Kasingnipis ng balat ng yema
ang gayak nilang kamiseta.
Pagala-gala sila ngayong labasan ng opisina,
tinatawid ang mesa-mesang tumpok
ng mga taong nagpapalipas
ng inip at oras.
Isang liham,
maingat na nakasobre,
ang kanilang pasaporte
papasok sa daungan
ng aking katiwasayan.
Ang kanilang alok:
isang maliit na supot
kuyom ang sangkurot
na pinaghalong asukal na pula
at malapot na kondensada.
Kasinggaspang ng asukal
ang garalgal
sa kanilang lalamunan.
Kasinlagkit ng kondensada
ang kanilang pangungunyapit
sa laylayan ng konsensiya
ganitong sabi nila
ay kailangan nila
ng pambaon sa eskuwela.
Hinahawi ng mga bata
ang tagus-tagusang kurtina,
de-kolor na tabing
sa pagitan ng aking mata
at sa daigdig nilang waring
katiting lamang na yema.
Narinig kong inusisa
ng babae sa katabing mesa
kung lagda ba ng kurot
ang tuldok-tuldok na asul at pula,
di maitatwa ng brasong namamaga
ng isa sa mga bata.
Narinig kong inusisa
ng babae sa katabing mesa
kung kaanu-ano nila
yaong isang lola,
kanina pa nakamasid sa sulok,
bakit pareho silang hinampas sa batok?
Kinabukasan sa opisina,
binaon ko ang biniling yema.
Pagsubo na pagsubo ng isa,
binalot ng manipis na pait
ang nalulusaw na umaga.