30 December 2010

ANG KUTONG LUPA

(Halaw kay Shel Silverstein)

Duwende
na sinlaki
ng kalahating
daliri,
pagpasok
sa klase
ang karwahe
hatak
ng bulate.

Sangwisik
na luha
mula
sa dagang iyakin,
swimming pool na
na ubod
nang lalim.

Ang tanong ba
kung makakaporma
'pag humara-humara
sa kalsada
ang huramentadong
garapata?

Kasya
ang katawan
sa ilalim
ng pintuan
pero sobra
isang buwan
bago marating
ang tindahan.

Piging
sa isang linggo
ang katiting
na biskotso.
Sumbrero
kung umulan
ang maliit
na tansan.

Ala-tarsan
na pagtulay
sa laway
ng gagamba,
di 'yan ubra
kung iba
ang titira.

Lumilipad
na karpet
ang balat
ng tsiklet.
Yakap ko
ang hinlalaki,
yakap ko na
buong babae.

At
sapagkat
walang gamit
na mas maliit
sa akin,
simpleng bolpen,
isang magdamag
dapat
bago mabuhat.

Itong tulang 'to,
sa totoo,
sampung taon
kinumpleto.
Pero mas grabe
sa aksidente
ng di paglaki
ito --
sa buong mundo,
kanino,
duktor man
o albularyo,
maaari

magpatule?

21 November 2010

MGA PAMILYAR NA SUGAT

-

Sa sugat nagmula kaya sa sugat din ang punta.
Ito ang taimtim naming kumpisal, O Ama; isang pagsasakdal
na nagsasadlak sa panghabambuhay na sentensiya
ng pagpapabalik-balik sa mga gastado at saulado nang ruta
sa ugating balat ng tumatanda mong lupa. Ito, kami, sa iyong
tanghaling-tapat. Mangyari, banayad mo ngayong pinasusulak
ang lahat ng kaloob mong sugat: magmula sa mga lansangan,
hanggang sa bitak ng aspalto, sa natutungkab na kongkretong
nakadagan sa lumalapot na alingasaw ng mga imburnal,
baradong agos ng sipuning kanal, burak at iba pang paltos
na maingat naming ibinuburda sa antigong balat
ng aming mga kalsada. Ama ko, ipagtatapat ko,
na sa ganitong pag-uungkat ng mga nakatagong hiwa
nagsisimula ang aming pag-unawa sa pangkaraniwang kirot.
Uumpisahan ko, halimbawa, sa paghuhubad ng aming suot
na sapatos. Ganito ang kinasanayang pagsasanay
sa pagtuklas kung gaano kalayo ang maaaring marating
sakaling walang hanggan ang takdang saan
ng pasan-pasan naming damdamin: Na tanging ibig sabihin,
oras mapudpod ang suwelas ng puso, at manuot sa malay
ang nagtututong na init ng aspaltong kanina pa kumakayod
sa talampakan naming nangangalay – mangyari ito ang hudyat
ng aming paghinto, nangangamba sa kawalan ng pangalan
para sa bagay-bagay na pupuwedeng maapakan
sakaling magpatuloy sa tinutungo. Sa ganiyang paraan
nagsisimula ang mababaw na sugat ng aming alinlangan.
Samantala, kung hahayaan naming maging giya
ang kapwa-bulag naming pananampalataya
habang binabaybay nang paluhod ang isang mundong agwat
mula liwasan, papasok sa katedral ng de-takal naming paniniwala,
baka hindi rin maikaila na sa kabila ng iyong salita,
mas madalas kaming ipagkanulo ng mababaw na pananalig
sa ibang kasa-kasabay rin naming tumatawid
sa mahabang alas-dose ng aming pagbabaka-sakali:
tindera ng butil-butil at de-botelyang kontra-aksidente;
maglalako ng de-bateryang turumpo at pamatay-peste;
tagahabi ng kuwintas at kunwa-kunwariang alahas; piratang
tagabahagi ng magkakahawig na trahedyang nagkakatalo parati
sa antas ng labo at haba. Papunta dito, makukuwenta mo
kung gaano kamura matatawaran ang pakikipagkapwa,
lamang sa tatlo-isandaang halaga, kumbakit laging may gasgas
ang ibinabayad naming tiwala. Ito ang tinatawag
na palagiang sugat ng hinala. At kung susulong pa kami
palusong sa nilalangaw na matris na tagapagluwal
ng iba pang mababahong sugat at galis ng abenida,
malamang datnan namin ang mag-inang nakasalampak
sa baha-bahagdang hantungan ng basurang winawalis namin
buhat sa kalsada. Kung pipilitin naming kapain para sa kanila
ang nagsasabubog na luha ng kalooban, at isiping
tanging sa ganitong pagpapalalim ng sugat at uka
makakamtan ang pagpapala at katubusan, malamang
maubusan kami ng isasanglang awa, dahil dito sa siyudad
kulang ang habag na kayang iambag ng buong daigdig
upang punuin ang isang maliit na basong plastik:
Ito, O Ama, ang itsura ng sugat naming pabalik-balik,
sapagkat kailanman ay hinding-hindi siguro namin mababatid
kung paano mapapaampat ng impis na tinapay
ang paulit-ulit na pagdurugo ng aming bunganga,
o kung sa anong paraan mapapamanhid ng isda
ang salubsob sa loob ng humihilab naming bituka,
o kung kailan mapapalis ng alak ang nanunuot na ginaw
sa nakahalukipkip naming pandama --- Gayunman, ituro mo
kung paano tuklapin ang sala-salansang balatkayo
nang sa gayon ay maramdaman ng aming balat
ang lalim at lawak ng bawat di-mapahupang pagdanak.
Akayin mo ang aming hakbang pauwi sa katahimikan
ng bakanteng silid, upang doon, sa panahong tinatastas
ng daliri ang langib ng nililingid naming pagkukunwari
ay makilala namin ang tigas at gaspang
ng di-humuhulas na uhaw sa iyong lalamunan,
ang di-natutuyong kirot sa iyong palad at tagiliran,
ang di masukat-masukat na lalim ng nakakoronang tinik
sa iyong bumbunan. Ito lamang, O Ama, sa iyong pangalan,
hanggang mapawi ang aming alinlangan -- ang lahat-lahat
ng aming alinlangan -- pagkapa na pagkapa
sa mga sugat mo na maaari naming hawakan.

