Ang pinakamahirap intindihin sa lahat ng bagay
tuwing makikipag-usap ako sa iyo
ay kung paano magtatakda ng pananda
para kalkulahin ang layo na dapat tawirin ng salita
upang ipaunawa ang lawak at distansya
nitong yakap-yakap nating pag-iisa.
Kung tatayo akong muli sa iyong harap,
at mula sa aking kinaroroonan,
sa agwat ng salaming nakaharang
sa isang daigdig nating pagitan,
ay ibulong ko ang payak na pamamaalam
na waring sasaglit ka lamang
sa suking pagbibilhan ng mga halaman,
marinig mo kaya ang aking paglalahad,
ang puspos pa rin ng pag-ibig at pait
na gagawin kong pagtatapat?
Mangyari, tila pahinang paulit-ulit
nang napilas sa maliliit na piraso
ang aking dila, at tulad ng mga paro-parong
namumulaklak sa loob ng bunganga,
pansinin mong umusbong sa hangin
habang binibigkas ko nang taimtim
mula sa matagal na pagkakatiklop
ang mga nagkakapakpak na lungkot.
Hindi ako maghihintay ng sagot. Sapat na
ang katahimikang nakahimlay sa talukap
upang ipaalala na wala tayong hinaharap
na maaaring pag-usapan, kundi nakaraang
paparating pa lamang. Sa ganitong paraan,
baka ganap nating maunawaan
kumbakit hindi kailanman
magiging magaan ang kulang.
Magsisimula ako sa paghingi ng tawad
para sa mga sugat na hinayaang
kumalat sa balat; sa mga hinala
na lumathala sa aligagang ulirat;
sa mga bilbil na napaskil sa liblib
na sulok ng bagabag; sa mga libag
na lumimbag sa lalim na di magalugad
ng mababaw na haplos.
Patawad para sa pag-aakalang lubos na
ang ating pagpapakilala sa isa’t isa
at ubos na ang mahahagilap na yapos
upang pahupain ang pagpupuyos
ng pangungulila. Patawad para sa butil-butil
na pinsala, sa mga taksil
na tula, sa nadiskaril
na pagkakaila. Patawad kung sa kalaunan,
hindi natin mapagkasunduan
kung sa paulit-ulit na pagtanggap
ng iba’t ibang sugat ng katawan,
sadyang nadagdagan ba o nabawasan
ang ating kabuuan. Anu’t anuman,
laging may nadaragdag na kakapusan;
kabawasan na walang-katapusan.
Kaya patawad kung nahirati tayo sa pagpasan
ng iba’t ibang pangalan ng kapansanan,
ng di-mapalis na galis at galos
na ibinihis upang ilihis ang pagtalos
sa kaniya-kaniyang pagkakanulo.
Patawad sa mga dis-oras ng pagbabalatkayo,
sa pagbabaka-sakali na madali
magpanggap na estranghero
na muling pagkakatiwalaan mo
ng iyong mga sikreto. Patawad
sa mga naantalang pangako,
sa mga kinaligtaang pag-ako,
sa mga patlang at pagkukulang
na ginawang impinito
ng matagalang paglalayo. O baka mainam na lang
kung ganito: kung ikaw muli
ang paparito, at sa ating pagkakatayo
hahakbang tayo pabalik sa lumang panahon.
At sa hiram nating pagkakataon,
magkakaroon ng lumang siyudad,
lumang poste at lumang gusali,
lumang kalye na may tiangge
ng lumang libro, lumang rekuwerdo,
at lumang kung anu-ano.
May lumang estante ng papel
na amoy-pabango. May lumang cafe
na may alpombrang kahel.
May lumang mesa na may rosas
na mantel. At naroon ka, nakaupo
mag-isa. Huli ako, maaga ka.
Maagap akong hihingi ng dispensa,
magpapasalamat na, sa kabila ng inip at inis,
pinili mo pa ring manatili at huwag umalis.
No comments:
Post a Comment