“The door could not be heard slamming; they had probably left it open,
as is the custom in homes where a great misfortune has occurred.”
― Franz Kafka, The Metamorphosis
Sa ganitong paraan nangyayari
ang pagpapahiram
ng mga hindi inaasahang
muli pang maisasauli.
Ako ang naatasang magpaubaya
ng tutuluyang silid. Pagtitiyak
ni Nanay, walang katiyakan
kung kailan huhusay
ang disposisyon at lagay
ng matagal nawalay
na bunsong kapatid.
Nakaputong sa anit ng tiyahin
ang manipis na hibla
ng puti at itim: manisnis
na belo ng ulang nakalugay,
umaagos pababa
sa mukhang nabubura
ang manipestasyon ng kulay.
Madalas, ang pagtahak
sa harap ng kaniyang kuwarto
ay parang pag-iwas matapilok
sa nakahambalang na kalat
ng mga bagay na napaglumaan
at naipunan
ng maraming depekto.
Hanggang sa labas lang ng pinto
maaaring ilapag ang rasyon
ng pag-aasikaso. Di dapat magambala
ang mga sulok na tanging libag
ang gumagala nang may permiso.
Gaya ng maletang namumuwalan
sa dami ng bagabag na kinalap
sa madaliang empake,
di mapakiusapang ipinid
ang mata niyang panay ang ligid
sa gilid ng kisame. Pagpapalagay ni Tatay,
malamang may dinaramdam
na humihingi ng pagsisisi.
Pakli ni Nanay, baka naghinihintay
ng paramdam
mula sa mga nagsialis
nang hindi nagsabi. Walang nakaaalam
kung saang lalawigan inuwi
ang asawang naging pang-habambuhay
niyang bagahe. Walang makapagsasabi
kung kailan bibisita
ang katinuan
ng panganay na lumaboy
palayo sa sarili. Pagsapit ng gabi,
nagkakalso kami ng mga basahan
sa awang ng aming
mga hamba at pintuan
upang hindi ganap na magsara
ang anupamang natitira
sa palso naming pag-aalala
ganitong, kumpara
sa pangamba at awa, mas mabilis
kumalat at makahawa
ang namamahay naming
sumbat at panghihinawa.