31 October 2010

TODOS LOS SANTOS

-

Napakadaling isilid palayo sa isip
ang mga bagay-bagay. Parang ganito:
kahit pa ulit-ulitin natin ang pagparito
sa pagbabaka-sakaling matunton
ang bawat lihim na liko at lagusan
sa nilulumot na katakumbang
inukit nating pareho sa ating puso -–
mangyari, bago pa man maidugtong
ang mga nailubid na kataga
upang magbigay-tanda sa mga bulwagan
na dati nang natuluyan, gayundin
sa mga silid na pakiwari natin
ay ngayon pa lang napuntahan,
malamang mawala tayo, o di kaya
ay mabulid sa pagkalibang, bagay
kaya hindi natin matagpuan
ang mga puwang, o ang pinakamalalim
na kabuluhan ng katahimikan
hanggang kapwa tayo maubusan
ng salita at pangalan
para sa uusbong na panibago
na namang kalungkutan. O minsan,
sa mga umaga, pagkagaling mo
sa kinasanayang pamimitas
ng kung anupaman ang nalabi
mula sa pagtatapat na hindi mo nabigkas
noong nakaraang gabi, maingat
mong isasaayos ang mga salita
sang-ayon sa tingkad o dilim
ng bawat letra, tulad ng mga bulaklak
na masinsing isinalansan
sa loob ng plorera. Ngunit sa halip
na iabot ito sa akin, muli, pipiliin
mong ilingid ang mga talulot
kung saan walang makakakita,
kung saan walang lapida at kandila
ang ipinapatak mong luha. Gabi-gabi
ay paulit-ulit tayong pumaparito
sa ating labirinto. Dinaratnan natin
ang mga dati-rati nang kalat: upos
ng sigarilyo, tiket sa bus, di natapos
na hapunan, bote ng serbesa, dawag
ng damuhang nagkukubli sa ating daan
pauwi. Gabi-gabi, paghimlay
ng huli mong mensahe sa kabaong
ng aking telepono, batid ko agad
ang sinasaad nito: na di mag-isang
kinakabig ng mga nitso
palapit sa bawat isa ang isla-
isla nilang sikreto, dahilan kumbakit
lumipas man ang habampanahon
ang malaking kontinenteng bato
ay hinding-hindi mabubuo. Wika mo,
dahil dito, kung kaya ang sandali
ay kailangang magtapos parati
sa ganito: lalabas ako sa iyong pinto,
isusukli mo ang ngiting taglay ang lamig
ng sambuong sementeryo.
Habang ang Langib na maiiwan
sa ating hangganan
tuwing pababa ako
sa iyong hagdanan, 'kamo iyan
ang pinakamagaspang sa lahat
ng Dalampasigan; Samantalang
ang humihikab na Sugat
sa ating harap, iyan naman
ang pinakamalalim na Dagat.
Maliban dito, ang iba pang bagay
na nakakalat sa ating pagitan
ay pawang mga bagay
na limot na natin
kung ano ang pangalan.

