24 December 2008

ILONG

(Halaw kay Jack Prelutsky)


Salamat sa Maykapal at kanyang itinaong
magara nating ilong sa mukha pinausbong.
Peste kung nagkagayon ang hatid na disgrasya
'pag sa iba tinapal, habambuhay ang dusa.

Lagot 'pag kinalikot ng manipis na uban
ang ilong na umusli sa may dakong bumbunan.
Hindi maisisimple pagdukot ng kulangot,
bulilyaso ang dulot kahit pa tumalikod.

Ang ilong na napadpad sa loob ng tainga
pinsala sa pandinig ang bunga sa tuwina.
Katanungang malupit kung paano babahing.
Ang utak, matatagtag 'pag binalya ng hangin.

Mantakin kung napunta itong ilong sa gitna
ng paang may sapatos, laging pawis at basa.
Ay sus, mahabaging Diyos, peligrosong huminga
kung langhap sa tuwina talas ng alipunga!

Kahit anong mangyari, ang ating ilong nawa
lumagi sa pagitan ng mata at bunganga.
Handa kong talikuran, maski anong pabuya
basta't mananatili itong ilong sa mukha.

23 December 2008

SA MGA GABING TULAD NITO

Sa mga gabing tulad nito
habang nakaburol
ang mga salitang pumurol
sa dila
at tahimik nating pinaglalamayan
ang balarila

nitong pangungulila, wala
nang mas mahusay pang gawin
kundi simsimin ang asim
ng natirang serbesa, ang asim
ng natuyo mong pawis
sa kama, ang asim

na ikinalat ko sa iyong leeg,
sa balakang na nanginginig,
sa malambot mong likod at dibdib.
Ang asim, ang asim
ng mapanglaw na tinging
sumusugat sa akin

hanggang magmadaling-araw
hanggang umapaw
ang namuong dugo
sa mga labi kong pinupog
mo ng halik
hanggang mangawit

ang kasu-kasuan
ng katawang mong
nalamog sa pagtatalik.
Nag-aapurang abala ng telepono
sa malayong tabi,
elektronikong harana

sa naghihingalong gabi
ay di natin alintana.
Ganitong wala tayong ibang kasama
dito. Wala tayong ibang kakilala
dito. Wala tayong ibang paniniwala
dito. Wala kahit ano --- ikaw lamang at ako ---

sa mga gabing tulad nito.

SERENATA SA HATINGGABI

abuhing banig na nakahumlad
sa kalangitang isinumpa
ang iyong kaluluwa
iwinawaksi mo sa ulap ng lumbay
ang alinmang kutitap ng tala
pati hinog na buwan ay pinahihimlay
sa sinapupunan ng kalawakan
ulilang pangarap kang sumisilay
sa kawalang-malay ng magdamag
gayumpama’y hindi nakukubli sa akin
ang dumadatal na hinagpis
tuwing nadadarang ang kabirhenan
habang nagbububo ng luha
para sa bitak-bitak na kapatagan
ng iyong pag-iisa
kaya’t sa bawat himaymay
ng nunulas na panglaw
sa mga awit mong pinagtagpi-tagpi
ay nauulanigan ko
ang sugat-sugat mong pagsamo
sapagkat ako lamang ang daigdig
na dirinig sa ‘yong halinghing
habang ika’y nagpupunla
ng supling sa dilim

ORGASMO

ang orgasmo sa pagtatalik
ay rurok rin ng tulang
lantay ng tayutay
kapag ang bawat pag-iisang laman
ay nagiging mapusok
tuwing naibubuga ang kilabot
kilabot na kapagdaka'y naninilakbo
nagmimistulang dibinong metaporang
nahihinog sa pagpintig
nagbibigay-turing at hiwaga
sa isusupling nitong talinghaga
habang sa pagdaan ng di mabilang
na pagtaas-pagbaba ng hininga
ay may gutay-gutay na katawang
pagal na hihimlay sa dilim
anaki'y makatang kagagaling lang din
sa isang marahas na pagpapatiwakal
sa gubat ng namimintog na patalim

LITANYA SA MAIIKLING KAMATAYAN

Wala nang haranang sasaliw pa
sa mga gitarang baril kung mangusap.
'Pagkat bukas mismo,
pagdatal ng impiyerno,
ultimo talahib sa sementeryo
ay magsisintimiyento.

