22 July 2021

MULI, ANG MGA BATA

 

1.

Higanteng buwitreng nakadapo sa dibdib ng Africa

ang anino ng Sudan sa mapa. Walang pagtataka

kung di man maubusan ng dahilan

 

ang hapdi sa hamba ng luha

ngayong kapwa tayo nakikipagtitigan

sa saglit na dinagit

 

ng nag-aabang na kamera.

Sa harap, isang bata ang naudlot

sa pagmamadaling umabot

 

sa pinamumudmod na botelya

ng tubig na malinaw, ginayat na mais 

at lugaw, takal-takal na ayudang 

 

magpapakalma sana

sa ga-mundong kalam, walang-katapusan

ngayong ipinagbibigay-alam

 

ng bilog na bilog na tiyan.

Walang bitbit kahit ano, 

maliban sa nakabilad na balat at buto,

 

lumalawig ang tanghaling-tapat

sa loob ng litrato

ganitong lumikas na palayo

 

maski ang sarili niyang anino.

Kumbakit pagpikit ay lalong nasusumpungan

ang kalabisan ng mga sinususukat

 

nating kasalatan? Minamasdan ngayon

ang panoramang nag-uudyok

sa paulit-ulit nating pagmulat

 

sa nakasiksik na bangungot 

sa ating talukap. Sa ganitong pagkakataon

pinakamahirap tanggapin

 

na kahit sa malapitang sipat,

wala ni isang pares ng yapak

ang naroroon sa buhangin.

 

 

 

2.

 

 

Dalawang batang magkapatid ang nasawi matapos silang makulong sa nasunog na bahay sa Tondo, Maynila. Ang kanilang bangkay, natagpuang magkayakap kasama ang alagang aso at pusa.  GMA News, October 23, 2019

 

Hinahalughog ng mata

ang lahat

ng ayaw makita.

 

Maaaring madurog

kapag binulabog

ang katahimikang

 

umiilanglang sa sulok.

Nilagom na ng usok

ang paghihingalo. Alikabok

 

na lang nang datnan

ang ungol at tahol

na di nahabol

 

ng dumating

na saklolo.

Inabot silang nakagapos

 

ng bumbero

sa sariling yapos

na di hahantong

 

sa pagtatapos.

Kung may mensaheng

hatid

 

itong

magkapatid, siguro 

ang ibig

 

nilang

ipabatid: kung paano

ginawang permanente

 

ng pamamaalam

ang kanilang

paglalapit.

PAUWI NA

  Kung gaya sana ng istorya ng mahabang baha, isinalaysay sa maikling kabanata   ang puno’t punto ng kuwento -- hindi kung paano ginunaw ng ...