Ang gatla sa noo ng lawa
ay sinlalim ng gatla
sa hininga ng mangingisda
samantalang sinasagwan nila
ang umaatungal na alon.
Malumbay ang paglilimayon
ng kanilang buto. Ang multo
sa nilulumot nilang puso
ay walang inusal na dasal,
kahit hibik ng almusal,
pambusal man lang
sa magdamag na pagtitika
ng kanilang bituka.
At kaming nakamasid lamang
sa malayo, kasuyo
ang ilang anak ng mangingisda,
ay mistulang naglalayag rin
sa mahabang laot
ng lungkot at balisa
habang patuloy naming pinapandaw
ang bawat pintig ng panglaw
dito sa dalampasigan.
Isang kasama ang nagyaya
maglunoy sa tabsing,
ngunit ang mga bata ay tulala,
tila walang narinig. Sa halip
nakabaklad ang kanilang tingin
sa umaalimbukay na dibdib
ng Sierra Madre. Maligalig
na lang akong tumanaw sa tubig.
Pagtimbuwang ng buwan, dumaong
ang mga mangingisdang malansa
ang baong panaginip. Tumulak
ang mga karitong walang laman
kundi putik. Ang lahat ay napatda
nang mula sa tumana, tumahak
sa hangin, magaspang
tulad ng buhangin,
ang singhal ng asawang nagtatatalak
sa ayaw-pa-umuwing kabiyak.