Hindi ko alam kung totoo
subalit iyan ang kuwentong
nasambit ng diyablo

habang sa kanayuna'y
madalas magmantika
ang bibig ng mga bayarang
lumulura ng tingga.

19 December 2008

INIIBIG KO ANG IYONG PAA

(Halaw sa Your Feet ni Pablo Neruda)


Sa panahong di ko magawang titigan
nang matama ang iyong mukha, ganitong
nagbabadya ang di mapigilang hiya,
naglalakbay ang aking tingin pababa

sa iyong paa. Ang mahubog mong paa.
Ang paa among maliit ngunit matatag,
pasan nang panatag ang humahalina
mong bigat. Ang iyong balakang at dibdib,

ang maputlang-rosas sa kambal na rurok,
ang bilog mong matang hindi ko maarok,
ang makinang mong buhok, mga labi mong
prutas na bagong hinog. Higit sa lahat

iniibig ko ang iyong mga paa
sa dahilang tinugpa nila ang gaspang
ng lupa, ang sagpang ng tubig at hangin
hanggang dalhin ka nito, dito, sa akin.

GANITONG WALANG KURYENTE

Hindi ko pa rin maunawaan
kumbakit ikinatutuwa
ng kapatid kong bunso
ang mga pagkakataong ganito.

Wala kaming imikan pareho
sa masikip na sala.
Hitik sa tinik ang katahimikang
nakatirik sa pagitan

ng aking pagmamasid
habang ang aking kapatid,
sa kanyang apat na taong
pagtataka sa daigdig

ay tuwang-tuwa palagi
kapag nakalatag ang gabi
lalo't walang kuryente.
Sa sumasayaw-sayaw

na liwanag sa dingding
binubuhay niya ang mga halimaw
o malignong marahil baon niya
hanggang pagtulog. Malusog

ang kaniyang tuwa sa mga hugis
na siya lamang ang nakakikilala.
Subalit kapag ginalaw ko
ang sinag ng kandila, alam

na alam kong kakawala
ang palahaw niyang
lagi't lagi'y gumugunaw
sa aking pamamanglaw.

Kaya nga't ewan ko
kumbakit kadalasan pa,
sa ganitong pagkakataong
nawawala ang hinahon

sa aking kalansay,
sadya ko namang pinapatay
ang apoy na lumalandas
sa mitsang di pumupungas

at tila Diyos na walang awang
pagmamasdan ang kapatid
habang sinasaid ang luhang
lulunod sa kaniyang pag-idlip.

Minsan tuloy iniisip ko,
ito na nga ang dahilan siguro,
kumbakit sa apat na taong
pagtataka ng aking kapatid

na walang kalaban-laban
sa kaniyang daigdig,
ayaw na ayaw niyang ako
ang kaniyang nakakalaro.

WALANG BAKAS

(Halaw sa True Love Leaves No Traces
ni Leonard Cohen)


Wari'y hamog na walang sugat na dulot
magdamag mang hagurin ang talulot ng hasmin.
Ako rin, walang larawang maiguhit sa iyong isip,
mapusok mang magtalik

ang ating katawan sa maiikling panaginip.
Tulad ng pait ng di mailagdang halik,
kumakawala sa mga saradong bintana
ng tahanang di maitirik. Tulad ng panata

ng pagsasamang nakatitik sa buhangin,
agad lumalabo sa ihip ng hangin. Gayundin,
pakiwari ko, itong pagsuyo;
natutuyo sa gapos

ng yapos na di magtatagpo.

