Maraming bagay ang nagsisimula sa estado
ng pagiging ganap at kumpleto. Lamang, sa kalaunan,
naghahanap tayo ng kabuluhan
sa paghihiwa-hiwalay ng anumang nakamit na
ang kanilang kabuuan.
Kunwari: isang pares ng sandalyas na kuwero,
na gayong maingat na kinorte at tinabas
mula sa kinulting balat na magkabahagi
at pareho, sa simula pa man
ay dinisenyo na ng sapatero
ang katiyakan ng kanilang pagbubukod
upang isakatuparan ang buod
ng kanyang likha: ang pagguhit
ng takda nilang kanan at kaliwa
at paulit-ulit na pag-iwan sa isa’t isa
habang suot ng dalawang paang
nag-uunahan sa patutunguhang
hindi naman magkaiba.
Wika mo, umiiral ang ganitong paglalayo
bilang katibayan ng ating pagtanggap
sa mga bagay na nasira at di na maibabalik
sa dati nilang anyo. Tulad ng pagtiwalag
ng mga bansa at kontinente
sa buklod ng iisang batong higante
habang pinagtitibay ng lindol at pag-usad ng yelo
ang preambulo ng pagkabasag
ng ating mundo; o ang kinakailangang pagkalag
sa pusod ng ina at sanggol
upang ihudyat ang paglaganap ng agwat,
ang di mapunan-punang puwang
na lalagi sa pagitan
ng magulang at anak.
Kung napapansin mo, dumadalas ang oras
na kayhirap matagpuan ang lingid na landas
tungo sa ating katawan. O baka katagalan
ay hindi talaga maiiwasan ang pagsasa-alabok ng balat,
bagay kaya ang mga kinasanayang bahagi -- ang ating siko,
balakang at pisngi -- lahat ng ito ay gumuguho
kahit sa pinakamababaw na paggalugad
ng ating pagbabaka-sakali.
Sa dulo, mag-iipon tayo ng alinlangan
sa paraan kung paano karaniwang
isinasalansan ang matitigas na unan
upang gabi-gabi ay magawa nating ikubli
palayo sa bawat isa
ang kanya-kanya nating pagkasira
hanggang wala nang malabi sa ating tabi
kundi mga anino: bagay na kabisado
nating naririto, gayumpama’y hindi pa rin
maaaring hawakan nang buo.