07 February 2012

BAGO MATULOG

-

Dumadalas ang oras na kayhirap matagpuan
ang mga lingid na landas tungo sa kanya-
kanya nating katawan. Malimit naiisip ko,
baka habang tumatagal ay hindi talaga
maiiwasan ang ganitong pagsasatubig ng balat,
bagay kumbakit ang mga dati-rati nang hugis,
kinis at sukat, o ang maririing gaspang
na gumugunita sa dakong pinagguhitan
minsan ng mga sugat -- lahat ng ito ay nalulusaw
kahit sa pinakamababaw na paggalugad
at pagbabaka-sakali ng palad. Halimbawa
sa gabi, habang nakasalansan ang alinlangan
gaya ng matitigas na unan na di natin namalayang
namagitan na sa ating tabi, ipinagpapalagay mo
na diyan sa masisikip na butas at puwang ng punda
madalas kong ikubli palayo sa iyo
ang aking kaluluwa, dahilan kung kaya
sa pagmamadali ko palagi umalis
ng kama sa umaga, huli na bago ko maalala
na nakakalimuta ko 'tong isama. O minsan,
kung abala sa binabasang tula, walang-babala
mong ilalapag sa dibdib ko ang iyong daliri,
saka itatanong ang hinggil sa mga bahagi
kung saan matatagpuan ang mga palatandaan
na pupuwedeng maghatid sa iyo pabalik
sa nawaglit nating daanan. Na sasagutin ko
ng tungkol sa mga anino, at iba pang bagay
na gayong alam nating naririto
ay di pa rin mahawak-hawakan nang buo.
Dahil batid mong paulit-ulit nang ganito
ang aking sinasabi, muli tatayo ka
upang buksan ang mahinang tv, o apurang ililipat
ang pahina ng aklat na dala mo parati. Mangyari,
mayroon ka talagang hinahanap. Isang gusot o tiklop,
isang tupi ng papel na nagbibigay-tanda
sa kinaroroonan ng mabulaklak na prosa, isang kabanata
na alam mong baka sa guni-guni,
sa guni-guni mo lamang dati pa nabasa.

30 August 2011

KIYAW-KIYAW

-

1.
Luha, kung mahapdi’t malalim
siya pa ‘tong malimit ilihim.
Ang tipong mabilis umapaw
ay ‘yong malabnaw at mababaw.

Parang etsas, ‘pag grabeng tigas
pihadong mahirap ilabas.
Kung basa naman at malambot
sumasama kahit sa utot.



2. Sa Lalakeng Mag-aasawa
(Halaw kay Ogden Nash)


Sa ganito matatamo
ang pagsasamang matino:
‘Wag mag-atubili
umamin sa mali.
At kung ikaw ang tama --
isara ang bunganga.

31 July 2011

TUNGKOL SA MABIBIGAT NA BAGAY

-

May kanya-kanya tayong pamamaraan
sa pagsukat ng bigat.

Mariing hatak ng grabedad
na nagpapapirmi sa ating pagtahak
sa lupa: maaaring natutunan mo
na ang bigat ay mababaw na sugat
sa talampakan noong nagsisimula
ka pa lang humakbang at gumala; o di kaya
isang umalsang bukol sa bumbunan,
galos sa palad, hampas
ng sinturon at bahagyang pilat
sa balat na karaniwan na
nating pinagwawalang-bahala.
Katunayan, ang ating balat
ay talaan ng nagdaraang bigat.
Ngunit dahil napupunit
ang sala-salansang kalyo
nang mas mabilis pa sa pagpapalit-
pahina ng kalendaryo, bagay ito
kaya malimit nakakaligtaan
sa pana-panahon ang iniiwang palatandaan
ng bigat na dumadagan
sa ating katawan.

Sa paglipas ng taon,
ang bigat ay inaanunsiyo
ng di maiangat na talukap
paggising sa umaga.

Mula unang buhos ng tubig
hanggang huling kaskas
ng sepilyo, mabigat ang katawang
matamlay nating kinakaladkad
pababa ng hagdanan, papasok-
palabas sa masikip na banyo.

Mabigat ang mga daliring umaapuhap
sa di-mapagpantay na butas
at butones ng polo.

Mabigat ang kapeng
di pa rin nababawasan
mula sa tuklap na labi
ng lumalamig na puswelo.

Mabigat ang lagitik
ng sandali, lalo ngayong
pareho tayong nagmamadali.
Kamo’y huli ka na sa klase.

Sa labas ng bahay,
mabigat ang lagda ng ulan
sa iyong payong at kapote.

Nagkataong mabagal ang usad
ng ating sinasakyan.
Mabigat ang trapik
ayon sa balitang dinatnan.

Madalas naiisip ko
kumbakit waring di na gumagaan
ang mga bagay-bagay
na dati-rati nang pasan.
Mapapatingin na lang ako sa iyo
sa loob ng sasakyan,
malamang ginawa mo ulit sandalan
ng himbing na ulo
ang balikat ko. Mapapangiti ako.
Para namang may magagawa ako.

Pagdating sa eskuwela,
iaabot ko pabalik
ang mabigat na bag
na ugali mong ipabitbit
tuwing umaga. Tatalikod ka.
Kakapain ko ang gusot na iniwan
ng ‘yong bag at ulo
sa aking manggas at balikat.
Dito muna ako. Mag-isa. Nagtataka
kumbakit sa pagkakataong ito pa
madalas kong maramdaman
ang di mabuhat-buhat na bigat.

26 June 2011

HALAW KAY OGDEN NASH

(Mula sa I’m Sure She Said Six Thirty)

Ang pinakamahirap ipaliwanag sa lahat ng bagay
ay ang paliwanag sa ‘yong pagtambay-tambay.
Sinumang nakatayo nang solo ay kahina-hinala,
maski pa ang paring lolo doon sa aming parokya.
Isipin na lang ang isang di gagawa ng matino,
dahil wala siyang maisip na prente o balatkayo
habang nakatambay sa kanto, ano sa palagay mo
ang gagawin niya ‘pag tinanong nang ganito:
Ikaw ba, casanova, ay kilabot na manyakis,
salot ng mga bebot, pero di makaalis
diyan sa kinasasangkutan mong gusot.
Ay, ano naman kaya ang iyong palusot
sakaling makuwestiyon ni sarhento
sa dudang titirahin mo ang kaha de yero
at pihadong kahon mo na ang katapat na bangko.
Makukuha mo pa bang tumingin nang diretso
halimbawa’y isa ka ngang mandurukot o karnaper
o amuyong na armado ng icepick o calibre
paltik de 38, matiyagang nag-aabang
sa malamok na sulok, hindi magdadalawang-
isip na manutok, magbigay ng leksyon
sa sinumang pumalag na maghatag ng cellphone,
pera, at susi ng kotse. At kung may magtanong
sa ‘yo, pare, kung ano ang ginagawa mo doon,
naisip mo bang magtago na lang sa ilalim ng lupa
o di kaya
maglabas ng tusok o magkasa ng boga.
Ang kaso, Kosa,
wala kang dahilan para mataranta o mahiya.
Palagi lamang tandaan ang alibi
ng bawat taong tumatambay
nang sobra dalawang oras.
At sa boses na para talagang minalas
pero di naiinis,
sabihin mo, “tsip, inaantay ko lang po dumating si misis”.

07 May 2011

untitled #1

-

Baluktot na kalaykay
ang kanilang kamay.
Sumasalakay ito ngayon
kung saan naroroon

ang mausok na tumpok
ng prutas na bulok, yuping lata
ng gatas, nilalangaw na karton,
plastik at bote. ‘Paris din

ng pagbubungkal ng kamote
ng inang naiwan
doon sa Leyte. Bawat araw,
tuwing alas-diyes,

lumulusob ang kamay niyang
walang suot na guwantes
sa tuyot na lupa, sa lilim ng init
na sintalim ng luha.

Kung may puntong mahihinuha
sa ganitong pangyayari,
mangyari itinuturo nila:
Na makikilala ang ina

sa pagkilala
kung ano ang anak,
gayundin, kung nais unawain
ang pinakamalalim na lihim

ng supling, babalik at babalik ka
sa kung ano ang ina. Kumbaga,
kahit sa nilayo-layo,
ng pagpapakalayo

sa pinagmulan,
ang pusod, samakatuwid,
kailanman
hindi napapatid!

03 April 2011

MULI, ANG MGA BATA

-

Sa karaniwang kalakaran, sila ang paksa
ng aking malungkuting katha, mga bata
na sa kung anupamang tagilid na kumpas
ng kapalaran, ay waring di lumalaki
nang tuwid, madungis at bungi,
tumatawid palagi
sa pagitan ng pisngi at leeg
ang sinu-sinulid ng libag
at natuyong laway. At lalo
kung napapasabak sa away
mapa-mainit, mapa-malamig ang panahon,
ipinagtataka ko pa rin hanggang ngayon
kumbakit parang hindi sila
nauubusan ng sipon.

Nitong umaga, nasalubong ko sila
habang naglalaro ng tumbang preso
sa ginagalos na kalsada. Magaralgal
ang kanilang kantiyawan, gayong pasado
alas-otso, at walang busal panigurado
kahit impis na pandesal o biskotso
ang sikmura nilang nag-aalboroto
nang, bigla, ay mapansin nila
ako, naglalakad nang solo, kala-kaladkad
ang ga-daigdig na bigat ng magdamag
na di na naman mapakali at dilat. At
walang pasabi o abiso, tinawag nila ako
sa pangalang naaalala lamang natin
tuwing magpa-Pasko. Ewan ko
kung ano ang nag-udyok sa kanilang tawanan;
dahil ba sa aking balbas o lumalaking tiyan,
di na importante ang dahilan,
basta’t sa loob-loob ko noo’y palaisipan
kung paano nakikita nitong mga bata
ang Pasko sa ganitong kalintikan.

Sa FX kanina, kaharap ang mag-ina
samantalang mag-iisang oras nang tulala
ang nakaparadang trapik sa abenida,
pinipilit ko magbasa ng tula, nang bigla --
“Mommy o, si Santa” sabay turo
sa akin ng bata. Ewan ko
kung bakit pati ba naman dito;
dahil ba sa aking balbas o lumalaking tiyan,
di na importante ang dahilan,
basta't pigil ang sariling halakhak,
mabilis na dinakma ng ina
ang nakatuong hintuturo
ng anak. At
komo nagulat,
kumbaga
napalakas yata
ang bigwas
maya-maya pa'y umawas
ang luha, umapaw
ang palahaw
sa sinasakyan naming ayaw
gumalaw. Nabulahaw
ang ibang pasahero. Tinodo
ng drayber ang bolyum ng radyo.
Napatingin ako sa ubod-nang-layo.
Nakaganti rin ako,
sa loob-loob ko.

06 March 2011

MGA APULITIKAL NA INTELEKTUWAL

(Salin Mula sa Apolitical Intellectuals
ni Otto Rene Castillo)


Darating ang araw
na sisiyasatin
ng karaniwang mamamayan
ang mga apulitikal
na intelektuwal
nitong aking bayan.

May mag-uusisa
sa kanilang ginawa
noong ang bansa
ay nananaghoy,
natutupok
na parang apoy.

Walang magtatanong
sa kanila
hinggil sa bestidang
magagara,
o sa siyestang
pagkahaba-haba
pagkapananghalian;
walang nais umalam
sa baog nilang pakikipagtalo
tungkol sa konsepto
ng kawalan
o sa pamamaraan
ng pagpapayaman.

Walang magtatanong
sa alam nila
tungkol sa mitolohiya
o sa sariling pagkasuklam
sa kanilang karuwagan.
Walang mag-uungkat
sa malabong kahulugan
at malabong paliwanag.

Sa araw na ito, darating
ang karaniwang tao.

Ang mga hindi binanggit
sa kinathang aklat at dalit
ng mga intelektuwal
na apulitikal -- ngunit
sa araw-araw ay
tagapaghatid ng tinapay
at gatas, ng itlog
at tortilya, tagapagmaneho,
tagapag-alaga
ng kanilang hardin
at aso, samakatuwid
ang matapat nilang lingkod --
ang magtatanong
sa kanila nang ganito:

"Sa ngalan
ng walang-wala,
ano ang iyong ginawa
noong kinakailangan
ang pagkalinga?”

Mga apulitikal na intelektuwal
ng aking bayan,
wala kayong mahahagilap
na sagot.

Ang katahimikan
ay mala-buwitre,
inuubos
ang inyong lamang-loob

habang ang kaluluwa
ay nagiging miserable

sa labis-labis niyong hiya
sa inyong sarili.

HALAW KAY MA. LORENA BARROS

(Mula sa They Dwell In Yellow Quiet)


Dilaw ang kulay ng katahimikan
sa tahanan ng mga pobre.
Ang kanilang gasera
ay gawa sa basyong bote,
pinasakan ng basahan
at nakapuwesto ngayon
kung saan katamtaman
ang timpla
ng liwanag at dilim.

Dilaw na katahimikan
ang dala ng gabi
sa tahanan ng mga pobre.
Walang maririnig
ni katiting na ingit
mula sa mga bata
kahit pa madiin ang suntok
ng dilim sa sulok
kung saan sila
madalas nakaumpok --
maliban na lamang
sa harap ng dulang
at pare-pareho silang nagtatalo
kung para kanino
ang kakapiranggot na ulam.
'Pag ganito, kumikinang
ang mga matang luhaan
sa liwanag
na dilaw ang kulay,
bagay naman
kaya di naglulubay
sa pagsaway ang matatanda
hanggang magpanumbalik
ang bawat isa
sa kani-kanilang
tahimik na pagnguya.

