Nangangapal ang hanging nakaaspile
sa nangangatal mong paningin. Pinapahid
mo sa dulo ng mahabang manggas ng polo
ang bodkang tumagas sa bibig
ng natabig na baso. Baguhan ka lamang dito
pero kaydali mong napagsino
ang lingid na rupok sa mga seniserang
tadtad ng paso ng nagdaang
sigarilyo. Sa ganitong paraan,
naisip mo kung paano naghahalinhan
ang pag-iisa sa kumpigurasyon
ng dinatnang espasyo. Sa gilid ng daan,
merong nag-itsa ng tira-tirang ulam at buto.
Rumonda ang sangsang ng suklam at disgusto
habang panay ang dura ng nagpapatrolyang
miron at basurero. Di ka tumayo
para maghanap ng panibagong puwesto.
Nakikiramdam ka lamang
sa posibilidad ng paghinto
ng ihip ng hangin, habang nakatingala
sa buwang nagpapanukala
na, maski gabi na, may bata pa ring naghaharaya
magsabit ng puting saranggola
sa pagod na papawirin. Pagsilip sa relo,
napansin mong putol ang kamay
ng nakatirik na segundo.
Nakagapos sa bangketa
ang kumpol ng mga bisikleta.
Pauwi, may lumapit para mag-alok
ng buhul-buhol na sampaguita.
Ubos na ang barya sa iyong pitaka
at wala kang maiabot na sukli
sa inilalako niyang dalamhati.
Inilahad ng paslit ang palad
upang magpakilala. Umiling ka
at pangiting nagpaalala: “kung ibibigay ko
pati pangalan ko, wala nang matitira
sa sarili ko”. Saka kayo kapwa nilunok
ng katahimikang di ninyo maarok.