06 March 2011

MGA APULITIKAL NA INTELEKTUWAL

(Salin Mula sa Apolitical Intellectuals
ni Otto Rene Castillo)


Darating ang araw
na sisiyasatin
ng karaniwang mamamayan
ang mga apulitikal
na intelektuwal
nitong aking bayan.

May mag-uusisa
sa kanilang ginawa
noong ang bansa
ay nananaghoy,
natutupok
na parang apoy.

Walang magtatanong
sa kanila
hinggil sa bestidang
magagara,
o sa siyestang
pagkahaba-haba
pagkapananghalian;
walang nais umalam
sa baog nilang pakikipagtalo
tungkol sa konsepto
ng kawalan
o sa pamamaraan
ng pagpapayaman.

Walang magtatanong
sa alam nila
tungkol sa mitolohiya
o sa sariling pagkasuklam
sa kanilang karuwagan.
Walang mag-uungkat
sa malabong kahulugan
at malabong paliwanag.

Sa araw na ito, darating
ang karaniwang tao.

Ang mga hindi binanggit
sa kinathang aklat at dalit
ng mga intelektuwal
na apulitikal -- ngunit
sa araw-araw ay
tagapaghatid ng tinapay
at gatas, ng itlog
at tortilya, tagapagmaneho,
tagapag-alaga
ng kanilang hardin
at aso, samakatuwid
ang matapat nilang lingkod --
ang magtatanong
sa kanila nang ganito:

"Sa ngalan
ng walang-wala,
ano ang iyong ginawa
noong kinakailangan
ang pagkalinga?”

Mga apulitikal na intelektuwal
ng aking bayan,
wala kayong mahahagilap
na sagot.

Ang katahimikan
ay mala-buwitre,
inuubos
ang inyong lamang-loob

habang ang kaluluwa
ay nagiging miserable

sa labis-labis niyong hiya
sa inyong sarili.

HALAW KAY MA. LORENA BARROS

(Mula sa They Dwell In Yellow Quiet)


Dilaw ang kulay ng katahimikan
sa tahanan ng mga pobre.
Ang kanilang lampara
ay gawa sa basyong bote
pinasakan ng basahan
at nakapuwesto ngayon
kung saan katamtaman
ang timpla
ng liwanag at dilim.

Dilaw na katahimikan
ang dala ng gabi
sa tahanan ng mga pobre.
Walang maririnig
ni katiting na tili
mula sa mga bata
kahit pa malalim
ang sagpang ng dilim
sa kanilang kinaroroonan
maliban na lang
kung kaharap ang dulang
at pinagtatalunan
ang kakapiranggot na ulam.
'Pag ganito, luhaan
ang matang kumikinang
sa liwanag
na dilaw ang kulay,
bagay kaya di naglulubay
sa pagsaway
ang matatanda
hanggang maawat
ang bawat isa
at magpanumbalik
sa kani-kanilang tahimik
na pagnguya.

Magaan kung humakbang
ang mga paang tumatawid
sa patse-patseng sahig
sa tahanan ng mga pobre.
Walang dabog
na maririnig
walang natatagong galit
kahit matagal nang hukot
ang mga balikat
at halos pumutok
ang ugat sa mukha
at palad, kapwa
ng bata
at medyo may-edad. Sa gabi,
mahigpit na nakasara
ang bintana
sa tahanan ng mga pobre,
gayunman, di nila kailangan
ang bakal na rehas
upang tiyaking
hanggang doon lamang sa labas
ang mas lalo pang pobre.