Dalawang lamay ang natunghayan ko
pauwi galing sa trabaho. Ang isa
ay tampok na obitwaryo
sa unang pahina ng diyaryo.
Mistulang dilaw na laso
o mahabang hibla ng rosaryong
isinulsi sa punit-punit na pag-asa
ang pila ng usyuserong
nagkalat sa abenida.
Malagablab sa kanilang pagpupuyat
ang kandelabra ng katedral
habang humahalimuyak
ang mga papuring namumulaklak
sa lalamunan ng kardinal.
Walang madilim na aninong
hatak-hatak ang naroroong nangagsidalo
na tila walang maitim na alaalang
maisusuot na parang belo
ang mga pangakong, kaha-kahapon,
pare-pareho nilang
nasaksihang tumapon. Ganito
ang tagpong nakakahon sa loob ng telebisyon
na siya namang tinutunghayan ngayon
malapit sa isa pang lamay,
nadaanan ko pabalik sa bahay:
Sa gilid ng kalye nakabalandra ang burol.
Sa loob ng mumurahing ataul,
nakapulupot sa kamay na nangangasul
ang plastik na rosaryo.
Ang pangaral ng ministro
hinggil sa kamatayan at buhay
ay naalipusta sa ingay
ng mga miron at nakikipusta
sa larong tong-its at sakla.
Nakatitik sa dilaw na laso
ang pangalan ng mga naulila.
Tirik ang ilaw ng kandelabra
na lalo pang nagpapapanglaw
sa barong na naninilaw
ang manggas at kuwelyo.
Samantala, malamyang tinutuka
ng sisiw ang bigas na nagkalat
sa salaming kumukuwadro
sa bangas na mukha
ng binagansiyang binatilyo.