01 September 2010

TIPO KONG BEBOT

(Halaw kay Paul Curtis)


Ang tipo kong bebot
ay di umuutot
nang ubod nang bantot
at parang torotot.
Mahinhing buntung-hininga
ang singaw ng bituka;
hangin, kung mangamoy-kubeta
aba'y sinong magsususpetsa?

Ang tipo kong babae ay
ganito kung dumighay:
di parang asong nanganganay,
tahimik siya't patay-
malisyang nakatakip
ang palad sa bibig,
kumbaga'y kakilig-kilig
ang huning 'pinaririnig.

Anumang tining ng init
pawis ay di kumakapit
sa manggas at singit-singit
ng bestidang gamit-gamit.
Walang kinukubli
o lihim na di masabi,
ang tipo kong binibini
tuyo palagi’ng kili-kili.

'Pag habang nasa kalsada
ay mahulog sa bangketa
tatawa lamang siya,
walang aberya o disgrasya.
Walang kabastusang
lalabas sa lalamunan --
kung magmura’y sa isip lang
itong tipo kong paraluman.

Di kaya bunga lang ng guni-guni
itong aking pinagsasabi.
Mangyari kasi
ang babae
‘pag nautot nang aksidente
sa kabag isisisi.
Kung dighay-bulkan
ay di mapigilan
paliwanag diyan:
di siya natunawan.
Kung di maiwasan
pagpawisan
panahon naman
ang may-kasalanan.
Tuwing napapamura
ng malulutong na “punyeta”
sasabihin niya, bakit ba
kasi kita nakilala?

15 August 2010

TANAWIN MULA SA LOOB

-

Tatlong paslit ang nangangaroling
sa tapat ng isang lumang klinik
sa Crossing. Ang kanilang mukha
ay simputla ng tulog na mantika,
titig-kandila naman ang mga matang
waring kanina pa nagmamasid
sa anumang bagay na tumitibok
sa paligid -- ang tanawing
ito ang siyang naghatid
sa aking tingin mula sa labas,
pabalik sa tinutunghayang TV
sa loob ng bus. Magandang Gabi
Bayan, sambit ng palabas.
Dahilang hindi ko naman masakyan
kung ano ang ikinaganda ng ganito
para sa bayan, heto't nakabalandra
sa balita: isang bata, walang buhay
nang pulutin sa gilid ng highway
isang linggo na ang nakaraan.
Ang maliit niyang katawan
ay magaspang na pilat sa kalsadang
bagong-semento. Sa panayam,
isang kamag-anak ang nagkuwento
tungkol sa nalalapit nang kaarawan
ng pamangkin. Mangyari, itinuturo niya
na pupuwede palang sukatin
ang lawak ng kalungkutang
hindi pa dumarating sa atin. Sanhi nito
kaya siguro minarapat dalhin
ng tagapag-ulat sa aming pansin
ang eksena sa loob ng burol:
Nakapalamuti sa likod ng ataul
ang mga regalo, kartong torotot
at sumbrero, handang spaghetti,
biko at manok na pinirito.
Umiilanglang sa ere
ang sintunadong Happy Birthday,
inaawit ng mga nakikiramay
at walang malay ngayong kuhang-kuha
sa harap ng video. Bawat patak ng luha
ay simpintog ng lobo.

