1.
Namumulaklak ang araw sa alaala
ngayong Linggo nang umaga.
Manibalang na puso ay mapintog na lobo
habang ang oras ay tuwid na nakaupo
sa loob ng kapilya. Ganito pa rin ang tagpo
na dinatnan sa muling pagbisita.
Mahigpit na nakabuhol sa pulso
ang gunita ng nakaraang iniwan.
Malinis at plantsado ang bihis
ng buong Bayan. Ikinakahol ng ispiker
ang hinihikang paanyaya: pansamantalang biyaya
para sa kaluluwa naming nag-aabang
ng pahinga sa walang-katapusang
pagsalakay at pagsuko
sa walang-humpay na pakikipag-away
sa sariling anino. Pamilyar sa isa’t isa
ang binabayubay naming kalbaryo:
ang sebo ng ipinapahid naming pomada
upang dumulas ang gusot
ng naalimpungatang umaga;
ang mutang nakabitin sa hamba ng pangamba
sa magdamag na pagbibilang
ng mga inutang na kaba;
ang sangsang ng mantikang umaanta
na nagpapatabang sa timpla
ng malasadong pag-asa. Sa labas,
sumasagitsit ang pagaspas
ng nakabiting sweeptstakes
at dibidendaso, libangang komiks
at diyaryo, tag-trenta sentimos
kada baso ng pinaghalo-halo
naming uhaw, laway, at buko.
Naririto: ang aming sanduguan,
ang katibayan ng kasunduan
sa pagitan naming mga peregrinong
nagkakakila-kilala sa wangis at baho,
sa dungis na pare-pareho
naming kinakaladkad pabalik dito.
Kung kaya siguro naniniwala sa abiso
ng aleng nagpapaypay
ng insenso: “nasa pagtanggap
ng kahinaan ang kaganapan ng milagro”,
dahilan kumbakit dinadaan
sa pagpikit ang paghahanap
sa di agad matagpuan; sa pag-aantanda
ang paggalugad sa lahat
ng di na namin matandaan.
Ipagpalagay nating pananampalataya,
ipagpalagay nating pagsasanay
lumakad nang nakaluhod; paghihintay
sa muling pagsulpot
ng bali-baling pakpak sa aming likod.
2.
Sa ganitong paraan isinaayos
ang bagay-bagay: Pagkatapos iraos
ang mahabang oras ng paghihilamos
ng lingguhan naming lisya’t kasalanan,
nagaganap ang ganap na katubusan
habang ‘tinataboy kami ng lansangan
palayo ng simbahan. Dito, sa lupa,
ang paraisong takda para sa bata:
de-hatak na trak gawa sa kuping lata;
kapis na sirkerong magilas ang ikid
sa palo-tsina at baras na sinulid;
manok na yumuyugyog sa bawat higit
ng halungkag na itlog yari sa plastik;
bagong pinturang balahibo ng itik,
dilaw, berde, blue at tintang kulay-putik.
Ganitong Linggo at tapos na ang misa,
bago umuwi’y malamang bumisita
sa nakagawiang ruta ng bituka:
Dory’s na walang-paris ang crispy pata;
pusang bola-bola, pirming pambobola
sa aming lahat ni Manong Kuya; maja
blanca’t puto sa palengke ng Susano;
Sarsi’ng mahalumigmig at pan de coco,
laging sadya sa Lagrimas at Toledo.
At kung hindi masyadong nag-aapura
at may kaunting sobra sa subing barya,
sugod nami’y sinusurot na orkestra
hagad ang kabag pagtunghay kina Chichay
at Amay, Dolphy at Nida. Nang maratay
si Tatay at pumait ang aming laway
sa paghalughog ng tugon sa orasyon,
naudlot ang pagparito’t pagparoon
sa kalsada mo na pawang tagatipon
ng tuwang nagkalat sa murang gunita.
Nang tibagin upang gawing talipapa
ang Goldmine, at palagi nang nagmumura
ang tumpok ng nabubulok na basura
sa galising matris ng ‘yong eskinita;
nang bakbakin ang kulay-pulang baldosa
kapalit ng marmol, at di mapigilan
ang biglang-dami ng mall at pamilihang
lumigid sa simbahang naging hingahan
bago huling nakipagbati kay Tatang,
tila lobong pumutok sa aking tangan
ang masasayang saglit ng kabataan.