Dahil batid nating wala dito ang sagot,
samakatuwid, ang pakay ng pagpunta mo
ay upang hanapin ang sakit na hindi natin alam
kung ano ang gamot. Kung ipagtatapat mong
may nakaparadang kimpal ng abo sa ngala-ngala,
at malimit malinlang ng aligutgot ang isipan
tuwing pinahihina ng alinlangan
ang pananampalataya, baka tumpak
ang iyong hinala: na ang dalamhati mo
ay dalamhati mo lamang, hindi namin
kailangang maunawaan. At habang inilalahad
ng iyong kamay ang nagaganap na pagkalipol
ng buhok, ng kilay at bulbol, ang napipigtal
na hibla ng balbas at patilya, ang itsura
ng pinsalang hindi mo dati sukat-
inakala --- mangyari, maiisip mong oras na
upang hayaang umalagwa sa palad
ang di naihagis na saranggola, ang mga sulat
na hindi mo binasa, ang mga barya
na di ipinagkatiwala sa alkansiya, ang mga sugat
na minarapat mong isaisantabi
habang nilulunod sa magaspang na wiski
ang sagpang ng bangungot na pilit ‘winawaksi
sa mga eskinitang tubog sa hamog
ng mahabang hatinggabi. Huli na
kung ngayon mo pa susukatin ang tinamong paglala
sang-ayon sa inabot ng pagtatangkang
tumalikod sa sariling kaluluwa,
bagay kaya di mo dapat ipagtaka
sakaling walang maghintay sa pagbabalik mo dito;
sakaling walang magtimpla ng malabnaw na akap
upang gawing komportable ang muling pag-apak
sa tahimik na balkonahe. Lahat ng ito ay di mangyayari
pulutin mang muli o ikubli ng lampaso
ang mga natabig sa pagmamadali,
ang mga di nakumpuning pagkakamali
at natipong atraso. Sa tarangkahan,
patuloy sa pagkahol ang aso, habang daratnan ka nilang
nag-iipon ng batong isusuksok sa sapatos
upang bigyang-katuwiran ang bigat
ng hakbang palayo sa bakurang
hindi mo nasaksihan ang dalang
ng tag-ulan. Hindi ko sinasabing nasayang
ang pagtungo mo rito. Pero kung iniisip mong
lumingon sa pinanggalingan,
malalaman mong ang laging pinakamahirap balikan
ay yaong mga bagay na, kailanman,
ay hindi mo naman talaga iniwan.