Kung gaya sana ng istorya
ng mahabang baha, isinalaysay
sa maikling kabanata
ang puno’t punto ng kuwento --
hindi kung paano
ginunaw ng poot
ang mundo, kundi ang pangako
na muling tatayo
sa sakuna ang tao -- kung ganito
sana, may katiyakan
ng paghupa
at maaari muna
pumikit nang payapa. Pasensya
kung di kita ginising sa rasyon
ng ginisang munggo
at papaya. Alam kong papayag ka
kung sabihin kong mas malasa pa
ang malamig na kutsara
kaipala mainam na ipaubaya
ang sarili sa pagod, magpaanod
sa sagradong salmo ng mga monghe
sa panglaw ng bulubunduking
nakaabito ng niyebe, sa tayog
na di nararating
ng karamdamang gumagrabe.
Palibhasa, parang unan
na kasama sa lista ng binayaran
ang pagdurusa, una magigisnan
ang magdamag iniyakan
sa pag-iisa. Mamaya,
sakaling maglipana
ang mga kalapati
sa labas ng bintana,
iisipin kong sarado pa
ang langit
sa dulog
ng himala at malasakit. ‘Sabagay,
sino ba ang naghinala
na ngayon pala ang uwi mo
sa patutunguhang hindi
pa tayo handa? Ako, umaapuhap
pa rin ng tipan o tanda:
isang buntung-hininga, isang pitlag
ng daliri, pagkukunwari
na may palugit na saglit
ang nag-aapurang pangyayari
habang nakatingin
sa walang-katapusang
ngiti sa iyong labi: Mahal ko,
ang nakikita ko
ay di-mabuburang bahaghari!
No comments:
Post a Comment