Magaan kung humakbang
ang mga paang tumatawid
sa patse-patseng sahig
sa tahanan ng mga pobre.
Walang impit
na galit, o dabog
na maririnig
kahit matagal nang hukot
ang mga balikat
at halos pumutok
ang ugat
sa mukha at palad
kapwa ng bata
at medyo may-edad. Sa gabi,
isinasara nang maigi
ang bintana
sa tahanan ng mga pobre.
Gayunman, di nila kailangan
ang bakal na rehas
upang tiyaking hanggang
doon lamang sa labas
ang mas lalo pang pobre.

20 February 2011

HALAW KAY CHARLES BUKOWSKI

-

Umiikot ang tingin
sa madaling
sabi, lasing
o medyo nakainom
ngayong alas tres
nang umaga
sandosenang pahina
ng tula
na yata
ang namamakinilya
heto, nag-iisa, gurang
at parang mabubuwang
kapapantasya
sa mga dalaga
ganitong nasa lilim
ng aking takipsilim
ang atay
nakaratay
ang bato
nagdedelikado
nanlulupaypay
ang lapay
kahit paa
inaalipunga
at agad
hina-highblood
pag naaalala
ang oras
na winaldas
lalo ngayon
walang katabi
habang nagpupuyat
sa TV
kung gabi
kung mamalasin
malamang bangungutin
dahil mag-isa
isang linggo muna
magpapasasa
ang mga pusa
sa anumang naiwan
sa katawan
bago pumarada
sa tapat
ang ambulansiya
habang walang-puknat
ang banat
ni Matt
Monro sa stereo
dati ko nang sinumpa
ang pagkatha
ng tula
tungkol sa pagtanda
pero kuwela
naman pala
kaya heto,
pahintulutan mo
muna ako, ako
na kaytagal nang gastado
pero di pa rin plastado
ngayong alas tres
nang umaga
kailangang ubusin pa
ang natitirang beer
sa pridyider
kailangang hugutin
ang manuskrito
sa makinilya
magsubo
ng panibago
makipagtalik
sa sariwang kaputian
ng papel
na blangko
malay mo
baka palarin
makatsamba
kahit isa, una
para muna
sa akin
at susunod
siguro
para sa iyo.

19 February 2011

SA LOOB NG KANIYANG BAHAY, ISANG TAGABITAY

(Halaw kay Carl Sandburg)


Ano kaya ang nasasaisip ng isang tagabitay
pagkagaling trabaho, diretso sa kaniyang bahay?
Sa mesa, kasama ang anak at asawa, kaharap
ang bagong-saing na dinorado, galunggong at itlog
na sarsyado, kinukumusta kaya ng mga ito
ang kaniyang maghapon, kung di ba nagkaroon
ng aberya kaninang may ginarote siya
sa plasa? O iniiwasan nila ang ganitong paksa
at mas ibig nilang pag-usapan ang pulitika
at pelikula, ang pinakahuling balita
ng reporter na bakla, ang sobra-sobrang
alinsangan ng klima? Kung sakali,meron bang
pumapansin sa kaniyang daliri at palad
tuwing dumadakma sa bandehado ng salad?
Tuwing maglalambing ang tsikiting
at lalapit, sabay yaya sa amang maglaro sila
ng luksong-lubid, nagagawa ba niyang sumagot
nang pabiro – Anak, katunaya'y di mabilang
ang lubid na ibinuhol ko sa leeg
ng kung sinu-sino. O meron bang gumuguhit
na tuwa sa kaniyang mukha,
naiisip niya kung gaano kahalaga
manatiling humihinga. O sakaling abutan niya
ang buwang tumatagos sa loob ng bintana,
habang payapang umaagos ang puting liwanag
sa bumbunan at tenga ng bunsong himbing
na himbing sa papag, may kung anu-ano
kayang bumabagabag – dito sa ating berdugo –
wala sa tingin ko. Ang ganitong mga bagay
ay magaan lamang para sa isang tagabitay.
Kunsabagay, lahat dapat ng bagay
ay magaan lamang para sa isang tagabitay.

23 January 2011

ANG PAYASO

(Halaw kay Shel Silverstein)

Ito ang kuwento ni Ponsong Payaso:
Sa lahat ng payaso, siya ang seryoso.
Suot niyang sapatos ay maluwang sa paa
pero hindi, hindi nakakatawa.

Torotot niya ay sintunado;
sangkaterba ang kaniyang lobo;
kulay-berde ang alagang aso.
Ang kaso

kahit anong bira nitong damulag,
wala silang bilib dito kay kumag.
Nakakaimbyerna ang kaniyang linya;
walang katorya-torya ang kaniyang istorya.

Tuwing tatambling siya o sisirko
'Tulog mo ‘yan, pare ko,
ang sigaw ng tao, o sila na mismo
ang napapahikab

sa grabeng antok. Dahil walang talab
ang kaniyang pautot, si Ponso,
sa madaling sabi
ay namulubi.

At komo hindi siya nakakatawa
minsa'y kinumpisal niya
kumbakit hindi siya nakakatawa;
kung gaano kalalim ang sikretong problema

ang lamig, ang dilim, ang ulan,
ang mga lamat sa kaniyang kalooban.
At nang matapos ang salaysay ng pobre,
Naiyak ba sila? Hindi!

Sa halip, tumawa ang buong paligid
hanggang dumugo ang kanilang gilagid
hanggang mapunit ang lahat ng kamiseta
sa katatawa

nang katatawa
mula gabi hanggang umaga,
hanggang kumalat
at umabot sa malayong siyudad,

lagpas sa bundok at karagatan
tungo sa mga pook na di pa napuntahan.
Hanggang ang buong mundo ay kinabag,
nautot ang buong mundo sa tindi ng kabag

habang itong si Ponso, mag-isang nakatayo,
lulugu-lugong nakatungo at mukhang kulugo,
Ano'ng kalintikan ito, ‘ika niya –
ang kabalbalang ito’y malaking disgrasya.

Sa pagluha ni Ponso ay walang pumansin,
ni walang pag-along alok ang hangin.

30 December 2010

ANG KUTONG LUPA

(Halaw kay Shel Silverstein)

Duwende
na sinlaki
ng kalahating
daliri,
pagpasok
sa klase
ang karwahe
hatak
ng bulate.

Sangwisik
na luha
mula
sa dagang iyakin,
swimming pool na
na ubod
nang lalim.

Ang tanong ba
kung makakaporma
'pag humara-humara
sa kalsada
ang huramentadong
garapata?

Kasya
ang katawan
sa ilalim
ng pintuan
pero sobra
isang buwan
bago marating
ang tindahan.

Piging
sa isang linggo
ang katiting
na biskotso.
Sumbrero
kung umulan
ang maliit
na tansan.

Ala-tarsan
na pagtulay
sa laway
ng gagamba,
di 'yan ubra
kung iba
ang titira.

Lumilipad
na karpet
ang balat
ng tsiklet.
Yakap ko
ang hinlalaki,
yakap ko na
buong babae.

At
sapagkat
walang gamit
na mas maliit
sa akin,
simpleng bolpen,
isang magdamag
dapat
bago mabuhat.

Itong tulang 'to,
sa totoo,
sampung taon
kinumpleto.
Pero mas grabe
sa aksidente
ng di paglaki
ito --
sa buong mundo,
kanino,
duktor man
o albularyo,
maaari

magpatule?

21 November 2010

MGA PAMILYAR NA SUGAT

-

Sa sugat nagmula kaya sa sugat din ang punta.
Ito ang taimtim naming kumpisal, O Ama; isang pagsasakdal
na nagsasadlak sa panghabambuhay na sentensiya
ng pagpapabalik-balik sa mga gastado at saulado nang ruta
sa ugating balat ng tumatanda mong lupa. Ito, kami, sa iyong
tanghaling-tapat. Mangyari, banayad mo ngayong pinasusulak
ang lahat ng kaloob mong sugat: magmula sa mga lansangan,
hanggang sa bitak ng aspalto, sa natutungkab na kongkretong
nakadagan sa lumalapot na alingasaw ng mga imburnal,
baradong agos ng sipuning kanal, burak at iba pang paltos
na maingat naming ibinuburda sa antigong balat
ng aming mga kalsada. Ama ko, ipagtatapat ko,
na sa ganitong pag-uungkat ng mga nakatagong hiwa
nagsisimula ang aming pag-unawa sa pangkaraniwang kirot.
Uumpisahan ko, halimbawa, sa paghuhubad ng aming suot
na sapatos. Ganito ang kinasanayang pagsasanay
sa pagtuklas kung gaano kalayo ang maaaring marating
sakaling walang hanggan ang takdang saan
ng pasan-pasan naming damdamin: Na tanging ibig sabihin,
oras mapudpod ang suwelas ng puso, at manuot sa malay
ang nagtututong na init ng aspaltong kanina pa kumakayod
sa talampakan naming nangangalay – mangyari ito ang hudyat
ng aming paghinto, nangangamba sa kawalan ng pangalan
para sa bagay-bagay na pupuwedeng maapakan
sakaling magpatuloy sa tinutungo. Sa ganiyang paraan
nagsisimula ang mababaw na sugat ng aming alinlangan.
Samantala, kung hahayaan naming maging giya
ang kapwa-bulag naming pananampalataya
habang binabaybay nang paluhod ang isang mundong agwat
mula liwasan, papasok sa katedral ng de-takal naming paniniwala,
baka hindi rin maikaila na sa kabila ng iyong salita,
mas madalas kaming ipagkanulo ng mababaw na pananalig
sa ibang kasa-kasabay rin naming tumatawid
sa mahabang alas-dose ng aming pagbabaka-sakali:
tindera ng butil-butil at de-botelyang kontra-aksidente;
maglalako ng de-bateryang turumpo at pamatay-peste;
tagahabi ng kuwintas at kunwa-kunwariang alahas; piratang
tagabahagi ng magkakahawig na trahedyang nagkakatalo parati
sa antas ng labo at haba. Papunta dito, makukuwenta mo
kung gaano kamura matatawaran ang pakikipagkapwa,
lamang sa tatlo-isandaang halaga, kumbakit laging may gasgas
ang ibinabayad naming tiwala. Ito ang tinatawag
na palagiang sugat ng hinala. At kung susulong pa kami
palusong sa nilalangaw na matris na tagapagluwal
ng iba pang mababahong sugat at galis ng abenida,
malamang datnan namin ang mag-inang nakasalampak
sa baha-bahagdang hantungan ng basurang winawalis namin
buhat sa kalsada. Kung pipilitin naming kapain para sa kanila
ang nagsasabubog na luha ng kalooban, at isiping
tanging sa ganitong pagpapalalim ng sugat at uka
makakamtan ang pagpapala at katubusan, malamang
maubusan kami ng isasanglang awa, dahil dito sa siyudad
kulang ang habag na kayang iambag ng buong daigdig
upang punuin ang isang maliit na basong plastik:
Ito, O Ama, ang itsura ng sugat naming pabalik-balik,
sapagkat kailanman ay hinding-hindi siguro namin mababatid
kung paano mapapaampat ng impis na tinapay
ang paulit-ulit na pagdurugo ng aming bunganga,
o kung sa anong paraan mapapamanhid ng isda
ang salubsob sa loob ng humihilab naming bituka,
o kung kailan mapapalis ng alak ang nanunuot na ginaw
sa nakahalukipkip naming pandama --- Gayunman, ituro mo
kung paano tuklapin ang sala-salansang balatkayo
nang sa gayon ay maramdaman ng aming balat
ang lalim at lawak ng bawat di-mapahupang pagdanak.
Akayin mo ang aming hakbang pauwi sa katahimikan
ng bakanteng silid, upang doon, sa panahong tinatastas
ng daliri ang langib ng nililingid naming pagkukunwari
ay makilala namin ang tigas at gaspang
ng di-humuhulas na uhaw sa iyong lalamunan,
ang di-natutuyong kirot sa iyong palad at tagiliran,
ang di masukat-masukat na lalim ng nakakoronang tinik
sa iyong bumbunan. Ito lamang, O Ama, sa iyong pangalan,
hanggang mapawi ang aming alinlangan -- ang lahat-lahat
ng aming alinlangan -- pagkapa na pagkapa
sa mga sugat mo na maaari naming hawakan.

