(Kay Angelo Jeffrey)
Hindi ko maunawaan kumbakit ikinatutuwa
ng kapatid kong bunso
ang pagkakataong ganito.
Wala kaming imikan pareho
sa masikip na sala.
Hitik sa tinik ang katahimikang
nakatirik sa pagitan
ng aking pagmamasid
habang ang aking kapatid,
sa aming pansamantalang pakikiraan
sa kaniya-kaniya naming daigdig,
ay tuwang-tuwa palagi
kapag nakalatag ang gabi
lalo't walang kuryente.
Sa nalulusaw na anino sa dingding
lumiligid ang mga anghel
yari sa gulugod na tingting
at pakpak na ginunting
sa reta-retasong papel. Matining
ang kaniyang tuwa
sa hiwagang sa kaniya lamang
nagpapakita. Kapag ginalaw ko
ang kandila, siguradong kakawala
ang palahaw niyang
lagi't laging gumugunaw
sa aking pamamanglaw.
Kaya nga't ewan ko
kumbakit kadalasan pa,
sa ganitong pagkakataong
nawawala ang hinahon
sa aking kalansay,
sadya ko namang pinapatay
ang apoy na lumalandas
sa mitsang di pumupungas
at tila Diyos na walang tinag
sa harap ng nakaririnding bagabag
habang nalulunod ang paligid
sa lumulundong bigat
ng walang-patid na iyak.
Minsan iniisip ko,
ito na nga ang dahilan siguro
kumbakit sa pansamantala
naming pakikiraan
ng aking kapatid
na mananatiling estranghero
sa kaniya-kaniya naming daigdig,
ayaw na ayaw niyang ako
ang aabutan niyang kalaro.