14 June 2009

SA DAMPA NG MATANDANG MAGKAKAHOY

-

Itinatangis ng alulod na kawayan ang pagrupok ng mga dampa
sa Purok-San Teodoro. Kawangis ng anas ng hangin sa palayan
kung mangusap ang matatanda. Parang banas
ng gabing maalinsangan ang madilim nilang katahimikan
habang tinatawid ang mahabang hapunan
ng maligamgam na tubig at nilagang balinghoy.
Ganito ang tagpo nang kami’y tumuloy
sa dampa ni Tatang. Isang magkakahoy. Tubong Mauban.
Sa kaniyang mata’y nakakintal ang basag na katahimikan
ng dagat sa bayang pinanggalingan.
At kahit malaon nang humalili
ang pangangalap ng panggatong sa kinasanayang panghuhuli
ng tulingan at galunggong, sa kaniyang mukha’y mariin
pa ring nakauka ang sugat sa matalas na tagas
ng diskumpiyansa at luha. Dito sa San Teodoro
tinubuan ng uban si Tatang. Anu’t anuman,
ang gunita ng Mauban ay pahina
mula sa isang lumang kalendaryong hinding-hindi mapipilas

sa kaniyang isipan. Sa pagitan ng buntung-hininga,
naglalayag ang alaala pauwi sa makinis na dalampasigan
ng pagkabata: Larong baril-barilan sa bunganga ng sapa;
bunga ng katikbi bilang bala, mantsa sa damit
ang iuuwing medalya. At dahil kandado ang eskuwela
sa mahabang magdamag ng giyera, di niya naisaulo
ang orasyon at katon. Tanging balarila ng paninilo
ng bayawak at baboy-damo ang nahasa niya sa utak.
At kahit sakmal ng tili ang gabing hindi mapakali,
nakukuha niyang mangarap palagi ng makinis na turumpo
at malutong na uraro, ng malinis na baro

at masasayang kalaro. Bahagyang naghuhunos noon ng kulay
ang nakadagang unos sa apatnapung taon ng kaniyang buhay,
nang ang kapwa niya beterano ng digmaang-musmos
ay malaon nang retirado, isang dapithapon ng Hunyo,
sa Barangay Cagsiay Uno: ulat ni Tatang,
sandaling nagpaparaos ng hingal at lamig
ng sikmura sa kaniyang dampa ang mga dating kababata,
nang mula sa ilaya, umatungal ang putok
na lagi’t laging lalagot sa kaniyang katiwasayan.
Himalang manipis na gasgas lang
sa braso ang kaniyang tinamo. Pero malas
ang kababatang si Damaso – Laslas
ang binti’t kamay nang igapos ng kaaway sa poste ng bahay.

Ayon kay Tatang, basag na dagat man ngayon ang layo
ng Purok-San Teodoro mula sa bayan ng Mauban,
kumbakit patuloy pa ring kumakatok
hanggang sa pagtulog – tulad ng mantsang
di mahugas-hugasan sa umuulit-ulit na bangungot –
ang panaghoy mula sa dampang natutupok.
Lalong-lalo na ang amoy ng buhok.
Lalong-lalo na ang amoy ng lamang
buhay pa nang kanilang sinunog.