31 October 2010

TODOS LOS SANTOS

-

Napakadaling isilid palayo sa isip
ang mga bagay-bagay. Parang ganito:
kahit pa ulit-ulitin natin ang pagparito
sa pagbabaka-sakaling matunton
ang bawat lihim na liko at lagusan
sa nilulumot na katakumbang
inukit nating pareho sa ating puso -–
mangyari, bago pa man maidugtong
ang mga nailubid na kataga
upang magbigay-tanda sa mga bulwagan
na dati nang natuluyan, gayundin
sa mga silid na pakiwari natin
ay ngayon pa lang napuntahan,
malamang mawala tayo, o di kaya
ay mabulid sa pagkalibang, bagay
kaya hindi natin matagpuan
ang mga puwang, o ang pinakamalalim
na kabuluhan ng katahimikan
hanggang kapwa tayo maubusan
ng salita at pangalan
para sa uusbong na panibago
na namang kalungkutan. O minsan,
sa mga umaga, pagkagaling mo
sa kinasanayang pamimitas
ng kung anupaman ang nalabi
mula sa pagtatapat na hindi mo nabigkas
noong nakaraang gabi, maingat
mong isasaayos ang mga salita
sang-ayon sa tingkad o dilim
ng bawat letra, tulad ng mga bulaklak
na masinsing isinalansan
sa loob ng plorera. Ngunit sa halip
na iabot ito sa akin, muli, pipiliin
mong ilingid ang mga talulot
kung saan walang makakakita,
kung saan walang lapida at kandila
ang ipinapatak mong luha. Gabi-gabi
ay paulit-ulit tayong pumaparito
sa ating labirinto. Dinaratnan natin
ang mga dati-rati nang kalat: upos
ng sigarilyo, tiket sa bus, di natapos
na hapunan, bote ng serbesa, dawag
ng damuhang nagkukubli sa ating daan
pauwi. Gabi-gabi, paghimlay
ng huli mong mensahe sa kabaong
ng aking telepono, batid ko agad
ang sinasaad nito: na di mag-isang
kinakabig ng mga nitso
palapit sa bawat isa ang isla-
isla nilang sikreto, dahilan kumbakit
lumipas man ang habampanahon
ang malaking kontinenteng bato
ay hinding-hindi mabubuo. Wika mo,
dahil dito, kung kaya ang sandali
ay kailangang magtapos parati
sa ganito: lalabas ako sa iyong pinto,
isusukli mo ang ngiting taglay ang lamig
ng sambuong sementeryo.
Habang ang Langib na maiiwan
sa ating hangganan
tuwing pababa ako
sa iyong hagdanan, 'kamo iyan
ang pinakamagaspang sa lahat
ng Dalampasigan; Samantalang
ang humihikab na Sugat
sa ating harap, iyan naman
ang pinakamalalim na Dagat.
Maliban dito, ang iba pang bagay
na nakakalat sa ating pagitan
ay pawang mga bagay
na limot na natin
kung ano ang pangalan.

01 September 2010

TIPO KONG BEBOT

(Halaw kay Paul Curtis)


Ang tipo kong bebot
ay di umuutot
nang ubod nang bantot
at parang torotot.
Mahinhing buntung-hininga
ang singaw ng bituka;
hangin, kung mangamoy-kubeta
aba'y sinong magsususpetsa?

Ang tipo kong babae ay
ganito kung dumighay:
di parang asong nanganganay,
tahimik siya't patay-
malisyang nakatakip
ang palad sa bibig,
kumbaga'y kakilig-kilig
ang huning 'pinaririnig.

Anumang tining ng init
pawis ay di kumakapit
sa manggas at singit-singit
ng bestidang gamit-gamit.
Walang kinukubli
o lihim na di masabi,
ang tipo kong binibini
tuyo palagi’ng kili-kili.

'Pag habang nasa kalsada
ay mahulog sa bangketa
tatawa lamang siya,
walang aberya o disgrasya.
Walang kabastusang
lalabas sa lalamunan --
kung magmura’y sa isip lang
itong tipo kong paraluman.

Di kaya bunga lang ng guni-guni
itong aking pinagsasabi.
Mangyari kasi
ang babae
‘pag nautot nang aksidente
sa kabag isisisi.
Kung dighay-bulkan
ay di mapigilan
paliwanag diyan:
di siya natunawan.
Kung di maiwasan
pagpawisan
panahon naman
ang may-kasalanan.
Tuwing napapamura
ng malulutong na “punyeta”
sasabihin niya, bakit ba
kasi kita nakilala?

15 August 2010

TANAWIN MULA SA LOOB

-

Tatlong paslit ang nangangaroling
sa tapat ng isang lumang klinik
sa Crossing. Ang kanilang mukha
ay simputla ng tulog na mantika,
titig-kandila naman ang mga matang
waring kanina pa nagmamasid
sa anumang bagay na tumitibok
sa paligid -- ang tanawing
ito ang siyang naghatid
sa aking tingin mula sa labas,
pabalik sa tinutunghayang TV
sa loob ng bus. Magandang Gabi
Bayan, sambit ng palabas.
Dahilang hindi ko naman masakyan
kung ano ang ikinaganda ng ganito
para sa bayan, heto't nakabalandra
sa balita: isang bata, walang buhay
nang pulutin sa gilid ng highway
isang linggo na ang nakaraan.
Ang maliit niyang katawan
ay magaspang na pilat sa kalsadang
bagong-semento. Sa panayam,
isang kamag-anak ang nagkuwento
tungkol sa nalalapit nang kaarawan
ng pamangkin. Mangyari, itinuturo niya
na pupuwede palang sukatin
ang lawak ng kalungkutang
hindi pa dumarating sa atin. Sanhi nito
kaya siguro minarapat dalhin
ng tagapag-ulat sa aming pansin
ang eksena sa loob ng burol:
Nakapalamuti sa likod ng ataul
ang mga regalo, kartong torotot
at sumbrero, handang spaghetti,
biko at manok na pinirito.
Umiilanglang sa ere
ang sintunadong Happy Birthday,
inaawit ng mga nakikiramay
at walang malay ngayong kuhang-kuha
sa harap ng video. Bawat patak ng luha
ay simpintog ng lobo.

Muli, pagsilip ko sa bintana,
nagsisimula nang pumarada
ang magagaslaw na ilaw
sa abenida. Malayo sa panglaw
ng nakatanglaw na trahedya
ang patay-sinding bumbilya
ng parol sa poste. Sa lilim nito,
mas maraming bata ang naglalaro
sa kalye, may nakikipagkarera
sa trapik na di makatuntong
ng tersera, may nagbibilang
ng lumilimbag na yabag sa bangketa.
Isang batang babae ang nag-aayos
ng nakaputong na bilao sa ulo,
Isang batang lalake naman
ang malapit nang mamaos
habang minamadali
mula sa lalamunan ng talipapa
ang pag-ubos sa panindang
malapit nang mabilasa. Habang ako,
maligalig at laging balisa,
ay nakatunghay ngayon
sa kalsadang pag-aari
nitong mga bata; inaapuhap ng tingin
ang tatlong paslit na nangangaroling
sa tapat ng isang lumang klinik
kanina sa Crossing. Maaaring
naroroon pa sila, o maaaring wala na.
O baka hindi ko napansing
sadyang malayo na pala ang narating
nitong biyahe; o baka
ang kanilang pagparito
at biglaang paglaho
ay isang taos na habilin:
Na tuloy lang, tuloy lang tayo
sa kaniya-kaniya nating lakbayin
sukdulang magkandaluku-luko
ang takbo, mabalaho man
ang ating hakbang
sa kinakalyong palad ng mundo.

11 August 2010

DAPITHAPON SA PAMANTASAN

-

Kulay-kalawang ang dapithapon
tulad ng mga dahong
sadyang iniipit upang malanta
sa pagitan ng mga lamukos na pahina
ng lansangan sa kampus. Enero.
Parang nilulumot na libro
ang hilera ng mga gusali
ganitong pa-takipsilim at nagmamadali
ang mga dyipning tumatahak
sa mahabang lagda ng kalsada paakyat
sa Forestry. Mabango ang langhap
ng bagong-hawang tinapay sa coop,
naaamoy ko habang binabaybay
itong mabatong daan pauwi ng Y.
Pagdating sa dorm, nakakalat
ang mga aklat nina Mao at Plath
sa sahig. Itim ang ligalig
na nakalimbag sa loob ng silid.

Sa labas, tinggang nalulusaw
ang silahis ng sugatang araw.

04 August 2010

HAMADA

-

Pumapalahaw ang ginaw
tuwing pamadaling-araw,
sinusugsog ang makitid
na puwang, ang maninipis

na pagitang
naghihiwalay
sa nahihimbing na katiwasayan
at naglalamay

na balisa. Sintalas
ng lasa
nitong huling serbesa
ang lansang di maidura

ganitong ang antok
ay estranghero
at ang katahimikan
ay nanghihimok

ng paulit-ulit na pagbalik
sa naudlot na paglimot.
Sa labas ng bintana,
pinanonood ko ang hilera

ng matatayog na Pino
sa abenida. Pinong tanod
sa bakanteng kalsada; Pinong
tila kadete, matipuno

ang tindig sa unipormeng berde;
Pinong mistulang pinatigas
na bangkay ng mga ninuno,
hindi malibing-libing

at ngayo’y tumatawid nang palihim
sa mahahamog na kalyeng
kulay-abo. Madalas kapag ganito,
ipinipinid ko ang tangang libro

saka tinutungo
ang biranda ng kuwarto.
Sa labas, tinatanaw ko
ang palabas

na nagsisimula pa lang
sa dampa ng kapitbahay.
Bukas na nitso
ang giray na kalansay

ng tahanan nilang nilumpo
ng kararaang bagyo.
Sa harap ng kubo
di pa natutuyo

ang putik
habang malamig na tubig
ang iniigib sa poso
ng naliligong binatilyo.

Isang lalake, naghahanda
pagpasok sa trabaho,
ang tahimik na nagkakape
sa mausok na sulok.

Samantala, tulala
ang kaniyang asawa, pagod
na karga-karga
ang bunsong limang taon nang

pumapalahaw sa tenga.
Mula sa aking kinaroroonan
yerong maputla ang kulay
ng butas-butas na sinampay --

mataimtim tulad ng dalangin,
tahimik silang nakalugay
at waring isinusumbong sa hangin
ang mga sugat

na walang makasusukat
kung gaano na kalalim.

03 August 2010

ANG ALAMAT

-

Dahil di ka naniniwala
'pag ako ang nagsabi,
kaya sasabihin ko
muli at muli: na ang banga

hindi nakababa, wala sa pagitan
ng balakang at paa,
bagkus nasa balikat
ng ating diwata.

Sa mga umaga
habang ang hamog
ay nakabulumbon pa
at nakakumot

sa matatayog na tala,
natitipon ang pumpon
sa loob ng sisidlan. Mangyari,
walang nakawawari

kung ano ang pakahulugan
dahil walang nakamalas
kung kailan pinitas
ang mga amorseko

at rosas. Sa dahilang
ang kaniyang hakbang
ay pino at magaan
tulad ng pagdaan

ng lihim na pagdaramdam,
walang nakaramdam
sa yabag. Walang bakas
ng yapak, mga buto lamang

na pakalat-kalat
at tutubo bilang ugat
ng halaman
sa landas na madalas

pala niyang daanan.
Dahil ang gabi
ay umid
kapag lumiligid

ang diwata sa kagubatan
o sa isang harding sagrado
dala ang kalungkutang
panigurado

ay di kayang sukatin
ng anumang kuwento.
Dahil walang katiyakan
ang kaniyang pangalan,

wala ring nakakikilala
sa tunay niyang hiwaga.
At doon sa mundo
ng mga engkanto

maikling idlip lamang
ang naghihiwalay
sa panahon ngayon
at sa kahapong napakalayo.

Ayaw mong maniwala
at kailanma'y hindi niya
ipapakita. Nakalingid
ang hiwaga

tulad ng kung paano
lihim nahuhulog
ang ga-ilog na luha
para sa isang

lumisang binata.
Itinuturo ng diwata
na ang alamat ay alamat,
hinding-hindi natin

madadalumat.
Tulad ng pakahulugan
nitong banga,
naglalaho madalas

nang walang nakamamalas.
At dahil sa imahinasyon
kung siya'y maglimayon
at sa pangarap lamang

siya naroroon, samakatuwid
kaniyang tinatawid
ang hangganan
ng katotohanan at panaginip

upang alayan tayo
ng rosas
at amorseko. Totoo man ito
o likhang guni-guni,

sukdulan walang maniwala
sa aking pinagsasabi,
para sa iyo, heto lamang
ang aking masasabi:

na ang banga
hindi nakababa,
wala sa pagitan
ng balakang at paa

bagkus ang sisidlang
simbabaw ng luha
nasa balikat tuwina
ng ating diwata.

02 August 2010

MATAPOS ANG 3 BEER SA PLAZA AGAPITA

-

Nangangapal ang hanging nakaaspile
sa nangangatal na paningin; ang mga ulap,
tila balat na bagong-tuklap, inilalantad
ang sala-salansang lihim
mula sa maagang pagmamanibalang
ng gabi. Sa sandaling ito,
namimiyapis sa upuang katabi
ang isang babaeng kanina ko pa kasalo
sa pagsisid sa lumalalim na oras
dito sa plaza. Parang pagsaid ng bula,
o paglunok ng gumigiyagis na pait
sa kailalim-laliman ng baso, ewan ko
kung anong kalintikan itong nag-udyok
sa akin upang isa-isahin ang mga himutok
at sugat na tinamo namin
mula sa kaniya-kaniyang lakbayin.
Binabaybay ko ang hinagpis
na nakakintal sa kaniyang mata, ngunit wala
akong nabasa maliban sa nagbabanyuhay
niyang tingin. Tumingin ako sa de-palito
kong relo. Napansin kong di na umuusad
ang panahon. Patda ang maiingay na sasakyan
sa kalsada, at tikom ang tibok
ng mga bundok sa napakalayong hilaga.
Muli kong tinitigan ang aking katabi
at tumambad mula sa malamlam
na kindat ng nagmumukmok na liwanag
ang mga sugat niyang
hindi na mapapaampat
ng panahon at serbesa.
Saka kami kapwa nilunok
ng katahimikang di naming maarok.

30 July 2010

4 n.h.

