02 August 2010

MATAPOS ANG 3 BEER SA PLAZA AGAPITA

-

Nangangapal ang hanging nakaaspile
sa nangangatal na paningin; ang mga ulap,
tila balat na bagong-tuklap, inilalantad
ang sala-salansang lihim
mula sa maagang pagmamanibalang
ng gabi. Sa sandaling ito,
namimiyapis sa upuang katabi
ang isang babaeng kanina ko pa kasalo
sa pagsisid sa lumalalim na oras
dito sa plaza. Parang pagsaid ng bula,
o paglunok ng gumigiyagis na pait
sa kailalim-laliman ng baso, ewan ko
kung anong kalintikan itong nag-udyok
sa akin upang isa-isahin ang mga himutok
at sugat na tinamo namin
mula sa kaniya-kaniyang lakbayin.
Binabaybay ko ang hinagpis
na nakakintal sa kaniyang mata, ngunit wala
akong nabasa maliban sa nagbabanyuhay
niyang tingin. Tumingin ako sa de-palito
kong relo. Napansin kong di na umuusad
ang panahon. Patda ang maiingay na sasakyan
sa kalsada, at tikom ang tibok
ng mga bundok sa napakalayong hilaga.
Muli kong tinitigan ang aking katabi
at tumambad mula sa malamlam
na kindat ng nagmumukmok na liwanag
ang mga sugat niyang
hindi na mapapaampat
ng panahon at serbesa.
Saka kami kapwa nilunok
ng katahimikang di naming maarok.

2 comments:

  1. Kampay...

    Isang dibuho ng kalungkutan.

    ReplyDelete
  2. minsan, pahintulutan mo rin akong isalin sa filipino iyong huli mong tula.

    maraming salamat sa pagdaan, rhea!

    ReplyDelete