Muli, pagsilip ko sa bintana,
nagsisimula nang pumarada
ang magagaslaw na ilaw
sa abenida. Malayo sa panglaw
ng nakatanglaw na trahedya
ang patay-sinding bumbilya
ng parol sa poste. Sa lilim nito,
mas maraming bata ang naglalaro
sa kalye, may nakikipagkarera
sa trapik na di makatuntong
ng tersera, may nagbibilang
ng lumilimbag na yabag sa bangketa.
Isang batang babae ang nag-aayos
ng nakaputong na bilao sa ulo,
Isang batang lalake naman
ang malapit nang mamaos
habang minamadali
mula sa lalamunan ng talipapa
ang pag-ubos sa panindang
malapit nang mabilasa. Habang ako,
maligalig at laging balisa,
ay nakatunghay ngayon
sa kalsadang pag-aari
nitong mga bata; inaapuhap ng tingin
ang tatlong paslit na nangangaroling
sa tapat ng isang lumang klinik
kanina sa Crossing. Maaaring
naroroon pa sila, o maaaring wala na.
O baka hindi ko napansing
sadyang malayo na pala ang narating
nitong biyahe; o baka
ang kanilang pagparito
at biglaang paglaho
ay isang taos na habilin:
Na tuloy lang, tuloy lang tayo
sa kaniya-kaniya nating lakbayin
sukdulang magkandaluku-luko
ang takbo, mabalaho man
ang ating hakbang
sa kinakalyong palad ng mundo.

11 August 2010

DAPITHAPON SA PAMANTASAN

-

Kulay-kalawang ang dapithapon
tulad ng mga dahong
sadyang iniipit upang malanta
sa pagitan ng mga lamukos na pahina
ng lansangan sa kampus. Enero.
Parang nilulumot na libro
ang hilera ng mga gusali
ganitong pa-takipsilim at nagmamadali
ang mga dyipning tumatahak
sa mahabang lagda ng kalsada paakyat
sa Forestry. Mabango ang langhap
ng bagong-hawang tinapay sa coop,
naaamoy ko habang binabaybay
itong mabatong daan pauwi ng Y.
Pagdating sa dorm, nakakalat
ang mga aklat nina Mao at Plath
sa sahig. Itim ang ligalig
na nakalimbag sa loob ng silid.

Sa labas, tinggang nalulusaw
ang silahis ng sugatang araw.

04 August 2010

HAMADA

-

Pumapalahaw ang ginaw
tuwing pamadaling-araw,
sinusugsog ang makitid
na puwang, ang maninipis

na pagitang
naghihiwalay
sa nahihimbing na katiwasayan
at naglalamay

na balisa. Sintalas
ng lasa
nitong huling serbesa
ang lansang di maidura

ganitong ang antok
ay estranghero
at ang katahimikan
ay nanghihimok

ng paulit-ulit na pagbalik
sa naudlot na paglimot.
Sa labas ng bintana,
pinanonood ko ang hilera

ng matatayog na Pino
sa abenida. Pinong tanod
sa bakanteng kalsada; Pinong
tila kadete, matipuno

ang tindig sa unipormeng berde;
Pinong mistulang pinatigas
na bangkay ng mga ninuno,
hindi malibing-libing

at ngayo’y tumatawid nang palihim
sa mahahamog na kalyeng
kulay-abo. Madalas kapag ganito,
ipinipinid ko ang tangang libro

saka tinutungo
ang biranda ng kuwarto.
Sa labas, tinatanaw ko
ang palabas

na nagsisimula pa lang
sa dampa ng kapitbahay.
Bukas na nitso
ang giray na kalansay

ng tahanan nilang nilumpo
ng kararaang bagyo.
Sa harap ng kubo
di pa natutuyo

ang putik
habang malamig na tubig
ang iniigib sa poso
ng naliligong binatilyo.

Isang lalake, naghahanda
pagpasok sa trabaho,
ang tahimik na nagkakape
sa mausok na sulok.

Samantala, tulala
ang kaniyang asawa, pagod
na karga-karga
ang bunsong limang taon nang

pumapalahaw sa tenga.
Mula sa aking kinaroroonan
yerong maputla ang kulay
ng butas-butas na sinampay --

mataimtim tulad ng dalangin,
tahimik silang nakalugay
at waring isinusumbong sa hangin
ang mga sugat

na walang makasusukat
kung gaano na kalalim.

03 August 2010

ANG ALAMAT

-

Dahil di ka naniniwala
'pag ako ang nagsabi,
kaya sasabihin ko
muli at muli: na ang banga

hindi nakababa, wala sa pagitan
ng balakang at paa,
bagkus nasa balikat
ng ating diwata.