-

4 n.h. tumatapon
ang kutsa-kutsaritang pag-asa
sa kulay-gatas na mesita; amoy talahib
na tsaa ay lumiligwak sa labi
nitong sinaunang tasa
samantala, nilulunod ng umaalimpuyong bagot
ang sintunadong pagnanasang
umiilanglang sa isang awiting
paulit-ulit ngayong inaanod
papunta sa akin. Ano’ng pahina pa
ang di ko nahihimay
sa magasing singmura
ng aking paghihintay
ganitong ang oras ay ubod nang
bagal --- walang kasimbagal
ngayong 4 n.h.
na sa karaniwang pagkakataon
ay di dapat iba
sa 4 n.u. kapag nag-u
unahan ang mga daliri ng relo
sa pagpigtal ng minuto
habang maging panaginip
natin ay naghihilik
kahit pa madalas
nakatutulugang bukas
ang nakatungangang telebisyon,
tahimik na saksi sa mga sandali
na dapat palang isauli
ang panahong di tayo ang tunay
na may-ari. Ngayong 4 n.h.
at huli ka na namang dumating
sa ating usapan, iniisip kong
baka bigla mong nakalimutan
ang daan patungo rito. O
sadyang marami kang ginagawa
sa trabaho. O naatraso muli
tulad ng dating gawi. Di ko alam
kumbakit nauubos ang mga dahilan
nang mas mabilis pa
sa mga tao ditong nag-aapura
sa kani-kanilang paglisan
habang ang pulot sa aking dila
ay natutuyo, at ang mga talulot
sa bawat salitang pumapait
ay napipigtal
ganitong ang oras ay
mabagal
sadyang walang
kasing
bagal.

30 June 2010

4 n.u.

(Halaw kay Wislawa Szymborska)


Ang oras sa gitna ng araw
at gabi. Ang oras na agaw-
antok at di mapakali
sa pagitan ng lamukos
na unan at katre. Oras
ng mga trenta anyos
sa lupa. Bagong-hilamos
ang tumatandang lupa

bago pa umilanglang
ang hikab ng tandang
sa oras na ito.
Ang mahigpit na yapos ng mundo
ay nagsisimulang makalag
sa oras na ito.
Kislap ay namumutla
mula sa mapupungay na tala
sa oras na ito. Sa oras na ito,
walang katiyakan
kung tayo ba'y matatagpuan
o sukat mawawala na lang
nang walang bakas
pagdilat ng bukas.

Oras na walang laman.
Nakanganga at walang silbi.
Pinakamalalim na hukay
sa laylayan ng gabi.

Walang sinumang napapanatag
tuwing alas-kuwatro nang umaga.
Mga langgam lamang ang kalmado
tuwing sasapit ang alas-kuwatro,
Dahil dito ay masaya tayo
para sa mga langgam

gayumpaman ay hayaang datnan
ng alas-singko
ang sinumang nagnanais
magpatuloy sa mundo.

22 May 2010

SI BETCHAY, NAKAUNAT ANG MALIIT NA KATAWANG NANINIGAS AT KULAY-PETSAY

(Halaw kay Valentin Iremonger)


Si Betchay, nakaunat ang maliit na katawang
naninigas at kulay-petsay, ay sukat nanggulat
isang umaga ng tagsibol. Suot ang bagong-almirol
na terno at katahimikan ng brasong may adorno

ng itim na rosaryo, kandila at libro, isang platito
ng agua bendita, ay tinanggap kami isa-isa
sa kuwartong nakalugay ang kurtina. Pinid
ang kaniyang mata. Puting unan ay may bahid

ng buhok mula sa nabubulok na anit. Pagsapit
na pagsapit ng gabi ay nagkita-kita kami
sa hangganan ng gulod. Huntahan. Iniintindi ang buod
ng ganitong pamamaalam. Kamatayan, oo: maaari

ngang may kinalaman sa edad ng tao, o mangyari
sa pag-agnas at paghulas ng lakas. Pero hindi
sa kaniya: komo wala pang malisya, may-bighani
at kaybata – parang malabo yata. Kinabukasan,

sinambit ng pari ang kaniyang pangalan. Luhang
sumirit ang katiyakan ng paglisan. Sa bakuran
ng simbahan, isang batang noo’y magpipito pa lang
ang nananangis. Labingwalong taon kong pinalis

sa isip ang kaniyang larawan. Ngayong taglagas,
isang tangkay na tuyo ang dumapo sa berdeng damo.
Waring nanunudyo. Bigla, naisip ko si Betchay:
nakaunat ang katawang naninigas at kulay-petsay.

30 April 2010

SA DARATING NA HALALAN

-

Ika nga’y hinding-hindi natin maaaring malimot
ang kanilang panata, ang mga pangarap
na iniaabot nang walang bayad
sa mga dukha. Kumbaga dahil kabisado natin
ang areglo ng ganitong kuwento,
kung tutuusin ay hindi na bago
kung itinatalak man ngayon ng pulitiko
ang Pulitika ng Pagbabago.
Mangyari hanggang sa araw na ito
ay nakaabang tayo sa pagdating
ng sinasabi nilang balang araw.
Heto naman ang masasabi ko: Basta ba maaabot ito
sa malinis na paraan, sa akin ang balang-araw
ay ayos lang naman.

Kaparis na lang ng ibang klaseng diskarte
nitong si Tandang Osyo. Palibhasa
isang maralita ng siyudad,
para sa kaniya ang pag-unlad
ay depende sa tatag ng barung-barong
kung kaharap ang demolisyon; Dahil dito
kung kaya ang mga pulitiko
sa kanilang dako, tuwing panahon
ng eleksiyon ay walang ibang pangako
kundi ang Pulitika ng Pagbabago.

Sa masusugid na kandidato,
ang Pulitika ng Pagbabago ay binubuo
ng pira-pirasong pako, ilang tabas
ng tabla, hollow blocks, turnilyong
pang-rematse, walang kalawang
na muwelye, yerong hindi tadtad ng butas
upang sa anumang oras
pupuwede itong ipantagpi sa mga sugat
na bumubuka sa mga dingding
na walang palitada, sa malalamig
na sahig na lupa, sa binubukbok na barakilan

nang sa gayon kung tapos na ang halalan
ay madaling maiintindihan ng tao
sakaling ang ikinampanyang pagbabago
ay pareho lamang sa pinalitang pangalan
ng mga eskinitang tinabunan
ng graba o aspalto; O bagong petsa
ng piyesta-opisyal sa kalendaryo;
O tawirang may bagong pahid na kulay
sa mga kalsadang nakamamatay.

Hindi na kapani-panibago, sa isang panig,
kung ang mga pulitiko ay maglalaho
nang mabilis pa sa ipinapatak na tinta
sa ating hintuturo.
Saka lang natin sila muling makikita
kapag may iaabot na abuloy
sa mga binaha, o kung nasa ibang bansa
at ipinangangalandakan ng pahayagan
ang halaga ng kanilang huling hapunan;
Samantalang parang kabag nating idinidighay
sa mahabang hapag ng buntung-hininga
ang lumang pangako ng disenteng pabahay,
gayundin ang iba pang masasamang hanging
tila kalde-kaldero ng panis na kaning
sabay-sabay nating isinusubo
sa miting de avance, o habang nakatunghay
sa mga palatuntunang pantasya at iyakan

sa TV kung tanghali. Ganito naman
ang katuparan ng Pulitika ng Pagbabago
para kay Tandang Osyo:
Sa loob ng giray na kahon
ng tahanang balang-araw ay gaganda raw
kung papalaring maupo sa puwesto
si ganire at si ganitong pulitiko,
tuwing dapithapon ay nagtatagpo dito
ang mga kaibigang hindi niya alam
ang tunay na pakay at pangalan.
Tinuturuan siya ng mga itong
sumulat at magbilang
habang binabalangkas naman
ang plano ng ilulunsad na welga,
o ang larga
ng ipapataw na parusa
sa tinyenteng may malaking utang
na dugo sa masa. Dito rin
sa kaniyang dampa pinaampat at pinahupa
ang kirot ng maraming sugat
mula sa kung saang giyera. Samantala,
gabi-gabing isinasalaysay ng matanda
ang buhay sa pinagmulang lalawigan;
Kumbakit ang kaniyang braso
ay nangalay sa pagpihit ng sagwan
at araro, bagay na lubhang naging inutil
nang mahiwa at maimpeksyon ito
dulot ng maghapong pagkalkal
at paggaod sa dagat
ng basura ng siyudad.

Kung anuman itong pinaggagawang kakuwanan
ng pobreng si Tandang Osyo,
walang ibang makakalap na aral
ang mga miron at pilosopo
maliban dito: Na dapat palang ipagbawal
gumising mula sa pangangarap
ang mga mahihirap.

21 March 2010

KUTSARA

Halaw kay Paul Mariah


Sa kumedor
kanina
may tumira

ng kutsara.
Palibhasa
ang duda

isa sa preso
ang nagbulsa,
parang sugat

ngayong kinakatkat
ang mga gamit
sa selda. Kinakapkap

ng mga bantay
ang kontrabando
na maaaring itago

ng bilanggo.
Mahirap nang makasalisi
baka mahuli

ang pagsisisi
kung ang tusok
ay palihim

na maipasok.
Maraming hindi
mapakali

habang nagdidili-dili
sa ibabaw
ng tarima

kahit alam nila
na di para sa kanila
ang inumit

na kutsara. Ngunit
pasasaan ba
at makikita rin

itong kutsara:
maaari, kunwari,
ginawang singsing

sa daliri
ng magkakosang
bagong-kasal

o di kaya
sa tapat ng puso:
isang nakausling bakal

sa kimpal
ng sariwa, mapulang-
mapulang dugo.

28 February 2010

MIKROPONO

(Halaw sa Last Sunday ni Jose Maria Sison)


Ang matandang kura, isang Linggo nang umaga,
ay nag-usal ng pangaral sa aming lumang kapilya.
Sa tinig na nangangatal ay banal niyang nawika
na mapalad kami sa dilang pinagpala. Si Señor Ganire
na sinuwerteng negosyante, pati si Don Ganito

na pilantropong asendero, silang kagalang-galang
at mga totoong Kristiyano, alang-alang
sa kawang-gawa kaya't naririto:
ang ambag sa kapilya, isang bagong mikropono.

Sumakanila ang gantimpala, aniya ng kura,
at kasihan sila nawa ng mas marami pang biyaya
dahil sa wasto ginamit yamang kaloob ng langit
simbahang tahimik, umalingawngaw ang tinig.

Dumadagundong mula sa bulok na kampanaryo
ang sermon at awiting lumulukob sa buong baryo.
Paggunita ito sa nakatatawang pangyayari,
at sa katotohanang pinapangaral ngayon ng pari

na mangyari: huwarang dapat ikarangal ng madla
silang mga santo-santita ng pagwawalang-bahala
habang sa isang banda'y hayag rin niyang kinukutya
ang nauupos na naming pagtitimpi at tiwala.

03 January 2010

LAB AT PERS SAYT

(Halaw kay Wislawa Szymborska)

Na matinding sikdo ng pag-ibig
ang nag-ugnay dito sa dalawang mangingibig --
sa pagpapalagay na ganito
ay pareho silang kumbinsido. Lamang
mas higit yata akong interesado
sa bagay-bagay na di natin sigurado.

Palibhasa kaha-kahapon lang
ay di pa magkakilala, ang akala nila
walang nagaganap sa pagitan
ng bawat isa. Walang kabuluhan
ang mga kalsada,
ang mga pasilyo at hagdanan
dinadaan-daanan lamang nila,
wala silang napupuna.

Kung aking tatanungin
ay ano kayang sasabihin; kung nagkataon
minsan na kaya silang nagsalubong
sa harap ng pintuan? O di kaya’y nagsabi
ng magalang na “excuse me” at "sorry"
sa gitna ng maraming tao; o baka isang tinig
na aburido, umuusal ng “wrong number”
sa telepono. Kahit ano,
ang kanilang sagot ay iisa:
hindi, wala kaming maalala.

Magugulat silang malaman
na sa hinaba-haba ng panahon
kapwa silang pinaglaruan ng pagkakataon.

O baka ang pagkakataon
ay di pa nila noon tadhana. Kung kaya
ang kanilang landas ay niliko
pinaglapit pinaglayo
isa man sa kanila'y walang nakarinig
sa pigil-pigil na hagikgik.
Maaaring may mga tanda at pahiwatig
ngunit dahil walang nakahalata
lahat ay balewala. O baka sa loob
ng tatlong taon
o noon lang nakaraang Martes
isang papel na kakalat-kalat
ang dumapo sa kanilang balikat.
Mayroong bagay na nawala
at muling sumulpot. Isang bolang
kung saan sumuot at nakaligtaan
noon pang kanilang kabataan.

May mga pihitan at seradura na binura
ng isa ang bakas ng kamay ng isa;
o mga bayong at maleta
na di sinasadyang napagtabi
pagdeposito ng kaniya-kaniyang bagahe.
O mga gabing parehas
ang nakitang panaginip, ngunit
hindi nila magunita pagsapit
ng umaga. Ang bawat simula

ay pagpapatuloy.
Walang sinumang nakawawari
sa bagay-bagay
na maaaring mangyari.

30 December 2009

HANDANG PUMATAY

(Halaw Kay Carl Sandburg)

Ilang ulit na akong pabalik-
balik dito, at ngayon sa aking pagkakatayo
nang sampung minuto, nakatitig
sa rebulto ng isang pamosong heneral
matikas na itinatanghal
sa ibabaw ng tansong kabayo, tangang mahigpit
ang rebolber at bandila, at sa gilid
ng sinturera, isang espadang bagong-hasa:
kumbakit nangangati ang aking guni-guni
na tibagin ito, at sa sinumang interesado
ang bawat tipak, ang bawat retaso
ay ibebenta ko nang por kilo.
Tatapatin ko kayo: ang magbubukid
at minero, ang nagtatrabaho
sa pabrika, ang mga bumbero
at pahinante ng trak, ang mga hamak
na mensahero -- sila muna
ang dapat ipagpagawa ng makintab na estatwa
bilang paghahayag ng kanilang ambag
upang parati, may mangangabngab ang bituka
upang palagi, may maisusuot na kamiseta.
Sila muna, silang bumubuhay at gumagawa
ang dapat kilalanin, sa halip na unahin
ang kapural ng pagpuksa. Kung kaya di ako mahihiya
sakaling ang pagkutya
ay medalyang nakaaspile sa puso
samantalang minamasdan ngayon
itong heneral ng hukbo, sakay
ng kabayong tanso, tangan
ang banderang dumuduro
sa moradong papawirin
habang kumukulapol ang dugo
sa bagong-sibol na bukirin.

