Humihingal ang gastadong bentilador
sa lango kong pandinig. Bumabalatay
ang bangayan at singhal ng kapitbahay
sa bawat panig ng binabalisawsaw
na silid. Maingat ang una kong hakbang,
sinisinop ang mga palatandaang
nakakalat sa kinukupal na sahig
ganitong di malurok ang mga lihim
na nakababad sa malalim na dilim
at walang pahid na bituin sa balat
ang nirarayumang magdamag. Animo’y
aninong nangungunyapit sa katawan
ang nakatarak na amoy ng putikan
samantala’y mapait kong nilulunok
itong singaw ng pusaling lumulukob
sa siwang ng kaluluwang ayaw tablan
ng lumulusob na antok. Pinihit ko
upang buksan ang maganit na bintana.
Sa labas, kalanghap ng bulok na katad
ang hanging naglalamay. Ihing maputla
ang sinag ng buwang solong nakatanghod
sa eskaparate ng buhay sa lungsod –
sa katre, payat ang ulyaning amaing
hirap nang makadilat; humpak ang pisngi
ng kapatid na ang tanging dinarasal
bago matulog ay almusal; tigagal
ang titig ng pusang gutom sa mapanghing
karton. Dali-dalian kong ipininid
ang pagal na mata sa pagak na silid
habang pilit nililingid ang eksena
ng balisang gabi sa gitnang-pahina
nitong lukut-lukot na pagkakasala.
Mainit ngayon ang hanging sumisingit
sa umiingit na sahig, tabla’t yero.
Malagkit ang katahimikan, tulad ng
nangingitim na hininga ng estero.