Sapat nang abiso ang pagtayo mo sa higaan
upang maabala sa karaniwang pinagkakaabalahan.
Agad ililigpit ang hinahapit na trabaho: ang lagari
at martilyo; ang pangangailangang ilampaso
ang pinagkataman ng tangile at troso.
Iyan ang kabuuan ng alay kong pagkandili
habang inaalalayan ang iyong hakbang
tungo sa pagkatuto ng mga hanggahan at aksidente.
Ito: pagtanggap at pagganap sa dangal
maging panandaliang sandalan
sa yugto-yugto mong pag-abante.
Sa kalaunan, malalaman mo ang kakapusan
ng mga ginuguhit naming panuntunan
at walang ibubunyag na panibagong daan
ang mga mapang pawang kalipunan lang
ng mga rutang sa iba na namin ‘pinangalan.
Lagi, nasa pagkaligaw ang pagtuklas
ng sariling landas, bagay kaya
higit kang dapat magtiwala sa pagmamatigas-
ng-ulo, sa pagsahod ng karunungang
walang pagsasaalang-alang
sa galos na iuulat ng iyong tuhod at braso.
Sa katagalan, mauunawaan mo ang ugnayan
ng mga nakabiting hugpungan; na ang daigdig
ay katulad lang ng larawang pinagparte-parte.
At habang nakatitig sa palaisipan
kung paano bubuuing muli
ang ginawa naming paghahati-hati,
una mong matututuhan
na di mahuhusgahan ang kabuuan
sa pamamagitan ng pagtingin lamang
sa mga bahaging nagpapanukala
na sadyang may kulang at nawawala.
Sa Herusalem kanina, tinanong kita
kung sadya ka bang nagpaiwan.
Wika mo, walang dahilan
upang mangamba, dapat pa ngang magsaya
dahil doon ka natagpuan
sa tahanan ng sariling ama.
Sa sandaling iyon, habang nakapaligid sa iyo
ang mga pantas at pilosopo
(sino’ng hindi makikinig sa matatas na tinig
na magpapayanig balang-araw
sa alikabok ng templo?), naisip ko,
higit bagay sa iyo maging ministro
o guro, sa halip na karpintero
na mamumulat sa turo
ng pagkaladkad at pagbayubay
ng mabibigat na kahoy at pako.