22 December 2009

SAMPAGITA

- Gabi-gabi ay pinupupog ng sampagita ang aking ruta pauwi galing opisina. Sa Ortigas kanina, lantang talulot silang lulutang-lutang habang napapabuntong-hininga ang busina ng nakaprenong trapik sa EDSA. Sa karaniwang istorya, inaabot natin silang nakikipagharutan sa sangsupot na himpapawid o minsan, guryon silang nahuhulog nang paulit-ulit sa sandaling nalulukot ang araw at ang langit ay nalulusaw sa kahel-pulang gaslaw ng neon. Tulad ngayon. At ganitong di naman aksidente ang kanilang pagparito, inuuna ko nang iselyo sa guni-guni ang nakasobreng katuturan ng kanilang pagdami upang bago pa man sila tumambak sa aking tabi nang walang pag-iiba sa liham ng abuloy na dumarating sa atin nang walang pasabi, naipihit ko na ang aking tingin palayo sa mga bakal na barandilya; Walang pag-aalintana nakikita mang tinatahak nila ang kalsadang nagpapalawak sa kongkretong distansya ng kaligtasan at disgrasya; Kung kaya kahit sumpang nakasampay sa balikat nitong isa ang sandaigdig na palahaw ng kapatid na balisa, di ko kailangang mabatid sakaling ang kanyang pagkapit sa buhay ay singhigpit lamang ng paghawak ng munting kamay sa panindang bulaklak; Kung kinakalabit nila ang aking habag sa makupad na pila, habang binubulatlat ng guwardiya sa mall ang patalim na lihim nang nahasa sa kaluban ng aking hinala, hindi ko mapapansin ang pagsamong inuungol sukdulang ilimbag nila ito tulad ng di-nabuburang libag sa polong inalmirol; Kung isa sa kanila ang lalapit sa akin upang magkuwento ng tungkol sa tungkos ng palo at kutos na aabutin dahil kapos ang kanyang tuos sa puhunan at tubo, malamang hindi rin ako matinag sa pagkakaupo. Sa halip, panatag kong uubusin ang laman ng puswelo habang matamang ninanamnam ang matabang na pakunsuwelo ng pay slip na de-kinsenas. O kaya maya-maya sa sinasakyang bus, kung ipagtulakan sila palabas ng konduktora at walang ibalik na sukli sa inilalako nilang dalamhati habang isinasakapalaran ang pag-uwi upang ihimlay sa nangangalay na katre ang kaluluwang paulit-ulit namamatay sa matalim na ginaw ng alas-onse: ang lagay, baka hindi rin ako makumbinsi at malamang ipagpalagay: kanya-kanya lang siguro tayo ng suwerte. Pagpasok sa inuupahang kuwarto, pusikit ang gabi at walang ibang tao. Tumatagos sa aking hawak ang lahat ng bagay na nangagkalat sa pag-iisang lubhang lumalawak : doon, isang banig ang nangangatal; dito, isang antok ang nangangapal. Sa pagitan ng doon at dito: umaapaw ang lamig, umiihip sa bintana ng pusong mariing nakapinid, tulad ng nanlilimahid na eskaparate ng ampaw na Sto. Niño: lantang talulot ngayong dito'y palamuti, kuwintas ng sampagitang dati'y puting-puti.

30 November 2009

HINGGIL SA BAGAY-BAGAY NA MAGAGANAP SA HINAHARAP

(Halaw kay Bertolt Brecht)


Isang magarang kotse ang ipinahiram ng negosyante
sa kaniyang pahinante.

Ang tinipong medalya, lahat-lahat ibinasura
ng Heneral na kung pumostura

daig ang sibilyan sa itsura. Ang mga kawani
ng gobyerno, naging magiliw bigla sa tao.

Tinutulungang tumawid ng mahinahong pulis
ang batang nanlilimahid

at puno ng galis. Kinukumusta ng haciendero
ang magbubukid, tinatanong

kung nabiyayaan ba sila ng proyektong patubig.
Ang mga peryodista

sulat-sulat ang salitang Masa
gamit ang malaking letra.

Walang bayad sa takilya
ang pagtunghay sa artista.

Sa barko, mismong kapitan ang umaalam
kung ano ang nilutong ulam

para sa kaniyang tauhan. Ang may-ari ng karwahe
di nangingiming umupo

sa tabi ng kutsero. Ang duktor ay nagbibigay-palugit
kung naniningil sa may-sakit.

Ayaw tanggapin ng pantas at iskolar
ang gawad ng karangalan

sa halip ibig pa nilang ibulgar
ang bagong-tuklas

na karunungan. Sa kuwartel ng militar
naghahatid ng patatas

ang manggagapas. Si Padre, di mapakali
parang ibig pa yatang isauli

ang nakolektang salapi. Kung anong kalintikan
itong mga nangyayari: walang-dudang nagwawagi

sa labanan ang taumbayan, at lahat nang 'yan
ay simula pa lamang.

31 October 2009

STARDUST

-

Tumutulay ang nagbabagong-kulay
na takipsilim sa highway.
Tumatapik, sumisilip
sa makapal na hanging umiihip
sa tigagal na mukha

ng mga gusaling parihaba.
Nalulusaw ang burda ng tala
ngayong alas-sais impunto
habang nakikipag-unahan
ang aking hakbang sa pagtiklop ng araw

at sayaw ng anino. Sa bangketa,
tumutugtog sa alaala ang sinaunang kanta,
tungkol ito sa tumatandang pagsinta
at kung paanong ang mga bituin

ay unti-unti palang nadudurog
paglipas ng panahon; walang pinag-iba,
kung gayon, sa kristal na maaari mong itapon
o di kaya’y bubog na pupuwedeng itago

sa di-na-nabibisitang silid ng puso.
At naalala ko ang pasakalye
sa isang awitin ni Nat King Cole
habang kaharap ngayon ang isang Ale,
solong umiinom ng kape, gayong kaybata pa

ng gabi. At natitipon muli
ang gunita ng mga dapithapong
tayo’y magkatabi: ang paulit-ulit
nating pagtatalik, ang burda sa pisngi
ng musmos mong halik.

Ah, kung sana lamang ay pupuwede
ang bawat alas-sais
ay di na humantong sa alas-nuwebe
at ang oras ay di lumilipas
tuwing tayo lamang ang magkasama

sa kastilyong puno ng rosas;
Kung sana lamang ang pahimakas
ay puro pasakalye; Kung sana lamang ang kalungkutan
ay di sirang plakang
humuhuni ng punebre. Kung sana lamang.

Kung sana lamang walang bubog na iiwan
ang basag-basag na tala
sa mga daang nais hakbangan
ng mga puso nating
natutuksong gumala.

20 September 2009

HALAW SA DIRGE WITHOUT MUSIC

(Edna St. Vincent Millay)


Di ko maisip na masikip na hukay sa sementeryo
ang makapagpipiit sa mga pusong nadistiyero.
Kahit pa sabihing ganito na palagi,
at dahil ganito na dati ay ganito ang mangyayari:
silang mabini at sadyang marunong, silang lahat ay pihong
sa hukay ang hantong, may nakaputong
na lila sa ulo. Lahat ng iyan ay sadyang ayoko.

Kayong nag-isip nang magaling at sa pag-ibig
ay nahumaling, hinihintay ng lupa
ang inyong pagdating. Walang pagtatangi
at walang pinipili. Lahat ay hahalo
sa maputlang dumi. At ang talino
at nilalaman ng inyong guni-guni --
di namin agad malilimot, mangyari.
Gayunman, maglalaho ang pinakamabuti.

Ang tugon na matalas at titig na maangas,
ang tawang malakas at ang damdaming wagas--
wala naman yatang absuwelto
sa batas ng paglipas. Sa dulo, lahat tayo
ay abono sa rosas. Magiging makulay ang talulot
at mabango panigurado. Alam ko. Pero ayoko.
Kumpara sa di nalalantang bulaklak,
mas ibig ko ang himig ng iyong halakhak.

Pababa nang pababa nang pababa sa hukay
silang magaganda, mababait at tunay na mahusay;
Lumilisan nang matiwasay silang matatalino,
silang may-bayag at matatag ang puso.
Alam ko. Pero di ako papayag at ayoko.

06 September 2009

HALAW KAY PAUL CURTIS

-

Si Sebastian, bago malagutan ng hininga
ay nag-usal ng kumpisal
sa mahal niyang asawa. “Victoria,
aking sinta”, lupaypay niyang nawika,
“patawarin mo ako
sa aking pagkakasala”. Tugon ng kabiyak
na gumon sa pag-iyak, “Ipanatag ang isip.
Sa halip ay maidlip, maidlip”.
Si Sebastian, sa kaniyang kalintikan
ay malumanay na nagsabi,
“Sa hukay, bago humakbang
ito ang aking masasabi:
Sa kapatid mong babae at lalo na
kay kumare; Oo, pati sa iyong ina
na higit sa 'yong kahali-halina --
lahat sila kasi-kasiping ko sa tuwina”.
Si Victoria, walang inis
at salaming malinis ang suot na mukha
ay nagbulong nang mahinahon
sa asawang nanghihina, "Sebastian,
lahat ng ito ay hindi na sikreto”.
"Kaya ipikit ang mata, ang iyong mata
ay ipikit ngayon. Maya-maya lang
tatalab na ang lason”.

29 August 2009

DALAWANG LAMAY

-

May dalawang pinaglalamayan
dito sa aming bayan.
Ang isa ay tampok na obitwaryo

sa unang pahina ng mga diyaryo.
Wari’y kulay-dilaw na laso
o mabangong hibla ng rosaryong

nakasulsi sa punit na pag-asa
ang mahabang pila
ng mga usyusero sa Edsa

Regalong nakabalot ang kalungkutan
sa loob ng katedral.
Namumulaklak ang papuri

sa lalamunan ng kardinal
habang malagablab
sa kanilang pagpupuyat

ang mamahaling kandelabra, gayundin
ang mukha ng bawat nagsidalo
na wari bang walang madilim na anino,

walang maitim na alaalang
maisusuot na parang belo,
ang mga pangakong kaha-kahapon

ay nalibing at tumapon. Ganito
ang tagpong nakakuwadro
sa loob ng telebisyon

na siya namang tinutunghayan ngayon
malapit sa isa pang lamay,
nadaanan ko pauwi sa bahay:

Sa gilid ng kalye nakabalandra ang burol.
Sa loob ng mumurahing ataul,
nakapulupot ang plastik na rosaryo

sa maputlang kamay ng yumao.
Ang pangaral ng ministro
hinggil sa aklat ng buhay

ay naalipusta sa ingay
ng mga miron at nakikipusta
sa larong tong-its at sakla.

Nakatitik sa dilaw na laso
ang pangalan ng mga naulila.
Nakatirik ang ilaw ng kandelabra

na lalo pang nagpapadilaw
sa hiram lang na barong at kamiseta.
Sa tabi ng barung-barong

sumasabog sa patay na hangin,
kasintalim ng lambong ng alimuom,
ang alulong ng asong kanina pa gutom.

17 August 2009

KAARAWAN

(Halaw Kay Yevgeny Yevtushenko)


Inay, hayaan mong batiin kita
sa kaarawan ng iyong supling.
Puspos kayo ng pag-aalala
at laging dahil sa akin.
Heto ako ngayon, himbing
na himbing, may suweldong
katiting, nag-asawa
nang wala sa oras,
buto’t balat at di nakapag-aahit
ng balbas. O anong panglaw
Kung inyong masisilayan!
Dapat kang pagpugayan
sa kaarawan ng iyong agam-agam.
Kung tutuusin, kayo ang dahilan,
sa inyo ko natutunang mahabag
sa panahong kinasadlakan
gayundin ang magtiwala
at sumampalataya
sa paparating na araw
ng mga naglilimas ng bahaw.
Dahil di ninyo isinubo
sa buhay ng kasikatan at rangya,
wala akong namanang dunong
o talento, maliban sa di pag-urong
kung oras na ng peligro.
Kaya buksan ang bintana
ng anak niyong pobre,
papasukin ang awiting mala-punebre
mula sa mga sangang kulay-kape
at kapos sa dahon.
Hagkan ang mga mata kong mahinahon.
At ibalot na
ang aking papel at pluma.
Ibalot na
ang gatas at minatamis
saka tahimik na panoorin
ang aking pag-alis.

31 July 2009

YEMA

-

Kasingnipis ng balat ng yema
ang gayak nilang kamiseta.

Pagala-gala sila
ngayong labasan ng opisina
tinatawid ang mesi-mesitang tumpok
ng mga taong nagpaparaos

ng oras at bagot.
Isang liham, maingat na nakasobre
ang kanilang pasaporte
papasok sa daungan
ng aking katiwasayan.

Ang kanilang alok:
isang maliit na supot
kuyom ang sangkurot
na pinaghalong asukal na pula
at malapot na kondensada.

