Tigib sa panglaw ang dalaw ng takipsilim
sa kalyeng ito. Nakapila ang balde
at palanggana sa maligasgas
na basbas ng nahihirinang hose
sa gilid ng bangketa. Mapintog na eskarlata
ang araw na nagpipigil ng hininga
habang nakaparada sa kalsada
ang aburidong alas singko y medya.
Kumakapal ang libag na nakalatay sa hita
ng kinukupal na kongkreto. Tumatapal
sa hangin ang malagkit na usok,
nagmamantikang anghit at putok
ng tambutso, kumukulong pagtatalo
ng mga piyong nagpupulutan
ng inihaw na impatso
habang itinataob ang mapait na tagay --
pakyawang ginhawang naghihintay
sa dulo ng paghuhukay
ng maghapong ikabubuhay. Sa mapapanghing
kanto at kalyehon, umaariba ang serbidora
sa kainan ng goto at bihon. Maitim
ang titig ng gasera sa inaantok na aksesorya.
Bumabarena sa tenga ang kalampag
ng jukebox at video-karera. Samantala, inihahayag
ng barikada sa bagong-tibag na semento
ang isang buradong abiso: Walang Lusutan
Dito. Tinanong ko si kuyang nagkakamada ng barilya
kung saan may daan palabas ng Abenida.
Ngumiti siyang waring dati ko nang alam ang sagot:
Bay, pareho lang tayong dayo ng lungsod.