“On the wall he slashes…a single worded poem
comprised of four letters”.
Paul Simon. A Poem on the Underground Wall.
Nakikisukob ang buong lungsod
sa ngitngit
ng nababasag na langit.
Nakikisiksik tayo
sa bungad ng gusali, pagbabaka-sakali
na may nakasubing paghupa
sa kisapmata ng sandali, sa bingit
ng pagpapasya
kung mananatili ba
o uuwi.
Paslit na pagala-gala, kakulay ng luha
ang manipis na damit, at mahigpit
ang kapit sa ‘sangsupot na himpapawid,
ang nagsandal ng mukha
sa rabaw ng salaming
nililinis palagi.
Sanggol na eskayola, naliligiran ng laruan
at makikinang na palara
ang tinatanaw niya sa kabilang bahagi,
mabangong panig ng daigdig
ilang hakbang lamang ang agwat
tungo sa di matawid-tawid.
Lumapit ang bantay,
anyong naghahanap ng away
at bigla, walang babala,
itinaboy siya palayo
malayo sa mga taong hindi natutuyo
ang suot na apura at aburido.
Sa halip na tumalima,
tutop ng palad ang bunganga
at sapo ng kamay
ang idinahak na plema’t laway,
ipinahid ng paslit
sa makinis na salamin,
sa gilid ng baybay
ng “Maligayang Pasko”,
ang nanlilimahid na saloobin,
sabay-takbo.
Walang iniwang kuwento
o anumang orakulo,
paalala lamang
na “ako’y naririto”.