Sa mga umaga
habang ang hamog
ay nakabulumbon pa
at nakakumot

sa matatayog na tala,
natitipon ang pumpon
sa loob ng sisidlan. Mangyari,
walang nakawawari

kung ano ang pakahulugan
dahil walang nakamalas
kung kailan pinitas
ang mga amorseko

at rosas. Sa dahilang
ang kaniyang hakbang
ay pino at magaan
tulad ng pagdaan

ng lihim na pagdaramdam,
walang nakaramdam
sa yabag. Walang bakas
ng yapak, mga buto lamang

na pakalat-kalat
at tutubo bilang ugat
ng halaman
sa landas na madalas

pala niyang daanan.
Dahil ang gabi
ay umid
kapag lumiligid

ang diwata sa kagubatan
o sa isang harding sagrado
dala ang kalungkutang
panigurado

ay di kayang sukatin
ng anumang kuwento.
Dahil walang katiyakan
ang kaniyang pangalan,

wala ring nakakikilala
sa tunay niyang hiwaga.
At doon sa mundo
ng mga engkanto

maikling idlip lamang
ang naghihiwalay
sa panahon ngayon
at sa kahapong napakalayo.

Ayaw mong maniwala
at kailanma'y hindi niya
ipapakita. Nakalingid
ang hiwaga

tulad ng kung paano
lihim nahuhulog
ang ga-ilog na luha
para sa isang

lumisang binata.
Itinuturo ng diwata
na ang alamat ay alamat,
hinding-hindi natin

madadalumat.
Tulad ng pakahulugan
nitong banga,
naglalaho madalas

nang walang nakamamalas.
At dahil sa imahinasyon
kung siya'y maglimayon
at sa pangarap lamang

siya naroroon, samakatuwid
kaniyang tinatawid
ang hangganan
ng katotohanan at panaginip

upang alayan tayo
ng rosas
at amorseko. Totoo man ito
o likhang guni-guni,

sukdulan walang maniwala
sa aking pinagsasabi,
para sa iyo, heto lamang
ang aking masasabi:

na ang banga
hindi nakababa,
wala sa pagitan
ng balakang at paa

bagkus ang sisidlang
simbabaw ng luha
nasa balikat tuwina
ng ating diwata.

02 August 2010

MATAPOS ANG 3 BEER SA PLAZA AGAPITA

-

Nangangapal ang hanging nakaaspile
sa nangangatal na paningin; ang mga ulap,
tila balat na bagong-tuklap, inilalantad
ang sala-salansang lihim
mula sa maagang pagmamanibalang
ng gabi. Sa sandaling ito,
namimiyapis sa upuang katabi
ang isang babaeng kanina ko pa kasalo
sa pagsisid sa lumalalim na oras
dito sa plaza. Parang pagsaid ng bula,
o paglunok ng gumigiyagis na pait
sa kailalim-laliman ng baso, ewan ko
kung anong kalintikan itong nag-udyok
sa akin upang isa-isahin ang mga himutok
at sugat na tinamo namin
mula sa kaniya-kaniyang lakbayin.
Binabaybay ko ang hinagpis
na nakakintal sa kaniyang mata, ngunit wala
akong nabasa maliban sa nagbabanyuhay
niyang tingin. Tumingin ako sa de-palito
kong relo. Napansin kong di na umuusad
ang panahon. Patda ang maiingay na sasakyan
sa kalsada, at tikom ang tibok
ng mga bundok sa napakalayong hilaga.
Muli kong tinitigan ang aking katabi
at tumambad mula sa malamlam
na kindat ng nagmumukmok na liwanag
ang mga sugat niyang
hindi na mapapaampat
ng panahon at serbesa.
Saka kami kapwa nilunok
ng katahimikang di naming maarok.

30 July 2010

4 n.h.