Kasinggaspang ng asukal
ang garalgal

sa kanilang lalamunan.
Kasinlagkit ng kondensada

ang kanilang pangungunyapit
sa laylayan ng konsensya

ganitong kailangan nila
ng pambaon sa eskuwela.

Hinahawi ng mga bata
ang tagus-tagusang kurtina,
de-kolor na tabing
sa pagitan ng aking mata
at sa daigdig nilang waring
katiting lamang na yema.

Narinig kong inuusisa
ng babae sa katabing mesa
kung lagda ba ng kurot
ang tulduk-tuldok na asul at pula,
di maikubli-kubli
ng brasong namamaga
ng isa sa mga bata.

Narinig kong inuusisa
ng babae sa katabing mesa
kung kaanu-ano nila ‘yong isang lola,
kanina pa nakamasid sa sulok,
bakit pareho silang hinampas sa batok?

Kinabukasan sa opisina
binaon ko ang biniling yema.
Pagsubo na pagsubo ng isa,
binalot ng manipis na pait
ang nalulusaw na umaga.

27 July 2009

HULING BIYAHE

-

Ang gabi ay mabagal na paghihintay
sa loob ng himpilang malumbay.

Nakikita kita sa bawat sandali
ng kanya-kanya nating pagmamadali.
Madalas nakatayo ka sa madulas
na plataporma, aninaw ang aninong

nalulusaw sa mga basang baldosa
o di kaya'y tahimik na nakaupo,
mistulang bagon na walang-kibo
pagsapit sa pinakadulong istasyon

ng peregrinasyon -- walang estranghero
o lulang pasahero, samantalang
sintunog ng niyuyugyog na asero
ang ulang nahuhulog sa ibabaw

ng manipis na yero. Rumaragasang tren
ang tagas ng baha sa mga sugat
nitong abenida. At tulad ng ibang
gabing nauna,nakabalandra ang salita

sa dila
ganitong tinutugis
ng paglilitis ang pag-asa
sa hantungang perokaril

ng mga nadiskaril na pagnanasa.
At tulad ng ibang gabing nauna,
tiyak uusisain ko maya-maya
kung anong oras na. Na sasagutin mo

panigurado, “alas nuwebe pasado”
nang di tumitingin sa suot na relo.
Hanggang sa dumating ang huling biyahe
at katulad ng mga naunang gabi,

solo kang aakyat sa tren na bakante.
Samantalang ako, maiiwan dito,
sinusukat ang humihikab na layo
ng damdamin nating nagsasalisi

ang takbo. Samantalang
ang ating puso,
mistulang bagon na walang pasahero,
naglalakbay nang salungat

pauwi sa mga himpilang
magkabilang-dulo ang agwat.

30 June 2009

SA PALARUAN, DALAWANG LOLA

-

Ang kanilang kasuotan ay kakulay ng uban.

Nakasalampak ang kanilang kalansay
sa hagdanang bato
o minsan sa upuang semento,
simputla ng mga nitso.

Mistulang nakaputong na buhok
sa mga anit na kumulubot
ang halinhinang puti at itim:
tanging mga kulay na kayang pag-ibahin

ng lumalabo nilang tingin.
Tulad ng ulang malumbay
ang kalungkutang nakalugay.
Ang kanilang buhok ay manipis na belo

parang luhang di maubos-ubos,
tahimik na umaagos.
Isang lola ang may subong tabako.
Isa ay di kumikibo,

tulalang nakaharap sa hanging
kulay-abo. Patuloy sa pag-ihip
ang gunita ng abo
habang maingat nilang tinatahip

ang bawat butil na pino;
Ang pangarap na gumuho ay mabigat
na ulap,
nakataklob sa isip, dalawang dekada na

mula nang maalimpungatan
ang bulkan sa kinagisnang bayan.
Hindi mapagpag sa puso
ang pangamba, nagtatanong

kung makababalik pa
sa takda sanang hantungan
ng pagod nilang buto
at laman.

Ang oras ay parang abo
ipinapahid nila
sa mga sugat na di natutuyo
samantalang nakatuon ngayon

ang kanilang tingin
sa isang abuhing gulong,
nakabitin sa sanga
ng punong mahinahon,

naglalambitin sa maganit na lubid
na waring sila lamang
ang nakababatid
kung kalian ito

tuluyang mapapatid.

14 June 2009

SA DAMPA NG MATANDANG MAGKAKAHOY

-

Itinatangis ng alulod na kawayan ang pagrupok ng mga dampa
sa Purok-San Teodoro. Kawangis ng anas ng hangin sa palayan
kung mangusap ang matatanda. Parang banas
ng gabing maalinsangan ang madilim nilang katahimikan
habang tinatawid ang mahabang hapunan
ng maligamgam na tubig at nilagang balinghoy.
Ganito ang tagpo nang kami’y tumuloy
sa dampa ni Tatang. Isang magkakahoy. Tubong Mauban.
Sa kaniyang mata’y nakakintal ang basag na katahimikan
ng dagat sa bayang pinanggalingan.
At kahit malaon nang humalili
ang pangangalap ng panggatong sa kinasanayang panghuhuli
ng tulingan at galunggong, sa kaniyang mukha’y mariin
pa ring nakauka ang sugat sa matalas na tagas
ng diskumpiyansa at luha. Dito sa San Teodoro
tinubuan ng uban si Tatang. Anu’t anuman,
ang gunita ng Mauban ay pahina
mula sa isang lumang kalendaryong hinding-hindi mapipilas

sa kaniyang isipan. Sa pagitan ng buntung-hininga,
naglalayag ang alaala pauwi sa makinis na dalampasigan
ng pagkabata: Larong baril-barilan sa bunganga ng sapa;
bunga ng katikbi bilang bala, mantsa sa damit
ang iuuwing medalya. At dahil kandado ang eskuwela
sa mahabang magdamag ng giyera, di niya naisaulo
ang orasyon at katon. Tanging balarila ng paninilo
ng bayawak at baboy-damo ang nahasa niya sa utak.
At kahit sakmal ng tili ang gabing hindi mapakali,
nakukuha niyang mangarap palagi ng makinis na turumpo
at malutong na uraro, ng malinis na baro

at masasayang kalaro. Bahagyang naghuhunos noon ng kulay
ang nakadagang unos sa apatnapung taon ng kaniyang buhay,
nang ang kapwa niya beterano ng digmaang-musmos
ay malaon nang retirado, isang dapithapon ng Hunyo,
sa Barangay Cagsiay Uno: ulat ni Tatang,
sandaling nagpaparaos ng hingal at lamig
ng sikmura sa kaniyang dampa ang mga dating kababata,
nang mula sa ilaya, umatungal ang putok
na lagi’t laging lalagot sa kaniyang katiwasayan.
Himalang manipis na gasgas lang
sa braso ang kaniyang tinamo. Pero malas
ang kababatang si Damaso – Laslas
ang binti’t kamay nang igapos ng kaaway sa poste ng bahay.

Ayon kay Tatang, basag na dagat man ngayon ang layo
ng Purok-San Teodoro mula sa bayan ng Mauban,
kumbakit patuloy pa ring kumakatok
hanggang sa pagtulog – tulad ng mantsang
di mahugas-hugasan sa umuulit-ulit na bangungot –
ang panaghoy mula sa dampang natutupok.
Lalong-lalo na ang amoy ng buhok.
Lalong-lalo na ang amoy ng lamang
buhay pa nang kanilang sinunog.

07 June 2009

O ANONG SARAP MABUHAY SA MUNDO

Halaw kay Lawrence Ferlinghetti


O anong sarap mabuhay sa mundo
kung di ka pihikan at wala sa bokabularyo
ang matuwa masyado
o magpakasaya nang todo
o kung sadyang wala kang pakialam
paminsan-minsan mang maranasan
ang purgatoryo. Bale-wala,
'ika nga, ang lahat ng ito
di naman bawat saglit
umaawit sila doon sa langit.

O anong sarap mabuhay sa mundo
kung di ka napapangiwi
'pag may taong nasasawi
o minsan, halos masawi lang naman
dahil di magamot
ng laway na nilunok
ang bitukang kumulubot. Basta’t hindi ikaw ito,
walang atraso
wala naman yatang kaso.

O Anong sarap mabuhay sa mundo
kung walang bobong istorbo,
mga kapitbahay o boss sa trabaho
o ilang balang daplis
ng ilang gagong pulis
at ng iba pang sangkaterbang lihis
na talaga namang kainis-inis,
mga produktong inilalako
mga pinunong unano
mga sundalo mga obispo
at samutsaring relihiyon
samutsaring imbestigasyon
sanay na tayo, kunsabagay,
sa ganitong mga bagay-bagay
na nakakaimpatso.

Subalit sa mundo ay wala pa ring tatalo.
Dito lang umuulan ng eksenang di malilimutan:
kakabagin ka sa walang humpay na katatawa
at sa pagtatalik nang walang sawa
at sa kalungkutang di mo maunawa
at sa inspirasyon ng pagkanta nang mahina
at habang namamasyal ka sa kalsada
ang lahat ay nakikita
nasasamyo ang mga sampaguita
nahihipo ang mga estatwa, napapantasya
kahit ang mga di kaano-ano,
kunwa’y nahahagkan sila o kaya’y naaano,
nakapagsusuot ka ng korto
at makukulay na sumbrero,
nakapagpupuyat sa disco,
nakakalangoy sa batis
nakakapagpiknik
sa gitna ng tag-init,
lahat ng ito na pawang nagpupugay
sa iyong buhay. Okay
sa olrayt, Bay,
habang naghihintay
sa gitna ng inyong pagsasaya

ang nakangiting punerarya.

31 May 2009

2 MULA KAY JACQUES PREVERT

-


1. Buhay-Pamilya

Abala sa paggagantsilyo
ang nanay. Ang anak niyang panganay
ay
pupunta sa giyera. Para sa kaniya,
sa nanay, natural lamang
ang ganito. At para sa tatay?
Ano ba ang kaniyang trabaho?
Meron siyang negosyo
habang ang kaniyang asawa ay abala
sa paggagantsilyo
at ang anak nilang panganay
ay
pupunta sa giyera. Para sa kaniya,
sa tatay, natural lamang
ang ganito. At ang anak na panganay
ang anak na panganay, ay,
ano kaya ang kaniyang nadiskubre?
Ang kaniyang nadiskubre ay
wala, kung hindi ganito:
ang kaniyang nanay ay
abala sa paggagantsilyo,
at ang kaniyang tatay ay
may negosyo, at siya ay
may giyera. At pagkatapos
ng kaniyang giyera, siya ay
magsasanay
sa negosyo
kasama ang kaniyang tatay.
Sa ngayon, tuloy lang muna,
tuloy lang muna ang giyera.
Tuloy lang muna sa paggagantsilyo
ang kaniyang ina.
Tuloy lang muna sa pagnenegosyo
ang kaniyang ama.
At nang mamatay sa giyera
ang bata, di pumapalya
ng bisita ang kaniyang ina
at ama sa kampo
santo. Natural lamang
sa kanila ang ganito.
Kaya tuloy lang ang buhay
ng paggagantsilyo, giyera, negosyo,
negosyo, giyera, paggagantsilyo, giyera,
negosyo, negosyo, negosyo, Tuloy-tuloy
ang buhay sa hukay, ang buhay
sa hukay.



2. Almusal

Isinalin niya ang kape sa tasa.
Pinatakan ng gatas
ang aromang tumatakas.
Dinagdagan ng asukal, at gamit
ang kutsarita
hinalo nang matagal.
At nilagok
ang laman ng puswelo
nang hindi man lang ako
kinakausap.
Nagsindi siya
ng sigarilyo. Nagbuga ng usok
na korteng titik “O”.
Itinaktak ang abo
sa sinisera
nang hindi man lang ako
kinakausap,
nang hindi man lang nagpukaw
ng panakaw na sulyap.
Tumayo siya,
inayos sa ulo
ang tapeteng sumbrero
at ang kapote,
umuulan pala sa kalye.
At lumabas siya ng bahay,
walang ingay,
wala ni ha, ni ho.
Inilagak ko ang aking ulo
sa palad,
di ko napigilang umiyak.

30 May 2009

ISTADYUM NG CHILE

(Halaw kay Victor Jara)



Limang libo kaming nakapiit
dito sa maliit na distrito ng siyudad.
Limang libo. Ilan kaya kami
sa buong pulo? Sampung libong braso
ang di na makapagpaatungal
ng makina, ang naabala
sa pagbubungkal ng lupa,
gaano kalaking tipak kaya
ng sangkatauhan ang humpak ang sikmura,
walang kumot, pumapalahaw ngayon
sa hapdi at ginaw, tinataranta
ng lagim. Anim sa amin
ay tuluyan nang wala sa piling.
Anim sa amin, kaisa na ng mga bituin.
May isang tinuluyan. May isang nilamog
ng bugbog. Di ko akalaing
masisikmura palang gawin ng tao
sa tao ang gayong pananakit.
Ang natitirang apat ay malapit
nang masiraan ng bait, waring may nais
takasan o bigyang-wakas.
May isang ibig lumundag sa talampas.
May isang paulit-ulit hinahampas
ang ulo sa pader. Sa mga mata nila,
mamamalas ang nakangising kamatayan.
Sapagkat tiyak kung isakatuparan
ng mga sundalo ang kanilang plano.
Ang dugo ay medalyang nakaaspile
sa kanilang uniporme, ang pagkatay
ay sukatan ng kagitingan
sa harap ng kaaway. Diyos ko,
ito ba ang mundo na iyong nilikha?
Para dito ba
ang isang linggo mong himala?

