Akala ko’y mapapawi sa pagbangon
nang tanghali ang kirot na kumukuyom
sa aking batok at sentido. Di naman
sa nagrereklamo ako. Pero ito
na yata ang tanda kapag tumatanda:
kinakalambre ng kabag ang sikmura,
giba ang baga, ang atay nakaratay,
at nanlulupaypay ang lapay sa lasa
ng napanis na magdamag sa bunganga.
Binulabog tayo ng angil ng radyo
sa katabing pinto. Waring nanunudyo
ang dispalinghadong birit, umaangal
kumbakit dapat merong iba palagi
na nauuna sa ating magmay-ari
ng mga bagay na kayhirap bitbitin
ang lalim ng kawalang dapat aminin
sa tuwing obligado nang magsiuwi
sa kanya-kanya nating pagkakamali.
Kunsabagay, sanay na tayong magtagpo
sa dulo ng mahaba-habang inuman
kahit walang maaaring pag-usapan
liban sa di mapigilang pagmamahal
ng presyo ng sigarilyo at pulutan
at kung alin ba sa pagitan ng liempo
o chicharong bulaklak ang mas praktikal
sa mga nagbabalak magpatiwakal.
Ngayon, hinahalughog ng hintuturo
ang tadyang na bumabakod sa ‘king puso
na tila isang sikretong karamdaman
ang sinubok kong hugutin mula rito
noong gabing nagdaan. Di ka nag-ungkat.
Batid mong hindi ako magpapaunlak.
Di mo kinapa ang bahagi kung saan
kabisado mong naroroon ang hiwa,
alam nating mananatiling sarado
ang pintong nakasiksik sa mga uka.
Tulad dati, ako muli ang nagbayad
sa pagkakasalang hindi natin tiyak
kung kailan naganap. Isasauli
ko ang hindi hiniram, isasara ang
di binuksan. Wika mo, parang sugat lang
sa pagitan ng paggaling at paglala:
humuhupa pero hindi nawawala,
may hapding habilin ang pansamantala.