30 December 2009

HANDANG PUMATAY

(Halaw Kay Carl Sandburg)

Ilang ulit na akong pabalik-
balik dito, at ngayon sa aking pagkakatayo
nang sampung minuto, nakatitig
sa rebulto ng isang pamosong heneral
matikas na itinatanghal
sa ibabaw ng tansong kabayo, tangang mahigpit
ang rebolber at bandila, at sa gilid
ng sinturera, isang espadang bagong-hasa:
kumbakit nangangati ang aking guni-guni
na tibagin ito, at sa sinumang interesado
ang bawat tipak, ang bawat retaso
ay ibebenta ko nang por kilo.
Tatapatin ko kayo: ang magbubukid
at minero, ang nagtatrabaho
sa pabrika, ang mga bumbero
at pahinante ng trak, ang mga hamak
na mensahero -- sila muna
ang dapat ipagpagawa ng makintab na estatwa
bilang paghahayag ng kanilang ambag
upang parati, may mangangabngab ang bituka
upang palagi, may maisusuot na kamiseta.
Sila muna, silang bumubuhay at gumagawa
ang dapat kilalanin, sa halip na unahin
ang kapural ng pagpuksa. Kung kaya di ako mahihiya
sakaling ang pagkutya
ay medalyang nakaaspile sa puso
samantalang minamasdan ngayon
itong heneral ng hukbo, sakay
ng kabayong tanso, tangan
ang banderang dumuduro
sa moradong papawirin
habang kumukulapol ang dugo
sa bagong-sibol na bukirin.

22 December 2009

SAMPAGITA

- Gabi-gabi ay pinupupog ng sampagita ang aking ruta pauwi galing opisina. Sa Ortigas kanina, lantang talulot silang lulutang-lutang habang napapabuntong-hininga ang busina ng nakaprenong trapik sa EDSA. Sa karaniwang istorya, inaabot natin silang nakikipagharutan sa sangsupot na himpapawid o minsan, guryon silang nahuhulog nang paulit-ulit sa sandaling nalulukot ang araw at ang langit ay nalulusaw sa kahel-pulang gaslaw ng neon. Tulad ngayon. At ganitong di naman aksidente ang kanilang pagparito, inuuna ko nang iselyo sa guni-guni ang nakasobreng katuturan ng kanilang pagdami upang bago pa man sila tumambak sa aking tabi nang walang pag-iiba sa liham ng abuloy na dumarating sa atin nang walang pasabi, naipihit ko na ang aking tingin palayo sa mga bakal na barandilya; Walang pag-aalintana nakikita mang tinatahak nila ang kalsadang nagpapalawak sa kongkretong distansya ng kaligtasan at disgrasya; Kung kaya kahit sumpang nakasampay sa balikat nitong isa ang sandaigdig na palahaw ng kapatid na balisa, di ko kailangang mabatid sakaling ang kanyang pagkapit sa buhay ay singhigpit lamang ng paghawak ng munting kamay sa panindang bulaklak; Kung kinakalabit nila ang aking habag sa makupad na pila, habang binubulatlat ng guwardiya sa mall ang patalim na lihim nang nahasa sa kaluban ng aking hinala, hindi ko mapapansin ang pagsamong inuungol sukdulang ilimbag nila ito tulad ng di-nabuburang libag sa polong inalmirol; Kung isa sa kanila ang lalapit sa akin upang magkuwento ng tungkol sa tungkos ng palo at kutos na aabutin dahil kapos ang kanyang tuos sa puhunan at tubo, malamang hindi rin ako matinag sa pagkakaupo. Sa halip, panatag kong uubusin ang laman ng puswelo habang matamang ninanamnam ang matabang na pakunsuwelo ng pay slip na de-kinsenas. O kaya maya-maya sa sinasakyang bus, kung ipagtulakan sila palabas ng konduktora at walang ibalik na sukli sa inilalako nilang dalamhati habang isinasakapalaran ang pag-uwi upang ihimlay sa nangangalay na katre ang kaluluwang paulit-ulit namamatay sa matalim na ginaw ng alas-onse: ang lagay, baka hindi rin ako makumbinsi at malamang ipagpalagay: kanya-kanya lang siguro tayo ng suwerte. Pagpasok sa inuupahang kuwarto, pusikit ang gabi at walang ibang tao. Tumatagos sa aking hawak ang lahat ng bagay na nangagkalat sa pag-iisang lubhang lumalawak : doon, isang banig ang nangangatal; dito, isang antok ang nangangapal. Sa pagitan ng doon at dito: umaapaw ang lamig, umiihip sa bintana ng pusong mariing nakapinid, tulad ng nanlilimahid na eskaparate ng ampaw na Sto. NiƱo: lantang talulot ngayong dito'y palamuti, kuwintas ng sampagitang dati'y puting-puti.