-

4 n.h. tumatapon
ang kutsa-kutsaritang pag-asa
sa kulay-gatas na mesita; amoy talahib
na tsaa ay lumiligwak sa labi
nitong sinaunang tasa
samantala, nilulunod ng umaalimpuyong bagot
ang sintunadong pagnanasang
umiilanglang sa isang awiting
paulit-ulit ngayong inaanod
papunta sa akin. Ano’ng pahina pa
ang di ko nahihimay
sa magasing singmura
ng aking paghihintay
ganitong ang oras ay ubod nang
bagal --- walang kasimbagal
ngayong 4 n.h.
na sa karaniwang pagkakataon
ay di dapat iba
sa 4 n.u. kapag nag-u
unahan ang mga daliri ng relo
sa pagpigtal ng minuto
habang maging panaginip
natin ay naghihilik
kahit pa madalas
nakatutulugang bukas
ang nakatungangang telebisyon,
tahimik na saksi sa mga sandali
na dapat palang isauli
ang panahong di tayo ang tunay
na may-ari. Ngayong 4 n.h.
at huli ka na namang dumating
sa ating usapan, iniisip kong
baka bigla mong nakalimutan
ang daan patungo rito. O
sadyang marami kang ginagawa
sa trabaho. O naatraso muli
tulad ng dating gawi. Di ko alam
kumbakit nauubos ang mga dahilan
nang mas mabilis pa
sa mga tao ditong nag-aapura
sa kani-kanilang paglisan
habang ang pulot sa aking dila
ay natutuyo, at ang mga talulot
sa bawat salitang pumapait
ay napipigtal
ganitong ang oras ay
mabagal
sadyang walang
kasing
bagal.

30 June 2010

4 n.u.

(Halaw kay Wislawa Szymborska)


Ang oras sa gitna ng araw
at gabi. Ang oras na agaw-
antok at di mapakali
sa pagitan ng lamukos
na unan at katre. Oras
ng mga trenta anyos
sa lupa. Bagong-hilamos
ang tumatandang lupa

bago pa umilanglang
ang hikab ng tandang
sa oras na ito.
Ang mahigpit na yapos ng mundo
ay nagsisimulang makalag
sa oras na ito.
Kislap ay namumutla
mula sa mapupungay na tala
sa oras na ito. Sa oras na ito,
walang katiyakan
kung tayo ba'y matatagpuan
o sukat mawawala na lang
nang walang bakas
pagdilat ng bukas.

Oras na walang laman.
Nakanganga at walang silbi.
Pinakamalalim na hukay
sa laylayan ng gabi.

Walang sinumang napapanatag
tuwing alas-kuwatro nang umaga.
Mga langgam lamang ang kalmado
tuwing sasapit ang alas-kuwatro,
Dahil dito ay masaya tayo
para sa mga langgam

gayumpaman ay hayaang datnan
ng alas-singko
ang sinumang nagnanais
magpatuloy sa mundo.

22 May 2010

SI BETCHAY, NAKAUNAT ANG MALIIT NA KATAWANG NANINIGAS AT KULAY-PETSAY

(Halaw kay Valentin Iremonger)


Si Betchay, nakaunat ang maliit na katawang
naninigas at kulay-petsay, ay sukat nanggulat
isang umaga ng tagsibol. Suot ang bagong-almirol
na terno at katahimikan ng brasong may adorno

ng itim na rosaryo, kandila at libro, isang platito
ng agua bendita, ay tinanggap kami isa-isa
sa kuwartong nakalugay ang kurtina. Pinid
ang kaniyang mata. Puting unan ay may bahid

ng buhok mula sa nabubulok na anit. Pagsapit
na pagsapit ng gabi ay nagkita-kita kami
sa hangganan ng gulod. Huntahan. Iniintindi ang buod
ng ganitong pamamaalam. Kamatayan, oo: maaari

ngang may kinalaman sa edad ng tao, o mangyari
sa pag-agnas at paghulas ng lakas. Pero hindi
sa kaniya: komo wala pang malisya, may-bighani
at kaybata – parang malabo yata. Kinabukasan,

sinambit ng pari ang kaniyang pangalan. Luhang
sumirit ang katiyakan ng paglisan. Sa bakuran
ng simbahan, isang batang noo’y magpipito pa lang
ang nananangis. Labingwalong taon kong pinalis

sa isip ang kaniyang larawan. Ngayong taglagas,
isang tangkay na tuyo ang dumapo sa berdeng damo.
Waring nanunudyo. Bigla, naisip ko si Betchay:
nakaunat ang katawang naninigas at kulay-petsay.