Pinipilit kong gisingin ang diwa
habang isa-isang nawawala
ang mga kasama sa selda
hanggang wala na akong madama
kundi pintig ng makina at mukha
ng mga sundalong paroo't parito, kalmado
tulad ng komadronang nagpapaluwal
ng bata. At ang buong mundo?
Nawa'y isigaw nila ang kahihiyang ito.
Sampung libong braso kaming pinagkaitan
ng katuturan. Ilan kaya kami
sa buong sambayanan? Gayunman,
ang dugo ng aming kasama at pinuno
ay higit pang madagundong kumpara
sa kanilang bala at pulbura
at ito ang nag-uudyok sa aming kamao
upang huwag mamahinga. Mahirap bumuo
ng awit sa aking kinalalagyan
ganitong inaawit ko ang lagim
ng buhay sa kasalukuyan, ang lagim
na ikamamatay ko kinabukasan, ang lagim
na datnan ang sarili kapiling
ng nakararami, habang ang himig
ay walang ibang hantungan
kundi walang katapusang tili
at katahimikan. Lahat ng aking nasaksihan
ay di ko nasaksihan
subalit ang liyab ng damdaming
nadarama sa kasalukuyan
ang siyang tanglaw ko sa paparating
na araw ng katubusan.

23 May 2009

ANG MGA TUNTUNIN

(Halaw kay Neil Gaiman)


Hanapin ang kahoy na tarangkahan
sa mga dingding
na ngayon pa lang
narating ng tingin.

Makiusap nang tapat
bago ilapat
ang kamay sa seradura.
Sundan mo

ang makitid na kalsada
hanggang masumpungan
ang isang duwende,
nakadikit sa pintuang berde

(ganito ang asero
na karaniwang ipinangkakatok
sa mga pintuang kahoy at yero),
pero

dahil ang duwende
ay nangangagat ,
dapat kang mag-ingat!
Pasukin mo

ang munting tahanan,
walang dala maski ano
at walang kukuning keso
mula sa bandehado. Kaso,

kung may magsasabi sa iyo
na kinakalambre
ang sikmura
ng bahay na inaanay:

subuan mo ng tinapay.
Kung mukha itong madungis
dahil sa alikabok at pawis:
pahiran mo ng langis.

Kung may mag-uulat
na ang kaniyang damdamin ay pinupulikat:
damayan mo ng paglingap.
Paglabas mo sa hardin,

sa bandang likod,
isang punong uugud-ugod
ang makikita.
Di mo mahahalata

at malamang malampasan
ang balon na kulay-luha.
Ito ang lihim na daan
na maghahatid

sa lupain ng tag-ulan,
malalaman mong may iba palang daigdig
sa pagitan nito
(at kung aatras ka habang naririto,

makauuwi ka nang ligtas
at payapa.
Di ka naman mapapahiya.
Di rin mawawala ang aking tiwala).

Lagpas sa hardin,
mapapansin
ang bungkos ng kakahuyan.
Ang mga punong nakadukwang

ay higit na hukluban,
nakasilip ang inuugat nilang mata
mula sa maiitim na lupa.
Sa isang akasyang baliko

isang lola
ang kasyang-kasyang nakaupo.
Malamang may hilingin sa iyo
na kung anu-ano:

na kung ibibigay mo
ay kaniyang ibabalita
ang landas papunta
sa isang kastilyo.

Doon mo mauusisa
ang tatlong prinsesa
ngunit di dapat magtiwala
sa sagot ng pinakabata.

Kung didiretso ka sa paglalakad
sa dulo ng rantsong pinapatag,
mababanaag
ang labindalawang buwan

ng kalendaryo, nakaupo
sa harap ng apoy,
nagsasalitan ng kuwento,
nagpapahulas ng ginaw.

At kung ikaw
ay magalang,
maaari ka nilang pagbigyan,
makapapamitas ka ng prutas

habang nagmamanibalang
ang Disyembre. At siyempre
magtiwala ka nang buo sa mga lobo
pero huwag na huwag mong ituturo

kung saan ka patungo.
Pagdating sa pampang, umarkila
ng isang bangka. Dahil matagal mo nang kakilala
ang mananagwan,

ganito ang isasagot
sa kaniyang katanungan:
kapag ang sagwan ay binitiwan,
malaya siyang iwan ang bangka

(pero ihayag mo lang ito
kung medyo nakalayu-layo na kayo
at di na peligroso).
Sakaling may agilang

mag-aabot ng plumahe,
pakaingatan mo.
At laging tandaan: ang mga higante
ay plastado kung matulog;

at ang mga mangkukulam
ay pinagkakanulo
ng sariling katakawan;
ang mga dragon,

palagi,
may malambot
na bahagi.
Ang puso ay naikukubli

ngunit napapahamak sila
sa iyong salita.
Huwag kainggitan ang kapatid
na babae. At itanim mo sa kukote

na pawang sakit sa ulo at peste
magkaroon ng rosas at brilyante,
lalo't ang mga ito ay iluluwa,
gaya ng maliliit na palaka,

patalun-talon lang sa bunganga --
Malalamig. Matatalas. Humihiwa.

Huwag kaligtaan ang iyong pangalan
at huwag matutuyuan
ng pag-asa.
Pasasaan at ang hinahanap

ay makikita.
Manalig sa mga kaluluwa
at sa lahat ng natulungan,
dahil kung sila ay maaawa

tutulungan ka rin, harinawa,
sa takdang hinaharap.
Manalig sa mga pangarap.
Manalig sa iyong puso,

sa mga inakda nitong kuwento.
At kung ikaw ay babalik dito,
bumalik ka sa paraan
na di naiiba

noong una kang nagpunta.
At ang bawat utang-na-loob
ay tiyak masusuklian.
Ang mga tulong na ipinagkaloob

ay di masasayang.
Huwag kaligtaan
ang mabubuting asal
Ngunit huwag ding lilingon sa nakalipas.

At kung ikaw ay aangkas
sa likod ng agilang pantas
(di ka mahuhulog).

At kung ikaw ay aangkas
sa isdang pinilakan
(di ka malulunod)

At kung ikaw ay aangkas
sa abuhing lobo
(kumapit nang mahigpit
sa kaniyang balahibo).

Inuuod na ang kaibuturan ng tore;
kung kaya’t ito
ay malapit nang gumuho.

At sakaling ika’y makabalik
sa tahanang maliit
kung saan nagbuhat ang lahat,

iyong maalala
na ito pala’y mas masikip
kumpara sa dating iniisip.
Tuntunin mo ang landas

hanggang bumukas
ang tarangkahan ng hardin
na minsan pa lang
narating ng tingin.

At hanapin mo
ang daan pauwi sa inyo.
O kung gusto mo,
dito na mismo,

dito ka na magtayo ng bahay.
Saka ka humimlay
at humimbing nang malalim.
Malalim na lalim.

19 May 2009

ANG MGA PULITIKO

(Halaw kay Wislawa Szymborska)


Kaysa marinig lang sa kanta,
mas kaaya-aya sa masa
kung ang pag-asa
ay kanilang makikita,
kung kaya
ang mga pulitiko ay laging ngumingiti.
Ang kanilang mga ngiping pinaputi
ay karatula
na sila
ay kumikinang sa tuwa.
At dahil totoong kumplikado
itong ating panahon
at di mo alam ang ating tinutungo,
kung malapit na ba tayo o malayo,
kailangan nating matunghayan
sa tuwi-tuwina
ang maputing nilalaman
ng kanilang bunganga.

Sa mga bulwagan o hintayan ng eroplano
walang sinumang dapat makahalata
sa kunot nilang noo;
dapat silang magmukhang kahanga-hanga
habang nakikipagtalo sa plenaryo
o nakikipagkamay sa mga tao;
nagpapakindat sa litrato,
nagpapahuni sa mga nguso
ang mga ngiti nilang di nagbabago.

Ito ang leksiyon sa diplomasya
na itinuro ng mga dentista. Sinasabi nila
ang hinaharap ay mapupuno ng ginto.
At dahil ang kasalukuyan
ay matinding sakit ng ulo
dapat sabay tayong makitawa
sa makikinang na pangil at bagang.
Ang ating panahon ay lubhang peligroso
upang ipakita ang niloloob ng puso.

Samantalang ganito ang pagtatapat
ng mahihilig mangarap:
“kung mananaig ang kapatiran ng tao,
ang buong daigdig ay aapaw sa ngiti”.
Diyan sila nagkakamali.
Dahil kung magkakaganito,
pati mga pulitiko
ay di na magbabanat ng pisngi:
dadaan sila sa lupa
nang di ngumingiwi
at dahil laging tagsibol,
lagi silang pasipol-sipol.

Pero ang tao’y sadyang malungkutin,
Maiging ganyan na lang. Huwag na nating baguhin.

17 May 2009

SA ISANG BINIBINING TUTUNGO SA ANTIPOLO

(Halaw kay Jose Garcia Villa)


Pagdating sa Antipolo, paliligiran ka
ng maraming binatilyo. Dahil malamyos
ang kanilang hakbang, at di maubos-ubos
ang pulot sa kanilang dila,

iibigin mo sila
at malilimot mo ako,
ako na hinding-hindi maaaring lumimot sa iyo.
Kaya habang ako'y nililimot mo,

marahan kong tatapikin ang aking dibdib
habang paulit-ulit
na tinatawag ang 'yong pangalan.
At ang bawat salitang mamumuwalan

sa aking lalamunan
ay ihahatid sa iyo ng mga puno,
maaaninaw mo sa mga panakaw na hipo
ng bihasang mananayaw, mauulinig

sa mga tulang hinahasa
ng sumusuyong makata.
At ang bawat brasong karinyoso
na ibabalabal nila sa iyo

ay magiging braso ko.
At ang bawat matang mamamangha
sa mukha mong kahanga-hanga
ay magiging mata ko.

Patuloy akong darami,
hanggang di mo na mabilang
dahil ubos na ang numero
sa bawat uusbong na mata

at braso. Dahil lubos kitang iniibig
ako ay nagiging maraming mangingibig.
Dahil ayokong may ibang hahawak sa iyo,
ako ay nagiging maraming mananayaw.

Upang tuwing may dadausdos
na tingin at haplos sa iyong balakang,
wala kang ibang mararamdaman
kundi ang haplos ko sa iyong katawan.

Upang tuwing may magbubulong
mula sa likod ng iyong balikat
ng matatamis na tula ng paglingap,
walang maiiwan sa 'yong pandinig

kundi mga salitang galing rin
sa aking bibig.
Ako ay nagiging maraming mangingibig.
At kung mahal mo rin ako,

mauunawaan mo ang aking sinasabi
sa mga labi ng maraming mananayaw,
sa kanilang katawang malalantik,
sa makikinis na katagang sinasambit.

Ako ay nagiging maraming mangingibig
sapagkat labis-labis kitang iniibig.

16 May 2009

AKING DIWATA

(Halaw sa My Immortal. Evanescence)


Ang pangalan mo ay pangalan
ng lumbay na di naglulubay
ganitong matagal nang naghingalo
ang alamat, gayundin ang iyong kuwento
sa matandang aklat: pinid, naninilaw,
at walang bumubuklat. Musmos kong puso
ay waring nabalaho
sa mga pahinang lukot, gastadong hantungan
ng pangalan mong limot

kahit pa ang mga sugat ay di naghihilom
kahit pa ang kirot ay lalong lumalalim;
kayrami palang di kayang itapon
sa maikli ngunit kaylayo nang kahapon.

Haplos ko ang papahid
sa bawat luhang mangingilid
sa iyong mukha. Salita ko ang sasawata
sa dulot na pangamba
ng bawat taksil na binata.
Paulit-ulit kong hahagkan
ang laylayan ng iyong bestida,
tila pag-usal ng taimtim
na dasal: isama mo, isama mo ako
sa kagubatan mong altar.

Bihag ako ng liwanag na di matutop.
Sa pangarap ko, ikaw ang diwatang
tumutupok. Ikaw ang pangalan na namumuwalan
sa bawat tula, ang puno't dulo
ng kalungkutang gumagala

kahit kailanman ay wala,
wala ni isa mang naniniwala.

14 May 2009

HALAW KAY THOMAS MOORE

-

Pari at Kardinal
ay nanganagaral,
ang pag-iisip ng bastos
ay sadyang bawal.

Kumbaga'y amanos
ang sintensya
ng totoong gumagawa
o hanggang isip lang

kung magkasala. Kung ito
ay di mababago,
yari tayo
panigurado. Pero heto

ang sikreto:
una-unahan lang 'yan
sa dulo -- kaya bago
silaban

ang ating buto
doon sa kung saan
ang apoy
ay walang relyebo,

maging karapat-dapat
sa tatanggaping parusa:
Ay, hubarin ngayundin
ang 'yong palda at blusa!

HALAW KAY TUPAC SHAKUR

(Mula sa The Rose that Grew from Concrete)


Isang rosas ang tumubo,
mahinhin at may kung anong bango,
sa bunganga ng nakangangang kongkreto.
Patunay ang pangyayaring ito
na pawang kasinungalingan
ang batas ng tao
‘pagkat sino nga naman ang hahakbang
tungo sa kung saan-saan
nang walang paa. Talagang nakakatawa
pero sa kapipilit makamit
ang kaniyang layunin,
kahit walang pumapansin
natutunan ng rosas
tuntunin ang hangin.
Pagparangalan natin ang rosas na tumubo,
mahinhin at may kung anong bango,
sa bunganga ng nakangangang kongkreto.

