(matapos ang “Silence” ni Martin Scorsese)
Hindi lumilingon sa pinanggalingan
ang sinumang tinuturuang lumakad
sa tubig. Itinatakda ng kawalan
ng pamilyar na maaapakan
ang mahigpit nilang pagkapit
sa hindi nababatid
ng karaniwang pananalig. Kamakalawa,
balyenang sumadsad sa maabong pasigan
ang barkong nagluwa sa mga Padre
sa bunganga ng Nagasaki. Pareho
ng mga naunang propetang natuto
na umpisang hakbang sa kabanalan
ang mismong pagkakanulo sa alaala
ng bayang pinagmulan, wala silang pagpipilian
kundi paniwalaang makakapitan
na parang salbabida ang pagdurusa
maging sa katahimikan. Mga disipulong ermitanyo
na nag-ukol ng mahabang panahon
sa dilim ng oratoryo, walang laman ngayon
ang kanilang abito kundi nakalibing
na eskapularyo, pahid ng panalangin
at linimento, samutsaring yerba at mga buto
na di nila alam kung paano ikakalat
sa dawag na hindi pa nahahalukay
ng kamay o araro. Ang kanilang pakay:
ipayakap sa mga pagano
ang Pangalang hindi nila tiyak
kung mailalapat na parang tinapay at himno
sa mga dilang nangungusap
sa wikang walang sinumang
nakagagamay gaano. Kung sana ay maituturo
ang pagkilala sa mga senyal
ng nakatambang na sagabal
at peligro: ang katekismo ng sukal
na sumusulak sa lalamunang tinatrangkaso;
ang mga banyagang ritwal
na nilulutas sa pagsubok at pagpugot
ang pag-uusig ng atraso. Dagat na nahawi
sa gitna ang pahina ng bitbit na Libro
de Oraciones. Umilanglang sa hangin
ang parangal para sa huling klero
na nangaral sa basalyong Hapones.
Sa labas ng kasko, nakaabang sa paglusong
ang alinsuwag na along naglilingid sa abiso
ng matatalas na bato.
Tulad ng krus na paulit-ulit nilang itatangging
apakan, pinakamabigat buhatin
ang talampakan
ganitong kaylayo ng isang hakbang
tuwing tinatawid ang daan
ng malalim na alinlangan.
No comments:
Post a Comment