22 July 2021

ANG MGA HUKOM

 

Maaga tayong ginigising ng lungsod upang magtipon-tipon

sa loob ng UV Express. Isipin nating narito tayo sa hukuman  

at uma-umaga, nililitis natin sa punuang bulwagan

ang mga asuntong magdamag kinalap

ng ating pagtutulug-tulugan.

 

Sa tagpong ito, tayo ang tumatayong lupon ng hurado.

 

Pambungad na pahayag: mapapanood sa TV ang buod

ng ulat. Sumasambulat sa screen ang mga bubog

ng pixel, binabasag ang eksenang pinagtatakhan natin

kumbakit tinangka pang ilingid ng kamera

gayong labis-labis naman ang ibinabahaging detalye

ng tagapag-balita: na dalawang lalake

ang natagpuan sa bangketa. Nakasingit sa bulsa

ng pantalon ang ilang hinihinalang pakete ng ebidensya

upang hindi na tayo magtanong, o mag-aksaya

ng panahon alamin kumbakit at sino, kung ano ang motibo,

at kung paano naisaksak sa loob ng balikbayan box

ang isang pares ng tao -- ang gayon kalaking patotoo

na dumating na ang padalang pagbabago.

 

Sa salaysay ng saksi, una nilang nadiskubre ang katawan

kasama ng iba pang kalat na kinaligtaan

ng gabing nagdaan. Hindi muna nila napansin

ang tag-isang tama ng bala; hindi inakalang tao pala

ang nasa ilalim ng lingkis ng tape

na lumulon sa buong ulo, sa lawas at braso,

sa pinantay na paa. Pahiwatig at paalala

na wala tayong dapat tandaang mukha

at walang ibang dapat tumanim sa gunita

kundi ang bintang ng pagkakasala.

 

Diin ng awtopsiya: nagtangka silang manlaban

sa hindi-na-bagong kapalaran ng mga tulad nilang

sadyang unang napagkakamalan. Katibayan

ang namuong dugo sa baga, ang umurong na dila,

ang sapal ng basahan sa loob ng bunganga,

ang lalamunang nabilaukan

sa sariling pagmamakaawa.

 

Iyon lamang. Maliban diyan ay wala nang dagdag na paratang

na makapagsasabi kung sino ang may-kagagawan.

Walang nagbigay ng sariling alibi

habang sa hinaba-haba ng gabi,

walang anumang nahuli

ang CCTV.

 

Samakatuwid, walang katibayan ang ating hinala

 

kung kaya obligado tayong ibasura

sa araw-araw na paglimot ang nakasusukang itsura

ng karahasang para lamang regalong binalot

 

habang mabigat na karatulang nakasabit sa ating dibdib

ang sumbat sa sarili nating pananahimik at takot.

 

PAUWI NA

  Kung gaya sana ng istorya ng mahabang baha, isinalaysay sa maikling kabanata   ang puno’t punto ng kuwento -- hindi kung paano ginunaw ng ...