13 May 2009

EULOGY TO A HELL OF A DAME

(Halaw kay Charles Bukowski)


May mga asong nangangarap ng makinis na buto
sa mga gabing ganito, kung kaya ako
iniisip ko ang iyong buto: nakahilera
nang maayos
sa pagitan ng balat at laman,
gayak ang bestidang luntian, ang sapatos
na may nakalululang takong.
Naiisip rin kita kapag nasosobrahan ng inom
ng kape, patagong nagmumukmok
sa isang tabi
habang nakalugay madalas
ang buhok na madulas. Kani-kanina,
naibulalas ng isang kakilala
sa liham niyang minadali
ang mga lihim na di pa man naibahagi
ay dati mo nang binawi. Dalawang dekada na
ang lumipas, at ngayo'y gunita itong naaagnas
sa pagitan ng aking panghihinayang
at pag-aatubili. Abril. Gabi. At
tayo'y magkatabi: balikat
sa balikat, noo sa noo, ang dampi
ng hininga mo sa aking leeg at braso.
Hanggang lumayas ka na naman
at sa wakas, tila regalong binalot mo para sa akin
ang kalungkutang pala-palapag
pala ang taas; Wala ka na ngayon,
dalawampu’t walong taon
ngunit dama ko pa ang malambot na gusot
ng palad mo sa aking palad, katulad
ng larawan na nalukot
sa mahigpit na pagkakatangan --
kailanman ay hindi ko yata mabibitawan.
Kung kaya ang tulang ito, walang landi
o anumang palamuti, ang tagay ko
sa iyong kagandahan. Huli man
at medyo naatraso,
tapat pa ring sumasaiyo
mula sa isang abang aso
na nangangarap ng makinis na buto
sa mga gabing ganito.

10 May 2009

HALAW SA FUNERAL BLUES

(W. H. Auden)


Putulin ang linya ng telepono at pigilin
ang pag-ikot ng mga relo. Patahimikin
ang umaalulong na aso at isusi na
ang mga piyano. Sa mahinhing
tapik ng tambol, ilabas na ang ataul.

Iparada ang bandila, pati ang mga kandilang
nagbabalita na Siya’y Patay Na.
Bihisan ng itim na uniporme ang mga nagtatrapik
sa kalye. Talian ng itim na laso ang mga kalapati
na nakadapo sa mga itim na poste.

Siya ang aking Hilaga, Silangan, Timog at Kanluran;
siya ang araw ng pahinga at trabaho sa opisina,
ang aking tanghaling-tapat at hatinggabi,
siya ang awit pati ang tulang sinasabi; Akala ko
ang pag-ibig ay di naghihingalo: mali pala ako.

Palamlamin ang sindi ng mga bituing
wala nang silbi. Ang araw ay lansagin
at ang buwan ay balutin. Ibuhos ang karagatan
at iligpit na ang kagubatan; dahil walang kabuluhan,
wala nang halaga ngayon ang kagandahan.

SA AKING MGA BISIG

(Halaw kay Nick Cave)


Hindi ako panatiko
ng Panginoon mong
pakialamero. Pero
kung sa harap Niya'y
luluhod ako, ang dasal
ko'y tiyak na ganito:
na dapat Siyang maglubay
pagdating sa iyo
dahil di ko itutulot
hawakan Niya ni hibla
ng alon sa iyong buhok.
Ngunit kung di makikinig
ang May-akda, at Siya pala
lagi ang masusunod
at magtatakda, iuutos ko
sa Diyos na ikaw ay ihatid,
ihatid ka Niyang pabalik
sa aking mga bisig.

Wala akong pananalig
sa mga diwata. Subalit
tuwing nakikita
ang iyong mukha,
ano't minsan ay ibig
ko na ring maniwala.
At kung kailangang tipunin
ang lahat ng diwatang
kaya kong tawagin,
hihilingin kong magtirik
ng kandila ang bawat isa
sa landas na tatawirin
ng makinis mong paa,
tulad ni Bathala,
mahinhing lumakad
sa magaspang na lupa,
susuyuin ko sila
upang ikaw ay ihatid,
ihatid ka nila pabalik
sa aking mga bisig.

Dahil tanging paniniwala ko
ang paniniwala ko sa Pag-ibig,
alam ko balang araw, ako
at ikaw, ay sabay babagtas
sa patag na landas;
Kaya pagliyabin ang mga
sulo, O Diyos ko,
at sa kaniyang paglalakbay
igawad ang patnubay Mo.
Ipataw ang iyong gabay
ngayon at sa panahong
di pa namin masyadong gamay.
Ihatid Mo siya, Panginoon,
siya ay Iyong ihatid
pabalik dito
sa aking mga bisig.

HALAW KAY PAUL AUSTER

White Nights


Walang ibang humihinga rito
at ang inuusal ng aking katawan: anuman
ang masasabi ko ngayon
ay di ko dapat sabihin sa iyo.
Ngunit ako lamang ang naririto
at anumang manggaling sa aking katawan,
walang ibang may pakialam
maliban sa iyo.

Lumalatay sa bubungan ang malakas na ulan,
ayaw papigil at paulit-ulit na kumikitil
sa mga puno’t halaman. At ang pluma
ay naglalamiyerda sa mga basang lupa
habang unti-unting nabubura
ang mga kamay na walang magawa.

Patuloy sa pagsulat ang pluma.
Isinusulat nito halimbawa: sa simula,
sa gitna ng punong malalaki,
isang nilalang ang bumaybay
sa kalaliman ng gabi. Isinusulat nito:
ang makinis niyang katawan
ay simputla ng lupaing
pinapuputi ng buwan. Iyon ang lupa,
at ang lupa ay tumutula
tungkol sa kulay ng katahimikan.

Di ko na igigiit ang aking sarili
at kailanma’y di ko sinabi
ang mga bagay-bagay
na dapat kong sinabi. Ngunit
ang katawan ay isang bulwagang
walang winawaglit. At bawat gabi,
buhat sa mga punong
wala ring masabi,
alam mong ang tinig ko
ay maglalakad nang papalapit
nang papalapit nang papalapit
patungo sa iyo.

02 May 2009

HALAW KAY FRANZ ARCELLANA

-

Binabantayan kita sa iyong katiwasayan,
walang-hanggan at di natitigatig,
wala ka ni katiting na bahid.
Sinusundan ka ng aking mata
kahit saan magpunta,
masiglang paakyat sa mga hagdanan
o saanman dalhin ng matatag na hakbang.
Nakikita kita, ang iyong mukha,
mga matang matatapang
ngunit payapang-payapa.

Pinanonood kitang nakaupo nang walang imik,
parang biyoling naghihintay sa aking kalabit.
Minamasdan kitang tumawid sa malawak na silid
at parang napupuno ng himig itong aking dibdib.

Wala akong pangamba maghapon mang nakatitig
wala akong ikinahihiya o anumang nililingid:
totoong ikaw ang aking pantasya,
totoong ang pangalan ko
ay pangalan ng pagnanasa.
At alam ko,
alam ko kung saan ka hahanapin
kahit sa mga oras na ika’y pagala-gala,
narito ka at di umaalis sa akin,
kaparis ng sigaw na ayaw lumaya.

Kabisado ko na ang pangalan mo.
Tinatawag kita, paulit-ulit,
ngunit di mo naririnig:
o dahil ayaw mong marinig
ang ungol sa aking dibdib.
Tinatawag kita, paulit-ulit,
ngunit ayaw mong lumapit.
Gabay ko ang Panginoon sa langit,
pero ngayong gabi, ikaw ang ibig kong makatalik
!

01 May 2009

GOVERNMENT IN ACTION

(Halaw kay Carl Sandburg)


Gobyerno – lagi kong naririnig
ang tungkol sa gobyerno.
Kaya't inibig kong hanapin ito,
suriin nang malapitan

oras na matagpuan. Una kong nasumpungan
ang isang mamang pulis,
saklot sa kuwelyo, saktong ikukulong
ang isang mamang lasing. “Government

in action”, umiiling-iling kong naibulong
sa sarili. Isang halal na konsehal
ang sandaling pumirmi
sa tanggapan ng piskal.

Di lumipas ang tanghali,
isang demanda ang binawi
laban sa kawatang tumira
sa nalikom na kumot at pera,

iaabot sana, kasama ng gamot
at de lata, sa mga pamilyang binaha.
At komo ang kawatan ay alalay pala
ng ating abang lingkod

walang nagawa ang abogado
kundi maaburido. Sinumang nasa likod
ng ganitong milagro --
parang alam ko na kung sino.

Palabas sa tv ang mga sundalo, panalo
ang porma sa unipormeng bagong-almirol,
habang nakatutok ang mga ripleng kasado
sa obrerong nakikiusap sa mga iskirol

na huwag nang pumasok sa trabaho.
Ganoon na lang ang kanilang debosyon,
hanep kung sumabak sa aksyon,
ang ating Gobyerno.

Dahil ang Gobyerno
ay binubuo ng tao, binubuo ito,
samakatuwid, ng laman at buto
at sangkaterbang bungangang bumubulong

sa sangkatutak na tenga at ilong,
nagpapadala ng mga telegrama,
nagpapatupad ng kautusan, nag-uumang
ng kuwarenta y singko

upang ituro ang kaibahan
ng “Hindi” sa “Oo”.
At kahit pa sila'y isobre
sa magagarang kabaong

at palamutian ang mga kalye
ng gumagapang na prusisyon,
may papalit lamang na bagong mukha,
suot ng taong nasa bulsa

ang puso, pinatitibok ng dugo,
pinaaalsa ng pagnanasa,
ambisyoso at makuwarta,
kuwartang binabayad at nagpapabundat

sa mga bangko, kuwartang panregalo
at pinang-aareglo sa radyo at diyaryo.
Sa dulo, natutunan kong ang Gobyerno
ay kumplikado at masikreto

tulad ng katawang walang tikas
at puno ng sakit;
hasik ang tradisyong bulok,
bukol na kumukulob

sa bangungot ---
Ah! mangyari kung anu-anong gulo
ang pilit kasing isinasaksak sa ulo.
Mas tahimik yata ang buhay

kung nakakulong na lang sa kuwarto;
Sa ganito, di pa huli sa balita
kung sino na ang artistang sinosiyota
ni ganiyan at ni ganireng boksingero.

ANG MASA

(Halaw kay Carl Sandburg)


Ako ang mamamayan, ang taong karaniwan, ang masa
na kadalasang binabalewala.
Alam mo bang ang lahat ng bungang dakila
sa lahat ng sulok sa lahat ng dakong may humihinga
ay sa akin nagmula? Ako ang manggagawa,
ang imbentor, ang nagtahi at nagtanim
ng lahat ng damit at makakain. Ako ang saksi
sa pag-usad ng kasaysayan. Ang matitipunong
mandirigma at mga pinuno
ay sa akin sinasanay. Oo
sila’y mamatay, ngunit sigurado ako
mas marami ang hahalili
na mula rin sa aking hanay. Dahil ako
ang lupang pinagpupunlaan. Ako
ang parang na pinagtatamnan
at bumayo man ang matinding bagyo,
balewala ang lahat ng ito.
Salantain man ang yaman kong nalalabi,
balewala ang lahat ng ito.
Mapinsala man ang lahat ng pag-aari
ay magtatrabaho lamang akong muli
at dito ka nakasisiguro:
balewala ang lahat ng ito.

Minsan ako ay pumapalahaw at umiiling,
nagbabanlaw ng ilang patak-patak ng pula
upang magbigay-tanda
sa kasaysayan. At ang lahat ng iyan
ay balewala lang naman.

Dahil kung ako –
ang mamamayan, ang taong karaniwan,
ay biglang makalimot
sa pagbabale-wala;

Kung ako --- ang masa
na kadalasang binabalewala
ay matutong umalala,

at gamit ang leksiyon ng nakaraan
ay biglang di ko na makaligtaan
ang mukha ng mga mandarambong
na pinagpaparangalan tuwing eleksiyon,
o ang itsura nilang mga nangangaral
na iisa ang kahulugan
ng pagiging dukha at hangal–

Sapagkat kung magkakagayon
walang sinuman sa daigdig ang makasasambit
sa mga salitang: “Taong-Karaniwan”
nang may ngiting nangungutya nang palihim
at may panlalait pa rin sa kaniyang tinig;
Sapagkat kung magkakagayon,
ang mamamayan, ang taong karaniwan,
ang masa na kadalasang binabalewala,
ay naririto na,
at papabilis nang papabilis ang kanilang martsa.
Papabilis nang papabilis ang kanilang martsa!

30 April 2009

ANG MAGNANAKAW

(Mula kay Guillermo V. Sison)


May binibining naligaw sa 'king tabi
ngayong gabi. Patuloy siyang tumataghoy
sa aking panaginip, mistulang hindi
maipagpalibang pag-ibig. Narinig
ko ang kanyang hakbang, kahit ang paglapit
ay napakaingat, napakagaan. At
katulad ng bihasang mangungulimbat,
walang-pasabing nagnakaw siya ng halik
'pagdaka'y iniwan lang akong tulala
at sabik: akala ko’y masusundan pa
ng isa. Saka ng marami pang isa.
Dahil iniisip kong kilala ko siya,
bumangon ako para tipunin lahat
ang hiblang iniwan niya sa aking balat.
Sana pala'y nakuntento na lang ako
sa pagtulog, at hindi na pinilit pang
tumayo upang ituloy ang pagsuyo,
siya na bigla ring naglaho, isang kurap
sa napakababaw na pangarap. Wala
na. Walang bakas ang magpapagunita
sa napakaikli naming pagsasama;
Madilim sa dakong bintana. At dito,
sa loob ng lumalawak na kuwarto,
lubhang lumalalim ang pangungulila.