30 April 2010

SA DARATING NA HALALAN

-

Ika nga’y hinding-hindi natin maaaring malimot
ang kanilang panata, ang mga pangarap
na iniaabot nang walang bayad
sa mga dukha. Kumbaga dahil kabisado natin
ang areglo ng ganitong kuwento,
kung tutuusin ay hindi na bago
kung itinatalak man ngayon ng pulitiko
ang Pulitika ng Pagbabago.
Mangyari hanggang sa araw na ito
ay nakaabang tayo sa pagdating
ng sinasabi nilang balang araw.
Heto naman ang masasabi ko: Basta ba maaabot ito
sa malinis na paraan, sa akin ang balang-araw
ay ayos lang naman.

Kaparis na lang ng ibang klaseng diskarte
nitong si Tandang Osyo. Palibhasa
isang maralita ng siyudad,
para sa kaniya ang pag-unlad
ay depende sa tatag ng barung-barong
kung kaharap ang demolisyon; Dahil dito
kung kaya ang mga pulitiko
sa kanilang dako, tuwing panahon
ng eleksiyon ay walang ibang pangako
kundi ang Pulitika ng Pagbabago.

Sa masusugid na kandidato,
ang Pulitika ng Pagbabago ay binubuo
ng pira-pirasong pako, ilang tabas
ng tabla, hollow blocks, turnilyong
pang-rematse, walang kalawang
na muwelye, yerong hindi tadtad ng butas
upang sa anumang oras
pupuwede itong ipantagpi sa mga sugat
na bumubuka sa mga dingding
na walang palitada, sa malalamig
na sahig na lupa, sa binubukbok na barakilan

nang sa gayon kung tapos na ang halalan
ay madaling maiintindihan ng tao
sakaling ang ikinampanyang pagbabago
ay pareho lamang sa pinalitang pangalan
ng mga eskinitang tinabunan
ng graba o aspalto; O bagong petsa
ng piyesta-opisyal sa kalendaryo;
O tawirang may bagong pahid na kulay
sa mga kalsadang nakamamatay.

Hindi na kapani-panibago, sa isang panig,
kung ang mga pulitiko ay maglalaho
nang mabilis pa sa ipinapatak na tinta
sa ating hintuturo.
Saka lang natin sila muling makikita
kapag may iaabot na abuloy
sa mga binaha, o kung nasa ibang bansa
at ipinangangalandakan ng pahayagan
ang halaga ng kanilang huling hapunan;
Samantalang parang kabag nating idinidighay
sa mahabang hapag ng buntung-hininga
ang lumang pangako ng disenteng pabahay,
gayundin ang iba pang masasamang hanging
tila kalde-kaldero ng panis na kaning
sabay-sabay nating isinusubo
sa miting de avance, o habang nakatunghay
sa mga palatuntunang pantasya at iyakan

sa TV kung tanghali. Ganito naman
ang katuparan ng Pulitika ng Pagbabago
para kay Tandang Osyo:
Sa loob ng giray na kahon
ng tahanang balang-araw ay gaganda raw
kung papalaring maupo sa puwesto
si ganire at si ganitong pulitiko,
tuwing dapithapon ay nagtatagpo dito
ang mga kaibigang hindi niya alam
ang tunay na pakay at pangalan.
Tinuturuan siya ng mga itong
sumulat at magbilang
habang binabalangkas naman
ang plano ng ilulunsad na welga,
o ang larga
ng ipapataw na parusa
sa tinyenteng may malaking utang
na dugo sa masa. Dito rin
sa kaniyang dampa pinaampat at pinahupa
ang kirot ng maraming sugat
mula sa kung saang giyera. Samantala,
gabi-gabing isinasalaysay ng matanda
ang buhay sa pinagmulang lalawigan;
Kumbakit ang kaniyang braso
ay nangalay sa pagpihit ng sagwan
at araro, bagay na lubhang naging inutil
nang mahiwa at maimpeksyon ito
dulot ng maghapong pagkalkal
at paggaod sa dagat
ng basura ng siyudad.

Kung anuman itong pinaggagawang kakuwanan
ng pobreng si Tandang Osyo,
walang ibang makakalap na aral
ang mga miron at pilosopo
maliban dito: Na dapat palang ipagbawal
gumising mula sa pangangarap
ang mga mahihirap.

