22 July 2021

PAGLUSONG

(matapos ang “Silence” ni Martin Scorsese)

 

Hindi lumilingon sa pinanggalingan

ang sinumang tinuturuang lumakad

sa tubig. Itinatakda ng kawalan

 

ng pamilyar na maaapakan

ang mahigpit nilang pagkapit

sa hindi nababatid

 

ng karaniwang pananalig. Kamakalawa,

balyenang sumadsad sa maabong pasigan

ang barkong nagluwa sa mga Padre

 

sa bunganga ng Nagasaki. Pareho

ng mga naunang propetang natuto

na umpisang hakbang sa kabanalan

 

ang mismong pagkakanulo sa alaala

ng bayang pinagmulan, wala silang pagpipilian

kundi paniwalaang makakapitan

 

na parang salbabida ang pagdurusa

maging sa katahimikan. Mga disipulong ermitanyo

na nag-ukol ng mahabang panahon

 

sa dilim ng oratoryo, walang laman ngayon

ang kanilang abito kundi nakalibing

na eskapularyo, pahid ng panalangin

 

at linimento, samutsaring yerba at mga buto

na di nila alam kung paano ikakalat

sa dawag na hindi pa nahahalukay

 

ng kamay o araro. Ang kanilang pakay: 

ipayakap sa mga pagano

ang Pangalang hindi nila tiyak

 

kung mailalapat na parang tinapay at himno

sa mga dilang nangungusap

sa wikang walang sinumang

 

nakagagamay gaano. Kung sana ay maituturo

ang pagkilala sa mga senyal

ng nakatambang na sagabal

 

at peligro: ang katekismo ng sukal

na sumusulak sa lalamunang tinatrangkaso;

ang mga banyagang ritwal

 

na nilulutas sa pagsubok at pagpugot

ang pag-uusig ng atraso. Dagat na nahawi

sa gitna ang pahina ng bitbit na Libro

 

de Oraciones. Umilanglang sa hangin 

ang parangal para sa huling klero

na nangaral sa basalyong Hapones.

 

Sa labas ng kasko, nakaabang sa paglusong

ang alinsuwag na along naglilingid sa abiso

ng matatalas na bato.

 

Tulad ng krus na paulit-ulit nilang itatangging

apakan, pinakamabigat buhatin

ang talampakan

 

ganitong kaylayo ng isang hakbang

tuwing tinatawid ang daan

ng malalim na alinlangan.

 

HULING PANGUNGUSAP

 

Ang pinakamahirap intindihin sa lahat ng bagay

tuwing makikipag-usap ako sa iyo

ay kung paano magtatakda ng pananda

para kalkulahin ang layo na dapat tawirin ng salita

 

upang ipaunawa ang lawak at distansya

nitong yakap-yakap nating pag-iisa.

Kung tatayo akong muli sa iyong harap,

at mula sa aking kinaroroonan,

 

sa agwat ng salaming nakaharang

sa isang daigdig nating pagitan,

ay ibulong ko ang payak na pamamaalam

na waring sasaglit ka lamang  

 

sa suking pagbibilhan ng mga halaman,

marinig mo kaya ang aking paglalahad,

ang puspos pa rin ng pag-ibig at pait

na gagawin kong pagtatapat?  

 

Mangyari, tila pahinang paulit-ulit

nang napilas sa maliliit na piraso

ang aking dila, at tulad ng mga paro-parong

namumulaklak sa loob ng bunganga,

 

pansinin mong umusbong sa hangin

habang binibigkas ko nang taimtim

mula sa matagal na pagkakatiklop 

ang mga nagkakapakpak na lungkot.

 

Hindi ako maghihintay ng sagot. Sapat na

ang katahimikang nakahimlay sa talukap

upang ipaalala na wala tayong hinaharap

na maaaring pag-usapan, kundi nakaraang

 

paparating pa lamang. Sa ganitong paraan,

baka ganap nating maunawaan

kumbakit hindi kailanman

magiging magaan ang kulang.

 

Magsisimula ako sa paghingi ng tawad

para sa mga sugat na hinayaang

kumalat sa balat; sa mga hinala

na lumathala sa aligagang ulirat;

 

sa mga bilbil na napaskil sa liblib

na sulok ng bagabag; sa mga libag

na lumimbag sa lalim na di magalugad

ng mababaw na haplos.

