Puno ng bubog ang ating alaala.
Isa-isa natin itong ‘kinakalat
sa bahaging hinahakbangan ng paa,
o kung wala, kapwa tayo naghahanap
ng ibang bagay na maaring basagin
upang ilagay sa daraanan natin.
Gabi. Dinuduro ng ulan ang Kalye
Maginhawa. Sa ating pag-aapura,
kumawala sa sakmal ang isang bote
ng SML. Bumubula ang kalsada
na wari bang nilalanggas ng serbesa
ang kayraming lingid na bitak at sugat
ng aspalto’t asera. Wika mo, dapat
tayong maging bihasa sa pagkilala
sa ikikintal na pinsala sa balat
ng iba’t ibang anyo ng pagkabasag:
Narito ang nguso ng bote, singhugis
ng pagtatapat at pagsamong napipi.
Sa malayong tabi tumalsik ang leeg,
yungib na lumululon sa lalamunang
libingan ng kumpisal na di nasambit.
Sa dakong ‘yan ang lungayngay na balikat
buhat-buhat ang buhaghag na bagabag:
lumulundong bigat ng maling hinuha,
malisyosong bintang at palsong akala.
Sa iyong paanan, ang pira-pirasong
katawan: di tiyak na hugis ng gaspang
na gagahis sa kalmado mong ulirat
oras tangkaing ikuyom at pigilan
ang pag-alpas ng lumipas sa ‘yong palad.
Sa ilalim, nariyan ang isang kurba:
hungkag na kawalan ‘pag mula sa labas
natin minasdan, kulob na bukol pala
kung sa bahaging loob natin dinama.
Ito ang bilog na sakong sa puwitan,
sumusukat sa tibay at karupukan
ng mga inakala nating hanggahan.
Subalit ang parteng sadyang importante
na hindi na maibabalik sa dati
ay ang nalansag na espasyo sa gitna
ng tumilapong bote. Buong magdamag,
samantalang sinasaid ang nasalbang
serbesa at ‘sinasalansan ang basyong
pangkubra ng deposito, wala tayong
nasabi sa bawat isa kundi ito:
na sadyang di na natin kakampi ngayon
ang ating mundo. Tingnan mo: kung kailan
wala kang dalang payong, saka bumagyo.