04 April 2009

SI TATAY

-

Nagsisimula nang maupos
tulad ng dahong naghuhunos
ng kulay
ang tuyot at marupok

na katawan ni Tatay.
Sa kaniyang balat, nakalimbag
ang magaspang na larawan
ng lupang bitak-bitak.

Labingwalong tag-init
ang matalas na pumunit
sa huli naming pagkikita
noon – upang aking tuparin

sa madudulas na landasing
binagtas rin
ng paa niyang di naturuang
magsuot ng sapatos

ang tungkos ng tungkuling
iniutos
ng matalim kong panahon.
At sa aking pagbabalik ngayon,

pakiwari ko’y pinudpod na
ng pilantod na usad ng taon
ang magilas na alamat
ng kaniyang pagkabata.

Saang pahina kaya ng kahapon
tumapon ang maraming gunita:
Mga sandali ng pakikitunggali
sa buwayang iniluluwa

ng lawa; Takipsilim ng pagpapastol
sa mahinhing tumana
ng Isabela;
Gabing himbing ang pagnanasa

habang lihim na nagsasanay
sumulat at bumasa.
Sa mga mata ni Tatay
tila ngayon nakalathala

ang maganit na bintana
sa madilim na sala
na tanging siya lamang noon
ang nakapagbubukas-

nakapagsasara.
Labingwalong tag-init
ang matalas na pumunit
sa nagdaang hinding-hindi na

maibabalik. At sa muling pagdapyo
ng malabay niyang kamay
sa aking noo, iniisip kaya niya
sa pagkakataong ito ay ano?

Tahimik na minamasdan
ang paniningil ng panahon
sa mata niyang hantungan
ng antigong dapithapon,

kumbakit sa guni-guni
ay walang pagsisisi,
ni panghihinayang
sa mga oras na sinayang

kung ang kaisa-isa mang
anak ni Tatay,
na di niya sinuway
sa anumang layaw at away,

ay maaga natutong humulagpos
sa bawat haplos at palo
ng amang tuwi-tuwina’y sutil
at matigas ang ulo lalo.

No comments:

Post a Comment