 

Patawad para sa pag-aakalang lubos na

ang ating pagpapakilala sa isa’t isa

at ubos na ang mahahagilap na yapos

upang pahupain ang pagpupuyos

 

ng pangungulila. Patawad para sa butil-butil

na pinsala, sa mga taksil

na tula, sa nadiskaril

na pagkakaila. Patawad kung sa kalaunan,

 

hindi natin mapagkasunduan

kung sa paulit-ulit na pagtanggap

ng iba’t ibang sugat ng katawan,

sadyang nadagdagan ba o nabawasan

 

ang ating kabuuan. Anu’t anuman,

laging may nadaragdag na kakapusan;  

kabawasan na walang-katapusan.

Kaya patawad kung nahirati tayo sa pagpasan

 

ng iba’t ibang pangalan ng kapansanan,

ng di-mapalis na galis at galos

na ibinihis upang ilihis ang pagtalos

sa kaniya-kaniyang pagkakanulo.

 

Patawad sa mga dis-oras ng pagbabalatkayo,

sa pagbabaka-sakali na madali

magpanggap na estranghero

na muling pagkakatiwalaan mo

 

ng iyong mga sikreto. Patawad

sa mga naantalang pangako,

sa mga kinaligtaang pag-ako,

sa mga patlang at pagkukulang

 

na ginawang impinito

ng matagalang paglalayo. O baka mainam na lang

kung ganito: kung ikaw muli

ang paparito, at sa ating pagkakatayo

 

hahakbang tayo pabalik sa lumang panahon.

At sa hiram nating pagkakataon,

magkakaroon ng lumang siyudad,

lumang poste at lumang gusali,

 

lumang kalye na may tiangge

ng lumang libro, lumang rekuwerdo,

at lumang kung anu-ano.

May lumang estante ng papel

 

na amoy-pabango. May lumang cafe

na may alpombrang kahel.

May lumang mesa na may rosas

na mantel. At naroon ka, nakaupo

 

mag-isa. Huli ako, maaga ka.

Maagap akong hihingi ng dispensa,

magpapasalamat na, sa kabila ng inip at inis,

pinili mo pa ring manatili at huwag umalis.

 

BANAHAW

 

Palagi, may ibinubulong na lihim na dasal

ang ating balat. At tulad ng aklat

 

na tanging bulag ang may-pahintulot bumuklat,
hayaan mong makapa ng aking daliri

 

ang mga pahina ng bagabag
na di mo kusang ibabahagi.

 

Parang ganito: kapag hiniling mong hagurin
ang pamimitig ng leeg, maaaring ang ibig mong ipahiwatig:
tabunan natin ng kinis ang mga uka ng damdamin
nang sa gayon ay matutop ang malakas na ihip ng hangin
at matutuhan nating huwag maalimpungatan
sa kinakaladkad na gaspang ng lamig at buhangin.

 

Parang ganito: kung ipagpapaalam mong kapain

ang paltos na nakadagan sa balikat

at hulihin ang diin na magbubunyag

sa mga nakatagong pulikat, baka ang gusto mong ipakiusap:

tuklapin natin ang kalyong nakataklob sa kalooban
nang sa gayon ay mahilot nang husto
ang sala-salansang paglilingid
ng ating mga kapansanan.

 

Parang ganito: kung imumungkahi mong ipatong ko
ang mainit na bato sa di-humuhupang pamamaga
ng iyong likod at braso, mangyari, ang tunay mong abiso:
kung paano gawing pabigat ang lahat ng ito
upang di mahipan ang paninindigang
nasa bingit ng pagdidili-dili; o kalso
upang hindi umatras ang pusong nag-aatubiling pumili; o pamukol
sa mga pinakatatago mong pagkakasala; o pamato
sa mga kinaligtaang laro ng iyong pagkabata; o tinapay
na magpapatahimik sa alagwak ng di nabubusog na sikmura.

 

Samakatuwid, kung magtitiwala ka,
sa ganitong paraan tayo maaaring mag-umpisa:
pupulutin ko isa-isa ang hinunos mong balatkayo sa kama
tulad ng kung gaano tayo kahigpit kumapit
sa iba’t ibang anyo ng pakikipagkilala; sa pagdama
sa mga hindi natin nakikita; sa pagyakap
sa alikabok na parati nating dala.

Huwag kang mag-alala: sa pagpunta mo rito,

 

tinitiyak kong hindi mapupuwing ang iyong mata.

 

PAUWI NA

  Kung gaya sana ng istorya ng mahabang baha, isinalaysay sa maikling kabanata   ang puno’t punto ng kuwento -- hindi kung paano ginunaw ng ...