Pinatatagal ng alak ang gabing mainam
ngunit tamis ay nawawala, at sangsang sa hininga
ang tanging naiiwan. Tayo man, sa paghulog
ng luha'y walang magawa. Naiipon ang mga bubog

mula sa basag-basag na damdamin ---
matalas na paalalang naghihiwalay sa atin.
Mangyaring ang mga bagay na ibig ibigay
ay di maaaring hingin. At ang tulang nais ialay

nawawalan ng saysay tulad ng panalangin.
Tunay na nabubura sa umaga ang burda ng bituin.
Gayundin, sa aking akala, itong pagsinta;
nawawala sa asinta

ng haplos na di magkatugma.

18 December 2008

KAY NIKITA

-

Ma'nong sumikip ang ating silid
at ang dating malalayo,
pira-pirasong sulok ng daigdig,
ngayon ay maaari nang tahiin

ng iyong paang munti. Kasingkinis,
kasinlambot ng talampakang
nagsisimula pa lamang anurin
sa wala pang pangalan, wala

pang sigwang kumpas ng kapalaran
ang iyong damdamin;
ang iyong kaluluwa, umaagos
na tila purong buhangin.

Sumasabay sa hakbang mo ang pagbaybay
palayo sa akin. Walang ingat
ang pagtuklas, ni katiyakan
ang pagtunton. Mahusay

kung gayon. Dahil sa pagbagtas
sa mundo, ang mapang landas
ay blangko. Ang mga paang walang sapin
ang siyang higit nakapapansin

sa mga lingid na kurba at uka
ng maligasgas na lupa.
Ang mga aspaltong umaalimuom,
ang mga kalsadang basa,

tiyak may basbas ng talinong babaon
sa pandamang walang baon
ni manipis na tsinelas.
Ang iyong paghakbang, gaya ng paglurok

sa rurok ng walang-hanggan,
ay pagbisita sa mga eskinitang
laon nang giniba ng nagdaan
ang mga posteng palatandaan.

Sa ganitong pagpapalagay,
malalaman mong gabay
ang paglimot sa bagay-bagay
na iyo nang natutunan;

na habang ika’y gumagaygay
at natitisod
sa iba't ibang gunita at lunan,
kumbakit tila bumabalik

ka lamang nang bumabalik
sa nilisang panahon at daigdig
kahit pa alam mong susugat ito
at susugat sa iyo nang paulit-ulit.

TABLA-TABLA

(Halaw sa If You Forget Me
ni Pablo Neruda)



Mangyari, malaon mo nang nakilala
itong humihilab na pangungulila
sa aking mga salita. Halimbawa
ganitong nakatitig sa manibalang

na buwan, at minamasdan ang paggapang
ng lamat sa kulay-palara niyang balat
samantalang bumabaybay ang anino
ng nakalungayngay na puno sa harap

ng aking bintana, o di naman kaya
tuwing dinarama sa palad ang lambong
ng abong lulutang-lutang sa panggatong --
Lahat ng ito ay nagpapagunita

sa akin sa iyo. Tila lahat-lahat
ay kumakalat -- mapabakal, liwanag
at halimuyak: mistulang bangkang puti,
malamyos akong inaanod pauwi

sa iyong tabi. Ngunit baka-sakali,
sa isip mo ay unti-unting sumagi
na ayaw mo na sa akin, umasa kang
hindi na rin kita siguro mahal pa.

