22 July 2021

BAKA-SAKALI

 

Napakadaling isilid palayo sa isip
ang maraming bagay. Parang ganito:
kahit pa ulit-ulitin natin ang pagparito
sa pagtatangkang matunton
ang lihim na liko at lagusan
sa nilulumot na katakumbang
inukit nating pareho
sa kasuluk-sulukan ng ating puso –
mangyari, bago pa man mapagtagpo
ang mga nilulubid na babala
upang magbigay-tanda sa bulwagan
na dati nang natuluyan, gayundin
sa mga silid na pakiwari natin
ay ngayon pa lang napuntahan,
malamang kapwa rin tayo mawala
o di kaya’y mabulid sa pagkalibang
dahilan kaya hindi natin masumpungan
ang mga lingid na labasan
at palaging nalalampasan
kahit ang mararahang likuan
hanggang parehas tayong maubusan
ng paliwanag at pangalan
para sa uusbong na panibago
na namang kalituhan. O minsan,
sa mga umaga, pagkagaling mo
sa kinasanayang pamimitas
ng kung anupaman ang nalabi
mula sa pagtatapat na di nabigkas
noong nakaraang gabi, maingat
mong isasaayos ang mga salita
sang-ayon sa tingkad o dilim
ng bawat letra, tulad ng bulaklak
na masinsing isinalansan
sa loob ng plorera. Ngunit sa halip
na iabot ang tungkos sa akin,
muli pipiliin mong itagoang mga lagas na talulot
kung saan walang makakakita,
kung saan walang lapida at kandila
ang ibubuhos mong lungkot.
Gabi-gabi, paulit-ulit tayong pumaparito
sa ating labirinto. Iniiwan natin
ang mga dati-rati nang kalat: upos
ng sigarilyo, tiket sa bus, di natapos
na hapunan, bote ng serbesa, 

dawag ng damuhang nagkukubli
sa kanya-kanya nating daan pauwi.
Gabi-gabi, paghimlay ng tagulaylay
na itinotono ng iyong mensahe
sa kabaong ng aking telepono,
batid ko na agad ang ‘sinasaad nito:
na di mag-isang kinakabig ng mga nitso
palapit sa bawat isa ang isla-
isla nilang sikreto, sanhi kumbakit
kahit sa paglipas ng habampanahon,
ang malaking kontinenteng bato
ay hinding-hindi mabubuo. Wika mo,
dahil dito kung kaya ang sandali
ay kailangang magtapos parati
sa ganito: una akong lalabas ng pinto.
Isusukli mo ang ngiting taglay ang lamig
ng sambuong sementeryo
habang ang langib na maiiwan
sa ating hangganan, tuwing pababa ako
sa matarik na hagdanan,
'kamo iyan ang pinakamagaspang
sa lahat ng dalampasigan;
at ang humihikab na sugat
sa ating harap, iyan naman
ang pinakamalalim na dagat.
Hahakbang tayo palayo,
pansamantalang maglilimutan,
magdamag pagtatakhan
kumbakit kailangang paligiran palagi
ng galos ang pinakamalambot na bahagi
ng mga puso nating
paulit-ulit na nagbabaka-sakali.

PAUWI NA

  Kung gaya sana ng istorya ng mahabang baha, isinalaysay sa maikling kabanata   ang puno’t punto ng kuwento -- hindi kung paano ginunaw ng ...