaaring magkunwa ng kabiguan
alang-alang man lang
sa magulang at kaibigan?
At pakinggan silang humahalakhak –
iya'y isang malinaw na paglibak.
At ang mga salitang binibitiwan,
ang kanilang lihim na pagdiriwang –
Lahat ng iyan ay masamang balak
para sa sangkatauhan!

Ano ang mangyayari sa mundo
kung tao’y susunod sa kanilang ehemplo?
Ano ang sinasabi ng obispo sa templo?
Ano ang pakaiingatan? Ano ang kalilimutan?
Sino ang tatalima sa takdang makaluma?

Kung gagamitin ang isip
dapat palampasin nang tahimik,
parang isang iskandalo,
masinop na itinatago,
ang tunay na pag-ibig.
Tutal ipinapanganak naman
ang mga taong matino
kahit walang pag-ibig.
Pero ang buong mundo ay di mapupuno
dahil maingat kung dumating
ang tunay na pag-ibig.

Hayaan silang magpalagay
na pawang kalokohan ang gayong bagay-bagay,
silang di pa nakatatagpo
ng tunay na pag-ibig.

Sa ganito nilang pananalig,
ang buong daigdig
ay mabubuhay, mamamatay
nang matiwasay at tahimik .