21 March 2010

KUTSARA

Halaw kay Paul Mariah


Sa kumedor
kanina
may tumira

ng kutsara.
Palibhasa
ang duda

isa sa preso
ang nagbulsa,
parang sugat

ngayong kinakatkat
ang mga gamit
sa selda. Kinakapkap

ng mga bantay
ang kontrabando
na maaaring itago

ng bilanggo.
Mahirap nang makasalisi
baka mahuli

ang pagsisisi
kung ang tusok
ay palihim

na maipasok.
Maraming hindi
mapakali

habang nagdidili-dili
sa ibabaw
ng tarima

kahit alam nila
na di para sa kanila
ang inumit

na kutsara. Ngunit
pasasaan ba
at makikita rin

itong kutsara:
maaari, kunwari,
ginawang singsing

sa daliri
ng magkakosang
bagong-kasal

o di kaya
sa tapat ng puso:
isang nakausling bakal

sa kimpal
ng sariwa, mapulang-
mapulang dugo.

28 February 2010

MIKROPONO

(Halaw sa Last Sunday ni Jose Maria Sison)


Ang matandang kura, isang Linggo nang umaga,
ay nag-usal ng pangaral sa aming lumang kapilya.
Sa tinig na nangangatal ay banal niyang nawika
na mapalad kami sa dilang pinagpala. Si SeƱor Ganire
na sinuwerteng negosyante, pati si Don Ganito

na pilantropong asendero, silang kagalang-galang
at mga totoong Kristiyano, alang-alang
sa kawang-gawa kaya't naririto:
ang ambag sa kapilya, isang bagong mikropono.

Sumakanila ang gantimpala, aniya ng kura,
at kasihan sila nawa ng mas marami pang biyaya
dahil sa wasto ginamit yamang kaloob ng langit
simbahang tahimik, umalingawngaw ang tinig.

Dumadagundong mula sa bulok na kampanaryo
ang sermon at awiting lumulukob sa buong baryo.
Paggunita ito sa nakatatawang pangyayari,
at sa katotohanang pinapangaral ngayon ng pari

na mangyari: huwarang dapat ikarangal ng madla
silang mga santo-santita ng pagwawalang-bahala
habang sa isang banda'y hayag rin niyang kinukutya
ang nauupos na naming pagtitimpi at tiwala.

03 January 2010

LAB AT PERS SAYT

(Halaw kay Wislawa Szymborska)

Na matinding sikdo ng pag-ibig
ang nag-ugnay dito sa dalawang mangingibig --
sa pagpapalagay na ganito
ay pareho silang kumbinsido. Lamang
mas higit yata akong interesado
sa bagay-bagay na di natin sigurado.

Palibhasa kaha-kahapon lang
ay di pa magkakilala, ang akala nila
walang nagaganap sa pagitan
ng bawat isa. Walang kabuluhan
ang mga kalsada,
ang mga pasilyo at hagdanan
dinadaan-daanan lamang nila,
wala silang napupuna.

Kung aking tatanungin
ay ano kayang sasabihin; kung nagkataon
minsan na kaya silang nagsalubong
sa harap ng pintuan? O di kaya’y nagsabi
ng magalang na “excuse me” at "sorry"
sa gitna ng maraming tao; o baka isang tinig
na aburido, umuusal ng “wrong number”
sa telepono. Kahit ano,
ang kanilang sagot ay iisa:
hindi, wala kaming maalala.

Magugulat silang malaman
na sa hinaba-haba ng panahon
kapwa silang pinaglaruan ng pagkakataon.

O baka ang pagkakataon
ay di pa nila noon tadhana. Kung kaya
ang kanilang landas ay niliko
pinaglapit pinaglayo
isa man sa kanila'y walang nakarinig
sa pigil-pigil na hagikgik.
Maaaring may mga tanda at pahiwatig
ngunit dahil walang nakahalata
lahat ay balewala. O baka sa loob
ng tatlong taon
o noon lang nakaraang Martes
isang papel na kakalat-kalat
ang dumapo sa kanilang balikat.
Mayroong bagay na nawala
at muling sumulpot. Isang bolang
kung saan sumuot at nakaligtaan
noon pang kanilang kabataan.

May mga pihitan at seradura na binura
ng isa ang bakas ng kamay ng isa;
o mga bayong at maleta
na di sinasadyang napagtabi
pagdeposito ng kaniya-kaniyang bagahe.
O mga gabing parehas
ang nakitang panaginip, ngunit
hindi nila magunita pagsapit
ng umaga. Ang bawat simula

ay pagpapatuloy.
Walang sinumang nakawawari
sa bagay-bagay
na maaaring mangyari.