Sa sandaling bigla mo akong limutin
huwag mo na akong hanapin saanman,
tiyak nalimot ko na ang ‘yong pangalan.
Kung sa sarili ay ipagpapalagay

na tunay na nakaiinip maghintay
sa pagpapalit-kulay ng aking buhay,
kung pati isip ay makumbinsing walang
problema kung basta na lang akong iwan

dito sa magaspang mong dalampasigan —
Ah tatandaan mo, sa sandaling iyon
ikakampay ko ang aking mga braso
palayo sa iyo. Pero kung sa bawat

oras, kung sa bawat araw na lumipas
ay maalala mong sadyang naihugis
na pala itong tadhanang nagbibigkis
sa ating dalawa, may kung anong tamis

ang kagyat dadampi’t di maitatatwa.
Ang bawat sandali’y magiging kapana-
panabik. Tulad ng nanunuksong halik,
masimbuyo ang dahan-dahang paglapit.

Ang dating apoy ay muling magdiringas.
Liliyab itong wari bang sa dibdib ko’y
walang anumang namatay ni kumupas.
Mahal ko, malaon mo nang nakilala

itong humihilab na pangungulila
sa sugat-sugat kong salita. Kumbakit,
sa tuwing ako’y iniibig mo, di ko
magawang hindi rin umibig sa iyo.

BAGUIO, HULING GABI

-

Naninilaw sa panglaw ang bawat pahina
ng sandali kong paglagi dito. Ngayon,
pakiwari ko’y sing-asim ng sikmura
ang serbesang pumapasinaya
sa aking pamamaalam.

Mabigat sa pandinig ang usap-usapan
ng mga taong walang suot na mukha
at pangalan. Kinapa ko ang baong tula
sa bulsa, pati maalikabok na litratong
nakakuwadro sa alaala: mga pulubing

naglilimas ng limos at libag sa nanlilimahid
na bangketa; manhid na mga bata,
malayo na sa malay
ng inang Igorota; nilalangaw na kamay
ng putang nakasobre
sa malamlam na cafe. Nakikipag-unahan

sa paghinog ng gabi
ang kakarag-karag na taksi.
Lumalayas ang mga magkasintahang lumiliyab
sa madudugong ilawan. Habang ako,
nakamasid lang. Sumisidhi ang pangangatal
sa dilim ng malalalim na tawanan.

MGA BATA SA PULONG

(Sta. Rosa, Laguna)


Lumiliyab sa katanghalian
ang makintab nilang balat.
Sa ibabaw ng kilapsaw
ng putik na malabnaw, sumasayaw

ang kanilang anino, animo
manikang papel, napunit
sa pagkakapaskel
sa mga dingding na yero.

Manipis ang kanilang katawan.
Kulay gatas na panis
ang mga ngiping minsan lang
sumilip sa labing sugatan,
tulad ng lupang
kanilang kinalakhan.

Makunat ang kanilang tawanan
habang inililibing sa kusot
ang nangangamoy na pusang
pinulot lang sa daanan.

SA KALYE OROQUIETA

-


Tigib sa panglaw ang pagdalaw ng takipsilim
sa kalyeng ito. Sa matang abuhin
ng batang mutain, nagmamanibalang
na duhat ang balat ng langit

habang sinasalok ng kaniyang bibig
ang maligasgas na agas
ng kalawanging bukal
sa gilid ng nahihirinang kanal.

Kumakapal ang libag sa mahabang hita
ng kongkretong bangketa.
Sumasakmal sa hangin
ang nagtatalik na usok, anghit, panis

na laway, suka’t plema, maasim na pawis
ng marurungis na obrero, susuray-
suray na istambay, gusgusing magtitinapay,
at tinderang nakatitik na ang talambuhay

sa nanggigitatang pahina ng kalsada.
Mula sa mapapanghing kalyehon at eskinita,
namumukadkad ang mga puta sa tabi
ng kutuhing motel at kainan ng mami.

Matalim ang titig ng mga gasera
sa loob ng ulyaning aksesorya.
Namamalat sa pandinig ang hiyaw
ng basag na jukebox at busina.

Sa dulo ng walang pangalang kanto,
mistulang hikaing uubu-ubo
ang maiitim na tubo
sa isang lumang planta ng semento.