Tandaan: naririto tayo upang magsukat ng agwat.
Hindi tayo ang magtatakda ng tulin at kupad
ng sinumang nasa unahan natin sa paglakad
papunta sa isa’t isa. Di tayo maaaring mag-apura
dahil ito ang magsasanhi upang mabura
ang ating pagtitimpi sa araw-araw na kiskisan
ng sumisikip na uwian. Hindi dapat magbilang
ng dumadalang na sandali
dahil ang maya’t mayang sulyap sa relo
ang siyang inaabangang tiyempo
ng ibang ibig magsingit ng kanilang pagmamadali
sa siksikang bagon na walang konsiderasyon
sa tinutugis nating pagkakataon.
Ngayon, tingnan mo kung paano tumirik ang panahon
ganitong nabibilasa ang pananabik
habang nakapreno ang trapik
at waring hindi kumikitid
ang pagitan ng kinaroroonan mo sa kinaroroonan ko.
Kahit hindi ako humakbang palayo
sa bus na walang-katapusang
pinupuno. Kahit hindi ka umatras palabas
sa karwaheng walang puwang
maging para sa bagaheng di mailapag
ng kalooban mo. Mamaya ikukuwento ko
kung gaano kahirap tanggaping hahantong din
sa kabiguan ang lahat ng pagtatangkang labagin
ang kinasanayang galaw ng mundo
ganitong, paminsan-minsan, ay nalilimutan kong
hindi palaging ikaw at ako
ang umiiral nitong sentro.
--
Mistula tayong dalawang puwersa
na naghahatakan palapit sa bawat isa.
At sa wakas, ngayong magkaharap na tayo
natuklasan nating kulang pala
ang lakas na naglunsad sa atin patungo rito
upang mapunan nang ganap
ang kaylawak pang espasyo.
Sa ating pagitan, nakalapag ang buong mundo
na sinisilip natin sa loob
ng sari-sariling selepono:
ang mga inuwing alalahanin
at trabaho; mga paalala
ng iinuming suplemento;
bilang ng hakbang na balak balikan
ngunit di makukumpleto;
liham na nag-aabang ng ating kibit-balikat;
tibok ng bagot habang pinanonood
ang yugto-yugtong pagsisiwalat
ng lahat ng malaon nang tinanggap
na kaiba sa ibig nating maganap.
Hindi ka pupuwesto sa aking tabi.
Mamamagitan ang bigat ng salitang
hindi natin masabi, ang mga pag-amin na nilimot
at nilumot na pasintabi.
Hindi mo dadamitan ng serbilyeta
ang panginginig ng serbesa. Hindi mo ipapatong
ang iyong kamay sa mesa.
Mananatili silang nakahalukipkip
sa pagitan ng iyong hita
na wari bang may hawak kang sugat
na ayaw mong ipakita.
--
Malimit nating pinagtatalunan
kung ang timbang ba ng pagmamahal
ay masusukat sa paghahanap
ng anumang hindi magtatagal
at masisira rin sa kalaunan.
Kunwari: kinasanayang paggamit
sa iisang tasa ng tubig
gayong batid nating nagkakalamat
ang anumang katagalang lumalapat
sa papalit-palit na halik
ng lamig at init; o pagbabalik sa kinalakhang silid
na handa mong iwan oras matutuhan
ang pagtawid sa mga panibagong hanggahan;
o isang komportableng puwesto ng katawan
na pangangahasang idiin sa higaan
kahit alam mong babangon ka maya-maya rin lamang
pauwi sa kaylayo-layo pang patutunguhan.
Kumbakit lagi nating tinatantiya ang bigat ng bagay
sa pagtatakda ng katumbas na halaga
batay sa humigit-kumulang ng maiiwang kawalan
sa sandaling pumaram at di na nahahawakan.
Ang diyametro ng buwan ay sinukat ng sinaunang nilalang
gamit ang bahid nitong anino sa alikabok.
Ang lalim ng lungkot ay pawang malulurok
sa timbang ng luhang pinapahid natin
bago pa man mahulog.
Ang katapatan ng damdamin ay sinasalamin
ng di-mabigkas at nililihim na pag-amin.
Ang kaganapan ng paglisan ay karaniwang pinagsasaluhan
ng isang hindi dumating at isang hindi nagpaalam.
Nang magpasya kang iwan
ang lahat ng sugat na ayaw nating
bigyan ng katuwiran, sa pag-aapurang
lumayo, nakalimutan mo
na namang isara ang pinto.