(kay Nikita)
May kaniya-kaniya tayong pamamaraan sa pagsukat
ng bigat. Mariing hatak ng grabedad na nagpapapirmi
sa ating pagtahak sa lupa: maaaring natutuhan mo
na ang bigat ay mababaw na sugat sa talampakan
noong nagsisimula ka pa lang humakbang at gumala;
o isang mapintog na bukol sa bumbunan
tuwing nauuntog sa mga ukol na hangganan;
galos sa paggalugad ng mga sutil na palad;
hampas ng tsinelas na nagpapanukala
ng mga batas at bilin na kinakailangang sundin
o ipagwalang-bahala. Katunayan, ang ating balat
ay talaan ng nagdaraang bigat. Ngunit dahil napupunit
ang sala-salansang kalyo gaya ng pagpapalit-
pahina ng kalendaryo, dahilan ito kaya malimit makaligtaan
ang palatandaang iniiwan ng bigat sa katawan.
Sa pagtanda, ang bigat ay inaanunsiyo
ng di maiangat na talukap tuwing haharap
sa de-susing alas-kuwatro. Mula unang salok
ng tabo, hanggang huling kaskas ng sepilyo, mabigat ang antok
na matamlay nating kinakaladkad sa hagdan, papasok
at palabas sa masikip na banyo. Mabigat ang mga daliring
umaapuhap sa di-mapagpantay na butas
at butones ng polo. Mabigat sa nerbiyos ang kapeng
hindi nababawasan ang gaspang sa puswelo.
Mabigat ang lagitik ng sandali ngayong pareho
tayong nagmamadali, ‘kamo’y huli ka na sa klase.
Sa labas ng bahay, mabigat ang tapak ng ulan
sa iyong payong at kapote. Nataong mabagal ang usad
ng ating sinasakyan, mabigat ang trapik ayon sa ulat
na ating dinatnan. Madalas, parang di gumagaan
ang mga bagay na dati nang pasan.
Mapapatingin ako sa iyo sa loob ng sasakyan.
Malamang ginawa mo na namang sandalan ng ulo
ang nangangalay kong balikat at braso. Mapapangiti
na lang ako. ‘Yan muna ang magagawa ko.
Pagdating sa eskuwela, ibabalik ko ang mabigat na bag
na ugali mong ipabitbit habang naglalakad.
Hahangos ka papunta sa mga kaibigan.
Kakapain ko ang gusot na iniwan
ng iyong bag at ulo sa aking manggas at kuwelyo.
Ganito palagi ang tagpo: ako, maiiwang nakatayo,
iniisip ang bagay-bagay na lalong bumibigat
oras ilapag at di na natin buhat-buhat.